26 C
Manila
Martes, Oktubre 8, 2024

Magandang senyales ang dalaw ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte kay Pangulong Xi Jinping ng China

ULTIMONG BIGWAS

- Advertisement -
- Advertisement -

TOTOONG napakagandang sorpresa nang di-kaginsa-ginsa’y  dumalaw si dating Pangulo Rodrigo Roa Duterte kay Pangulong  Xi Jinping sa Beijing, China noong nakaraang linggo. Nangyari ang pagbisita sa panahong makikita na di-kagandahan ang relasyon ng China at Pilipinas. Halos araw-araw ay laman ng mga balita sa lahat ng larangan ng social at mainstream media ang madalas na muntik nang banggaan ng mga barko ng China Coast Guard at Philippine Coast Guard sa mga pinag-aagawang teritoryo sa South China Sea.

Nitong nakaraang linggo lamang, laman ng balita sa Philippine Star na dalawang barko ng Philippine Coast Guard, ang BRP Mlabrigo at BRP Malapascua ay tinugis ng mga barko ng China Coast  Guard habang nasa misyon ng paghatid ng pagkain sa mga sundalong Pilipino na nangangalaga sa nabalahurang BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal. Kinalaunan lumitaw, gaya ng nailahad na sa nakaraang isyu ng pitak na ito, walang katotohanan ang balita.

Mismong ang tagapagsalita ng Philippine Coast Guard ang nagpasinungaling dito. Ang balita ay batay hindi sa isang tunay na pangyayari kundi sa haka-haka ng isang Raymond Powell, dating opisyal ng United States Air Force na mangyari pa ay nagpakulo ng ganung balita upang isulong ang adyenda ng Amerika na pag-alabin sa galit ang mga Pilipino laban sa China.

Giyera ang nakikitang mabisang paraan para sa Amerika na daanin sa negosasyon ang trilyung-trilyon nang pagkakautang nito sa China. Ang hidwaang namamagitan sa China at Pilinas sa Ilang territoryo sa South China Sea ang siyang ginagamit na kasangkapan ng Estados Unidos upang papakipagdigmain ang Pilipinas sa China. Oras na mangyari ito, awtomatikong maaaring makialam ang Amerika sa bisa ng Mutual Defense Treaty sa pagitan nito at ng Pilipinas na nagkabisa noong 1951.

Sa ilalim ng administrasyon ng yumaong sI Presidente Benigno Aquino 3rd, bumagsak sa napakababang lebel ang ugnayang Chino-Pilipino. Nagkaroon ng ganap na embargo ang pag-angkat ng China ng lahat ng produktong agrikultura ng Pilipinas, maging gulay, prutas at mga kataying hayop. Sa turismo naman, ganap ding pinigil ang pagdalaw ng mga turistang Chino sa Pilipinas. Sa loob ng anim na taon, ni isang Chino ay walang dumalaw sa Pilipinas.

Sa panahon lamang ni Presidente Duterte bumalik sa dating buti ang ugnayang Chino-Pilipino. Inalis ang embargo sa mga produktong agrikuktural, at ang mga turistang Chino ay mabilis na humalili sa mga Koreano bilang numero unong turista sa Pilipinas.

Sa pagsisimula pa lamang ng pamahalaang Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr, biglang asim uli ng ugnayang Chino-Pilipino. Dahil ito sa malinaw na tila pagpanig na sa Amerika ng bagong presidente. At sa pangwakas na  pagpayag ni Bongbong sa pagkakaloob sa Amerika ng karagdagang apat pang base militar sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA), sumabog sa galit ang China. Tatlo sa apat na base ay nasa Cagayan at Isabela, direkta nang nakapuntirya sa Mainland China, at ang isa ay nasa Palawan, nakaumang naman sa mga base militar ng China sa South China Sea.

Mula’t sapul, samakatwid, ang administrasyong Bongbong Marcos, sa alitang Chino-Amerikano, ay masasabing panig sa Amerika. Saan mo ngayon ilalagay ang kahulugan ng dalaw ni Duterte kay Xi?

Mahirap paniwalaan na iyon ay isang simpleng dalaw na pangkaibigang personal. Sa pagtanggap na ginawa ni Presidente Xi kay Duterte, maliwanag na iyon ay di isang pribadong okasyon para sa kanilang dalawa lamang. Nakaharap ang isang malaking pulutong ng mga personahe  na ligtas na ipagpalagay na mga miyembro ng opisyal na pamilya ni Presidente Xi Jinping.

Sa ibang salita, dalaw sa isang gobiyerno – sa pamahalaang Chino.

Sa isang panayam, halata sa tono ng pananalita ni Presidente Bongbong na may kimkim siyang kirot sa pagtingin sa okasyon. Aniya, maasahan lamang na dumalaw si Duterte kay Presidente Xi.

“Magkaibigan sila… magkakilala…”

Kasabihan na sa Tagalog, “Konsuelo de bobo.” Pampalubag loob sa sakit na nararandaman.

Sa isang malalim magmasid, makikita na hindi maaaring walang kaugnayan sa kasalukuyang mga kaganapan ang pagdalaw ni Duterte kay Xi. At sa anu’t-anuman, hindi maaaring ang kaugnayang iyun ay para palalain ang tensyong naruruon na sa pagitan ng Pilipinas at China.

Kung hindi palalain, ano pa kundi pagbutihin?

Ang problema sa usaping iyan, totoong patakaran ng China na huwag makialam sa panloob na mga gawain ng ibang bansa. Hindi pagtatakhan, kung ganun, na sa anumang paghahangad na mapakalma ang umiinit na relasyon ng China at Pilipinas, ang kapwa dalawa ay mabigyan ng tagapamagitan.

Di kaya ang ganun ang papel na inako ni Digong sa kanyang sarili. Sa di malamang mga kadahilanan, hindi makaiwas si Bongbong sa mga pamimilipit-braso ng Kano, kaya inako na ni Digong ang pakikipag-usap kay Presidente Xi upang mapahupa ang away ng China at Pilipinas. Kung kakayanin ni Duterte ang ganitong pamamagitan, ki may basbas pa ng gobyerno, o wala, anong masama?

Di ba minsan, sinabi niya, sasakay siya ng jetski at papalaot sa South China Sea upang mag-isang harapin ang China? Sa sarili niyang kapasidad, hinaharap na ngayon ni Duterte ang China upang ang gawaing di  kayanin ni Bongbong ay kanyang matupad.

 

 

 

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -