26.7 C
Manila
Biyernes, Hunyo 5, 2026

Gatchalian nais ng installment payment para sa pagpapalawig ng estate tax amnesty

- Advertisement -
- Advertisement -

Nais ni Senador Win Gatchalian na isama ang isang probisyon na nagbibigay-daan sa isang installment payment feature sa panukalang pagpapalawig ng estate tax amnesty upang mahikayat ang mas maraming taxpayers na magbayad.

Nag-ugat ang naturang probisyon sa naging salaysay ni Tax Management Association of the Philippines President Atty. Suzette Celicious-Sy sa nagdaang pagdinig ng senado sa naturang panukala na ang ilang taxpayers ay walang kakayahang magbayad ng kanilang estate tax.

“Kailangan nating tulungan ang mga kababayan natin na walang masyadong kapasidad na makapagbayad ng estate tax. Mahalaga ang probisyon na ito para mas maging epektibo ang muling pagpapalawig ng estate tax amnesty,” pagdidiin ni Gatchalian. Gaya ng iminungkahi, ang mga mag-aavail ng panukala ay papayagang makapagbayad ng estate tax ng installment sa loob ng dalawang taon.

Inihain ng chair ng Senate Committee on Ways and Means ang Senate Bill No. 2197, o An Act Amending Republic Act 11213, na may layong pasimplehin ang proseso at palawigin ng dalawa pang taon ang pag-avail ng estate tax amnesty program.

Hangad din ni Gatchalian na palawakin ang saklaw ng estate tax amnesty program. Kasama sa kanyang panukala na isama ang ari-arian ng mga yumao na namatay noong Disyembre 31, 2021 o bago pa, kasama na rito ang mga namatay noong kasagsagan ng pandemya. Ang kasalukuyang programa kasi ay sumasaklaw lamang sa ari-arian ng mga pumanaw noong Disyembre 31, 2017 o bago pa.

Para mas mapadali para sa mga gustong mag-avail ng tax amnesty program, nais din ni Gatchalian na tanggalin na ang requirement na proof of settlement ng estate, judicial man o extrajudicial, na itinakda ng Bureau of Internal Revenue (BIR).

Dagdag pa dyan, nais ng senador na gawing pamantayan ang electronic filing ng tax return at pagbabayad ng estate tax, isang hakbang tungo sa pinasimple at pinadaling pagbabayad ng buwis.

“Importante na mas madali at mas simple ang proseso ng pagbabayad ng buwis hindi lamang para mas maging mahusay ang pangongolekta ng buwis kundi para mas marami sa ating mga kababayan ang tumupad sa kanilang mga tungkulin,” dagdag niya.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -