NITONG Hulyo 14, 2023, matagumpay na idinaos ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ang isang kapuri-puring aktibidad: ang kampanya para sa Responsableng Panonood. Dinaluhan ito ng mga Parents-Teachers Organizations (PTA), mga guro sa National Capital Region, at mga piling Department of Educatiion (DepEd) officials, pati na rin ang iba pang stakeholders ng makabatang panuorin.
Kung matatandaan, noong nagdaang mga taon, nagdaraos din sila ng Matalinong Panonood Summit. Layon nito na maipabot sa mga tao ang ginagawa ng kanilang ahensya upang mapatatag ang maayos na panonood sa mga palabas sa telebisyon. Mapalad tayong naanyayahan ng MTRCB upang maging isa sa mga tagapagsalita sa mga nagdaang summit o kumperensiya nito. Katuwang kasi ng MTRCB ang aming ahensiya, ang National Council for Children’s Television (NCCT), sa pagtataguyod ng child-friendly TV programming. Nakatutuwang ipinagpapatuloy nila ang kampanyang ganito sa ilalim ng pamumuno ngayon ni MTRCB Chairperson Diorella ‘Lala’ Sotto-Antonio at ng kanyang board.
Makikita natin na talagang masidhi ang pagnanais ng MTRCB na gawing kapaki-pakinabang ang panonood sa telebisyon (o sa pelikula man). Talaga namang dapat ay magtulungan tayo upang maabot natin ang layon ng makabatang panuorin. Pero kahit nandito ang mga ahensyang nais magpatupad ng child-friendly programming sa TV — kagaya ng MTRCB at NCCT — kung hindi kami tutulungan ng mga magulang at guro sa pagpapatupad nito, hindi ito magtatagumpay.
Panawagan namin sa lahat ang makiisa rito. Kailangan namin ang inyong pakikiisa. Higit sa mga pang-gobyernong ahensyang tutok sa pagpapalaganap ng ‘responsableng panoorin,’ naniniwala ako na una sa lahat ay responsabilidad ito ng mga magulang. Sila muna ang kailangang tumutok sa kung ano ba ang katanggap-tanggap na panuorin para sa kanilang mga anak.
Tunay na maganda ang efforts ng MTRCB na magbigay ng gabay sa panuorin, partikular sa TV viewing: ang rating na “G” (para sa wholesome na panuorin), ang “PG” (para sa Parental Guidance), at “SPG” (para sa Strong Parental Guidance). Makikita natin ito sa ating mga TV sets habang nanunuod. Pero ang reyalidad, ilan bang magulang talaga ang nanunuod ng TV kasama ng kanilang mga anak? Ilang magulang ang talagang nakatutok sa content na pinanunuod ng kanilang anak? Mahalaga kasi ang ‘parental mediation’ upang maipatupad ang ating sinasabing ‘Responsableng Panonood.’
Isa pa, sakaling nandiyan nga ang mga magulang sa kanilang tabi habang nanonood, alam kaya nilang ipaliwanag sa kanilang mga anak ang mga imahe at mensahe na kanilang nasasagap sa mga pinanonood na TV show?
Isa rin itong malaking hamon na ating kinakaharap. Dito papasok ang kahalagahan ng pagkakaroon ng “media literacy for parents.” Sa ganitong mga aktibidad kasi, napapaliwanagan ng mga eksperto sa media ang mga magulang at iba pang adults na miyembro ng pamilya. Pinag-uusapan dito ang mga nakatagong kahulugan o subtle messages na inihahatid ng isang palabas (o kahit pa ng patalastas).
Mahalagang patatagin ang kampanya para sa Responsableng Panonood upang kung sakaling may mga tanong ang kanilang anak tungkol sa kanilang napanood, makatitiyak tayo na akma o appropriate ang magiging tugon ng kanilang mga magulang. Kung walang ideya ang magulang sa mga konseptong pang-media, hindi rin niya masasagot ng tama ang kanyang anak. Mawawalan ng saysay ang nakapaskil na TV viewing guide sa ating mga TV sets. “PG” rating for Parental Guidance? Ano bang mabisang gabay ang maibibigay ng mga magulang sa mga bata habang nanunuod?
Importante talagang mabigyang-kaalaman natin ang mga magulang ngayon pa lang ng mga media literacy concepts para matulungan silang i-navigate ang nagbabagong landscape ng media ngayon. Gayon din sa mga guro na itinuturing na pangalawang magulang ng mga bata sa eskuwelahan. Bawat taong dumarating ay hamon sa ating lahat dahil di natin alam kung ano na namang klase ng media ang tututukan ng ating mga anak sa mga darating na taon. Kailangang ihanda ang ating mga magulang at guro at iba pang nakatatandang miyembro ng pamilya upang maipatupad nang maayos ang kampanya tungo sa ‘Responsableng Panunuod.’
Dahil sa paglabas at pagiging popular ng social media (o digital media) ngayon, kahit sino na lamang ay puwedeng mag-upload ng content sa youtube o facebook. Basta’t may hawak tayong gadget (cellphone o tablet) at malakas ang wifi connection, agad-agad tayong nakakapag-upload ng content sa social media. Nang mauso at maging popular ang Tiktok, lalong dumami ang naglabas ng content sa online world. Marami tuloy ang panuorin na hindi nakalulugod sa bata, mga kabataan, at maging sa iba pang miyembro ng pamilya. Wala nang nagaganap na vetting o quality assurance. Wala kasing editor na sasala sa mga nilikhang content. Dito nagiging mapanganib ang youtube o iba pang social media platform.
Kahit pa sinasabi ng iba na karamihan sa mga bata ngayon ay nakatutok sa youtube at iba pang gadgets dahil sa pag-usbong ng digital technology, marami pa rin na ang telebisyon pa rin ang pangunahing source ng entertainment ng isang pamilya lalo na sa malalayong lugar – sa mga island communities at mga baryo – na hindi gaanong malakas ang internet/wifi connection.
Sa isang panahon na marami ang nagtatanong kung relevant pa ba ang telebisyon sa pagdating ng social media, ang aking panawagan ay ito: paghusayin at palutangin ang makabuluhang content sa telebisyon, mga content na makaka-relate ang mga manunuod, mga content na magpapalutang ng ating pagka-Pilipino, mga content na magpapatatag ng karakter ng mga bata’t kabataan, at mga content na mag-aalay ng pag-asa (hope) sa mga manunuod . At habang tinututukan natin ang content ng kanilang panuorin, pangatawanan na rin natin ang pagiging mapanuri sa mga palabas sa screen (TV man ito o gadgets).
Mahalagang maging mapanuri, mapili, at discriminating ang ating mga anak. Pero magsisimula ito sa ating mga nakatatanda. Kung nakikita nilang ayos naman sa atin ang kanilang pinanunuod at di tayo nagre-react dito, nagbibigay ito ng impresyon na okay naman pala ang naturang palabas. A ‘discriminating and media-literate parent’ breeds a ‘discriminating and media-literate child.’
Hinihingi ko ang mas tutok na paggabay ng mga magulang at guro sa kanilang mga anak at estudyante sa nagbabagong media at teknolohiya.