AYON sa huling ulat ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) ngayong Lunes ng umaga, lumakas at naging bagyo na si “Falcon” (may internasyonal na pangalang “Khanun”) subalit nananatiling nasa karagatan ng bansa.
Ang bagyo, na tinatayang 1, 070 kilometro silangan ng dulong Hilagang Luzon, ay may pinakamataas na lakas ng hangin na 150 kilometro bawat oras malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 185 kph, ulat ni weather specialist Obet Badrina.
Kumikilos ito sa bilis na 15 kilometro bawat oras at bahagyang bumibilis at lumiliko pakanluran-hilagang-kanluran. “Napakalayo ng Falcon sa kalupaan ng Pilipinas kaya wala itong direktang epekto sa bansa,” paliwanag ni Badrina.
Dagdag ni Badrina, “It is the southwest monsoon locally known as ‘habagat’ which is being enhanced by the typhoon that will continuously brings rain in most of the country in the coming days,” (“Ang southwest monsoon na na kilala sa lokal na tawag na ‘Habagat’ na. pinalalakas ng bagyo ang tuloy tuloy na magdadala ng ulan sa iba’t ibang bahagi ng bansa.”)
Posibleng lumakas pa ang bagyo at lumabas ng Philippine Area of Responsibility ngayong Lunes ng gabi o Martes ng ng umaga, sabi ng Pagasa.
Dam, posibleng umawas at maging sanhi ng pagbaha sa Metro
Samantala, ang La Mesa Dam sa Quezon City ay malapit nang mapuno at umawas at nagbabadyang maging sanhi ng matinding pagbaha sa Metro Manila at mga karatig na lugar sa Metro Manila, babala ng Pagasa.
Iniulat ni hydrologist Rosalie Pagulayan bandang alas-6 ng umaga ng Linggo, na ang La Mesa reservoir’s level ay umabot na sa 79.79 metro. Sinabi ni Pagulayan na inaasahang tataas pa ang antas dahil sa walang humpay na pag-ulan ng habagat, na pinalalakas ng bagyong “Falcon.” Kapag umabot na sa 80.15 m ang lebel, aapaw ang tubig, ani Pagulayan.
Dahil ang La Mesa Dam ay walang mekanismo sa pagkontrol ng baha, ang labis na tubig ay maaaring rumagasa sa Tullahan River at bumaha sa mga kalapit na komunidad. Ang mga lugar na maaaring maapektuhan ay ang Barangay Fairview, Forest Hills Subdivision, Quirino Highway at Sta. Quiteria sa Quezon City, at sa mga mababang lugar sa mga siyudad Valenzuela at Malabon, ayon kay Pagulayan.
Sa kabilang banda, pinataas ng habagat ang water level ng Angat Dam sa Norzagaray, Bulacan, ang main water source ng Metro Manila at malalapit na probinsya. Ang level ng Angat ay 193.84 bandang 6 ng umaga ng Linggo. Ang Ipo Dam, na nasa Norzagaray din, kung saan ang water level ay mas mataas sa normal na 101 meters, ay nagbukas na ng gate para maglabas ng sobrang tubig.
Ang Ambuklao at Binga dams, parehong nasa probinsya ng Benguet, ay nagsimula na ring magpalabas ng sobrang tubig, ayon sa Pagasa. May dagdag na ulat si Lea Manto-Beltran