TAGASAAN ka? Malapit ka ba sa Camilo Osias Naval Base o Lal-lo Airport sa Cagayan, Camp Melchor dela Cruz sa Isabela, Cesar Basa Air Base sa Pampanga, o Fort Magsaysay sa Nueva Ecija? O kaya sa Antonio Bautista Air Base sa Puerto Princesa, Balabac Island sa Timog Palawan, Mactan Benito Ebuen Air Base sa Cebu, o Lumbia Air Base sa Cagayan de Oro?
Iyan ang siyam na kampo ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas (AFP sa Ingles) na ipagagamit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Estados Unidos (US) sa ilalim ng kasunduang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA). At kung nag-aalala ka sakaling sumiklab ang digmaan sa pagitan ng Amerika at Tsina at atakihin ang kampong malapit sa inyo, hindi ka nag-iisa.
Kasama mong abala sa posibleng digmaang US-Tsina, lalo na sa islang Taiwan, sina Kalihim Gilbert Teodoro Jr. ng Kagawaran ng Tanggulang Pambansa (DND sa Ingles) at bagong Tagapamuno ng AFP Heneral Romeo Brawner. Sinabi ni Teodoro kamakailan na gagawa ang DND ng plano kung sakaling magkadigma sa Taiwan, katulong ang militar at iba pang ahensiya ng gobyerno.
Kung walang mga baseng EDCA na ipagagamit sa Amerika, walang dahillang mangamba ang naninirahang malapit. Ngunit dahil pumayag si Presidente Marcos na magpuwesto ng armas at gumamit ng mga base ang US, hindi lamang ang 150,000 Pilipinong nagtatrabaho sa Taiwan at mga lugar na malapit sa isla ang manganganib kung magkagera, kundi mga lalawigan at siyudad sa iba’t-ibang dako ng Pilipinas.
Ito ang pinakamalaking kamalian ng Pangulo, higit pa sa paghawak niya sa Kagawaran ng Pagsasaka (DA sa Ingles) sa halip ng magtalaga ng kalihim, at sa pagkayanig ng alyansiya nila ni Bise-Presidente Sara Duterte (kapwa tinukoy sa unang bahagi ng artikulong ito https://tinyurl.com/4nz7f3b4). Mangyari, sa pagpapatupad ng EDCA, inilagay ni Marcos sa laking peligro ang buhay at kaligtasan ng napakaraming Pilipino.
‘Pauulanan ng missile’
Hindi malayong humigit sa pinsala ng lindol, pagputok ng bulkan, bagyong Yolanda o maging pandemya kung atakihin ang mga baseng pagamit sa Amerika. Sa katunayan, nagbabala ang dating pangulong Rodrigo Duterte sa panayam niya kay Pastor Apollo Quiboloy na “pauulanan ng missile” o raket ang mga base, subalit dinedma ng pamunuan at media. (Tinukoy ni Duterte ang EDCA mga 18 minuto mula sa simula ng video: https://www.youtube.com/watch?v=_3qoIsrU5YQ).
Pero malaon nang sinasabi ng mga dalubhasa na aatakihin ng Tsina ang mga baseng gamit ng US. Ito ang babala ng RAND Corporation sa ulat nito noong 2016, “War With China: Thinking Through the Unthinkable.”
At noon pang Marso 2022, halos isang taon bago pa man ipinatupad ang EDCA nitong Pebrero, sa war games o digmaang subok ng Center for New American Security, tinukoy ang pag-atake ng mga eroplanong US mula sa Pilipinas (7 minuto mula sa simula ng programang Meet The Press, https://youtu.be/qYfvm-JLhPQ) at pagganti ng Tsina sa atin (10 minuto).
Dahil malamang sa panayam ng matandang Duterte, rumatsada ang mga Amerikano at ang mga tagasuporta nito sa Pilipinas laban kay Pangalawang Pangulong Sara Duterte. Mangyari, nangangamba ang US na mawala ang mga base kung isa na namang Duterte ang maging pangulo.
Kaya hindi kataka-taka ang intriga laban isang pangunahing kaalyado ni Inday Sara, si Kongresista Gloria Arroyo ng Pampanga. Inalis ang dating presidente sa puwestong senior deputy speaker ng Kamara. Agad kumalas si Inday Sara sa partidong Lakas-Christian Muslim Democrat dahil sa tinawag niyang “kasuka-sukang atakeng politika.”
Sabay-sabay namang nagpahayag ng suporta kay Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang mga partido ng namumunong koalisyon. Mukhang siya ang isusulong bilang sunod na presidente. Kaya naman sa palagay ng kapwa kong kolumnista na si Rigoberto Tiglao, sina Romualdez at Sara Duterte ang maglalaban sa halalan ng 2028.
Ang panganib ng EDCA
Sunod na plano ng Amerika ang pahabain ang EDCA nang sampung taon pa mula sa Abril, kung kalian mapapaso ito kung walang renewal o muling kasunduan.
Pihadong sa mga buwang darating, mas daragsa ang paratang ng panghihimasok laban sa Tsina, samantalang lalong dadalas ang balitang pagtulong ng Amerika sa ating ekonomiya, depensa at mga pamayanan, lalo iyong malapit sa mga baseng EDCA.
Ang panganib, bukod sa atake sa mga kampo kung magkagera, kabilang ang sandatang atomika na maaaring makalason sa ating palayan sa Gitnang Luzon, sadyang binabale-wala ng Amerikano ang nais natin, maging ang pahayag mismo ni Pangulong Marcos.
Ilang ulit niyang inihayag na para lamang sa depensa ng Pilipinas ang mga base. Sinabi pa niya pagdalaw sa Amerika noong Mayo na “niliwanag naming hindi ito (digmaan sa Taiwan) ang paggagamitan nitong mga base.” Subalit wala sa pahayag nina Marcos at Pangulong Joseph Biden ang pananaw ng ating pinuno, at etsa-puwera rin sa “bilateral defense guidelines” na inilabas ng Kagawaran ng Depensa ng US.
Hindi dapat magpatuloy ang kasunduang EDCA yamang balewala sa Amerika ang ating pananaw at kaligtasan. At kung hahaba pa ito ng isa pang dekada, lalo pang malaking kamalian ito para kay Pangulong Marcos.