25.6 C
Manila
Biyernes, Hulyo 4, 2025

Empleyadong magtatrabaho sa Eid’l Adha, tatanggap ng dobleng bayad

- Advertisement -
- Advertisement -

Makakatanggap ng 200 porsiyento ng kanilang sahod ang mga empleyado sa pribadong sektor na papasok sa trabaho sa Hunyo 28, pagdiriwang ng Eid’l Adha, pahayag ng Department of Labor and Employment (DoLE).

 

Inilabas ni Secretary Bienvenido Laguesma ang Labor Advisory No. 14, Series of 2023, na nagsasaad sa tamang pagtutuos sa sahod ng mga manggagawa para sa idineklarang regular holiday bilang paggunita sa Eid’l Adha o Feast of Sacrifice.

 

Itinatakda ng advisory na ang mga empleyadong magtatrabaho sa regular holiday ay babayaran ng 200 porsiyento ng kanilang sahod sa unang walong oras (arawang sahod x 200 porsiyento).


 

Kung ang empleyado ay hindi papasok sa trabaho, sila ay babayaran ng 100 porsiyento ng kanilang sahod para sa nasabing araw, ngunit kinakailangan sila ay nagtrabaho o naka-leave of absence na may bayad sa araw bago ang regular holiday.

 

Kung ang araw na sinusundan ng regular holiday ay araw na walang pasok sa establisimyento o nakatakdang araw ng pahinga ng empleyado, nararapat silang bayaran ng holiday pay kung sila ay nagtrabaho o naka leave of absence sa araw na sinusundan ng araw na walang pasok o araw ng pahinga.

- Advertisement -

 

Ang empleyado na magtatrabaho ng higit sa walong oras (overtime) ay babayaran ng karagdagang 30 porsiyento ng kanyang orasang kita (Orasang kita ng arawang sahod x 200 porsiyento x 130 porsiyento x bilang ng oras na trinabaho).

 

Bukod dito, nakasaad sa advisory na ang mga empleyadong magtatrabaho sa nasabing regular holiday na araw din ng kanilang pahinga ay babayaran ng karagdagang 30 porsiyento ng arawang sahod na 200 porsyento; habang ang mga gagawa ng overtime na trabaho ay babayaran ng karagdagang 30 porsyento ng orasang kita sa nasabing araw.

 

Para sa karagdagang katanungan sa tamang pagbabayad ng sahod, pinapayuhan ang publiko na tumawag anumang oras o araw sa DoLE Hotline 1349. Maaari din silang tumawag o mag-text sa 0961-595-8439, mula alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon, Lunes hanggang Biyernes.

- Advertisement -

 

Maaari ding ipadala ang kanilang mga katanungan sa pamamagitan ng electronic mail sa [email protected] o sa pamamagitan ng direktang mensahe sa Facebook Page ng DOLE.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -