SA gitna ng paggunita ng World Population Day noong Hulyo 11, hinimok ni Senador Win Gatchalian ang pamahalaan na tiyaking patuloy na ibaba ang bilang ng teenage pregnancy o maagang pagbubuntis sa bansa.
Ayon sa 2022 National Demographic and Health Survey (NGS) ng Philippine Statistics Authority (PSA), 5.4% o 5,531 ng mga babaeng may edad na 15 hanggang 19 ang naitalang nabuntis. Mas mababa ito sa 8.6% na naitalang nabuntis mula sa parehong age group noong 2017. Ayon sa ahensya, naitala sa 15 rehiyon noong 2022 ang patuloy na pagbaba ng mga kaso ng teenage pregnancy. Umakyat naman ang kaso ng teenage pregnancy sa Cordillera Administrative Region at Western Visayas.
Ayon pa sa pag-aanalisa ng PSA, bumababa ang porsyento ng teenage pregnancy kung mas mataas ang educational attainment o tinapos sa pag-aaral. Sa mga nakatapos ng grade 7 hanggang grade 10, 5.3% ang nabuntis, 4.8% sa mga nakatapos ng grade 11 at grade 12, at 1.9% para sa mga umabot ng kolehiyo.
Para kay Gatchalian, mahalagang estratehiya pa rin ang pagpapanatili sa mga kabataang kababaihan sa paaralan upang maiwasan ang paglobo ng kaso ng maagang pagbubuntis. Tinukoy rin niya ang mahalagang papel ng Comprehensive Sexuality Education (CSE) na itinuturo sa mga paaralan sa ilalim ng Department of Education (DepEd).
“Mahalaga ang papel ng mga paaralan upang maturuan ang mga batang kababaihan laban sa mga panganib ng maagang pagbubuntis. Kailangang tiyakin nating may akma at wastong edukasyon ang mga batang kababaihan upang mapangalagaan nila ang kanilang kalusugan at magandang kinabukasan,” ani Gatchalian, chairperson ng Senate Committee on Basic Education.
Noong nakaraang taon, inihain ni Gatchalian ang Proposed Senate Resolution No. 13 na nagsusulong ng imbestigasyon sa bilang ng mga maagang nabubuntis at ang patuloy na pag-akyat ng kaso ng human immunodeficiency virus infections sa bansa. Layon ng imbestigasyon na pag-aralan ang kasalukuyang polisiya ng CSE ng DepEd upang malaman ang lawak o saklaw nito at kung gaano ka-epektibo ng implementasyon nito.
Ani Gatchalian, kailangang tutukan ang nananatiling mataas na bilang ng maagang pagbubuntis ng mga kabataang nasa edad na 10 hanggang 14. Gamit ang datos ng PSA, pinuna ng Commission on Population and Development na mahigit 2,000 na mga batang babaeng may edad na 10 hanggang 14 ang nabuntis noong 2022. Ikinabahala rin ng ahensya na ang mga lalaking nasa edad na 21 pataas ang dahilan ng pagbubuntis ng mga menor de edad na ito.
Para kay Gatchalian, kinakailangan ng agresibong pagpapatupad ng Republic Act No. 11648, ang batas na nagtaas sa edad ng sexual consent sa 16 mula 12. Isa si Gatchalian sa mga may akda ng naturang batas.