27.8 C
Manila
Biyernes, Setyembre 13, 2024

21 karagdagang cardinal, pinangalanan ni Pope Francis

- Advertisement -
- Advertisement -

DALAWAMPU’T isang bagong cardinal ang itatalaga sa kanilang tungkulin ni Pope Francis sa Setyembre 30, kung kailan isasagawa ang pagpupulong ng mga cardinal at kilala bilang isang consistory, ang ika-siyam para sa 86-taong-gulang na pontiff, na naging pinuno ng Simbahang Katoliko noong Marso 2013.

Si Pope Francis sa pagpupulong ng mga cardinal. TMT FILE

“Their provenance expresses the universality of the Church that continues to proclaim God’s merciful love to all people on earth,” sabi ng Papa, kasunod ng kanyang lingguhang panalangin ng Angelus tuwing Linggo mula sa bintana ng Apostolic Palace sa Saint Peter’s Square.

Ang mga kardinal ay itinatalaga ng Santo Papa at bilang miyembro ng College of Cardinals ay may tungkulin na lumahok sa Papal Conclave, ang pagboto para sa bagong pinakamataas na opisyal ng Simbahanbg Katoliko sakaling magbitiw sa tungkulin o pumanaw ang kasalukuyang papa.

Karamihan sa mga ito ay may karagdagang tungkulin kabilang ang mga misyon sa loob ng Roman Curia, ang governmental body ng Holy See. Upang maging karapat-dapat na makaboto sa Conclave, ang isang Cardinal ay dapat na mas mababa sa edad na 80.

Kabilang sa mga hinirang na mga bagong cardinal si La Plata, Argentina, Archbishop Victor Manuel Fernández, 59, na napili ni Pope Francis para mamuno sa tanggapang titiyak na naipatutupad ang wastong doktrina at pamunuan ang imbestigasyon sa mga alegasyon ng pag-abusong sekswal laban sa mga pari sa buong mundo.

Sa ulat sa https://www.npr.org, isang grupong naka-base sa Amerika ang nagsabing nakakabahala ang ginawang pagpili ng Papa sa arsobispo ng Argentina, na noong 2019 ay tumangging maniwala sa mga biktima ng umano’y pangmomolestya na naganap sa nasasakupang archdiocese.

Ang dalawang pang may mahalagang tungkulin sa Vatican ay sina Monsignor Robert Francis Prevost, 67, na mamuno sa Dicastery for Bishops; at Monsignor Claudio Gugerotti, 67, isang Italian na itinalaga sa Dicastery for Eastern Churches.

Kasama rin sa mga bagong cardinal sina Monsignor Americo Manuel Alves Aguiar, auxiliary bishop mula sa Lisbon, Portugal, na nakatakdang dalawin ng Papa sa susunod sa buwan para sa Catholic youth jamboree, na sa edad na 49 ay bata pa para maging cardinal.

Kabilang din sa mga bagong cardinal si Hong Kong Bishop Stephen Sau-yan Chow, 64, at ang pinakamataas na opisyal ng Vatican sa Middle East, Monsignor Pierbattista Pizzaballa, 58, ang Latin Patriarch ng Jerusalem.

Ang iba pa ay sina Monsignor Sebastian Francis, 71, bishop mula Penang, Malaysia, na namumuno sa bishops conference of Malaysia, Singapore at Brunei; Monsignor Francois-Xavier Bustillo, 54, isang Franciscan at native Spaniard na obispo ng Ajaccio, sa French island of Corsica; Monsignor Luis Jose Rueda Aparicio, 71, archbishop ng Bogota, Colombia; at Monsignor Grzegorz Rys, 59, archbishop ng Lodz, Poland; Monsignor Emil Paul Tscherrig, 76, isang Swiss prelate na unang non-Italian na magsilbing papal ambassador to Italy at San Marino; Monsignor Christopher Louis Yves Pierre, 77, isang Frenchman na nagsilbing diplomat sa Washington, D.C.; Monsignor Angel Sixto Rossi, 64, isang Jesuit na archbishop ng Cordoba, Argentina; Monsignor Jose Cobo Cano, 57, na hinirang na maging archbishop ng Madrid noong nakaraang buwan; at si Rev. Angel Fernández Artime, 62,  Spaniard na rector major ng Salesians, isang congregation ng mga paring naninilbihan sa 133 mga bansa.

Tatlo sa 21 bagong cardinal ay 80 taong gulang o higit pa kaya’t hindi na maaaring bumuto sa conclave. Ang mga ito ay sina Italian prelate, Agostino Marchetto, 82, na naging pinakamataas ng Vatican diplomat sa Belarus, Madagascar, Mauritius at Tanzania; Monsignor Diego Rafael Padron Sanchez, 84, archbishop emeritus ng Cumana, Venezuela; at ang Franciscan priest na si Luis Pascual Dri, 96.

‘College of Cardinals’

Ayon sa isang artikulo sa https://www.usccb.org/, kapag namatay o nagbitiw ang isang papa, ang pamamahala ng Catholic Church ay ipapasa sa College of Cardinals. Ang mga kardinal ay mga obispo at mga opisyal ng Vatican mula sa buong mundo, na personal na pinili ng papa, na madaling makilala dahil sa kanilang mga natatanging pulang damit. Ang kanilang pangunahing responsibilidad ay ang maghalal ng bagong papa.

Kasunod ng pagkabakante sa pagka-papa, ang mga kardinal ay nagdaraos ng serye ng mga pagpupulong sa Vatican na tinatawag na mga pangkalahatang kongregasyon. Tinatalakay nila ang mga pangangailangan at mga hamon na kinakaharap ng Simbahang Katoliko sa buong mundo. Maghahanda rin sila para sa paparating na halalan ng papa, na tinatawag na conclave.

Ang mga desisyon na tanging ang papa lamang ang maaaring gumawa, tulad ng paghirang ng isang obispo o pagpupulong ng Synod of Bishops, ay dapat maghintay hanggang matapos ang halalan.

Noon, 15 hanggang 20 araw pagkatapos ng pagkabakante ng papa, ang mga kardinal ay nagtitipon sa St. Peter’s Basilica para sa isang misa na humihingi ng patnubay ng Banal na Espiritu sa pagpili ng bagong papa. Tanging mga cardinal na wala pang 80 taong gulang ang karapat-dapat na bumoto sa isang conclave. Kilala sila bilang mga cardinal electors, at ang kanilang bilang ay limitado sa 120. Para sa conclave mismo, ang mga cardinal electors ay nananatili sa Sistine Chapel at nanunumpa ng ganap na paglilihim bago ikandado ang mga pinto.

Ang mga kardinal ay bumoto sa pamamagitan ng lihim na balota, isa-isang pinoproseso hanggang sa fresco ni Michelangelo ng Huling Paghuhukom, nagdarasal at ibinaba ang dalawang beses na nakatiklop na balota sa isang malaking kalis. Apat na round ng pagboto ang ginagawa araw-araw hanggang ang isang kandidato ay makatanggap ng dalawang-katlo ng boto.

Ang resulta ng bawat balota ay binibilang nang malakas at itinatala ng tatlong kardinal na itinalaga bilang mga tagapagtala. Kung walang makakatanggap ng kinakailangang dalawang-katlo ng boto, ang mga balota ay sinusunog sa isang kalan malapit sa kapilya na may pinaghalong mga kemikal upang makagawa ng itim na usok.

Kapag natanggap ng isang kardinal ang kinakailangang dalawang-ikatlong boto, tatanungin siya ng dekano ng College of Cardinals kung tinatanggap niya ang kanyang pagkapanalo. Kung tatanggapin niya, pipili siya ng kanyang magiging pangalan.

Ang mga balota ng huling round ay sinusunog ng mga kemikal na gumagawa ng puting usok upang ihudyat sa mundo na mayroon nang bagong papa.

Ang senior cardinal deacon ay ia-anunsyo mula sa balkonahe ng St. Peter’s “Habemus Papam” (“Mayroon kaming isang papa”) at pagkatapos ay magpapakita ang bagong papa upang ibigay ang kanyang basbas sa lungsod ng Roma at sa buong mundo. May karagdagang ulat ni Rufina Caponpon

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -