30.4 C
Manila
Miyerkules, Disyembre 4, 2024

Ang sining ng muling pagkukuwento (retelling) sa ginanap na National Festival of Talents

- Advertisement -
- Advertisement -

NAANYAYAHAN akong maging hurado sa katatapos na pagtatanghal ng National Festival of Talents (NFOT) na idinaos ng Kagawaran ng Edukasyon sa Cagayan De Oro City. Isa sa kategorya ng NFOT ay ang READ-A-THON kung saan itinampok ang husay ng mga batang mag-aaral sa Grade 3 mula sa 16 rehiyon ng bansa sa larangan ng ‘Muling Pagsasalaysay,’ ‘Interpretatibong Pagbasa,’ at ‘SulKas (Sulat-Bigkas ng Talumpati).’ Hindi nakadalo ang kalahok mula sa BARMM (Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao) bagama’t ito man ay naanyayahan ng DepEd na makibahagi sa naturang aktibidad. Kaya sa halip na 17 kalahok, 16 na lamang ang napanuod ko.

Ang 16 na kalahok na pawang Grade 3 students sa ‘Eksibisyon ng Muling Pagkukuwento’ sa idinaos na National Festival of Talents (NFOT) sa Cagayan De Oro City. Galing sila mula sa 16 na rehiyon ng bansa. Kasama nila ang mga hurado at education specialists ng DepEd Bureau of Learning Delivery (BLD)

Ang naganap na Read-A-Thon sa National Festival of Talents ay hindi isang paligsahan kundi isang eksibisyon kung saan naipamalas ng kalahok ang kanilang angking galing. Masasabi kong sila na nga marahil ang pinakamahuhusay na storytellers ng bawat rehiyon. Kasama kong naging hurado sa kategoryang ito si Glenn Sevilla Mas, isang premyadong mandudula ng Palanca at dating artistic director at moderator ng Tanghalang Ateneo (ng Ateneo De Manila University).

Sina Glenn Sevilla Mas (kaliwa) at Luis P. Gatmaitan bilang inampalan para sa kategorya ng ‘Muling Pagkukuwento’ sa Read-A-Thon.

Ang mga kalahok ay hindi malay sa kung anong kuwento ang makakaharap nila. Isang kuwentong pambatang hindi pa nailalathala (unpublished) ang kanilang babasahin ilang minuto bago ang nakatakdang pagtatanghal. Kung nalathala na kasi ang kuwentong pambata, magkakaroon ng bias ang naturang eksibisyon sapagkat posibleng may nakabasa na ng piyesa at napagsanayan na ito ng kalahok.

Dalawang kalahok na nasa akto ng muling pagkukuwento.

Kaya’t isang brand new story ang magiging basehan ng eksibisyon. Bawat isang kalahok ay binibigyan ng sapat na oras na mabasa ang kuwento at ma-internalize ito. Hindi naman kinakailangang maisaulo o kabisahin ang kuwento. Ang kailangan lang ay muli niya itong maikuwento sa madla ayon sa malinaw na pagkaalala rito. Pagkatapos ay tatawagin na ang bawat isa upang magkuwento sa harap ng audience na binubuo ng mga opisyal ng DepEd, mga tagapagsanay (coaches) ng mga kalahok, mga guro, at kaming napiling maging hurado. Ngayong taong ito, ang napili ng DepEd na muling ipakuwento ay ang katatapos lang nilang binasang kuwento mula sa panulat ng inyong lingkod. Binibigyan sila ng limang minuto upang ‘muling isalaysay’ ang kuwento.

Ipinapaliwanag ni Jocelyn Tuguinayo, senior education specialist ng DepEd, sa mga kalahok at tagapagsanay ang mga guidelines o mechanics ng eksibisyon.

Ano ba ang sinusukat natin sa ganitong aktibidad?

Una ay ang kakayahan ng batang maalala ang kabuuan ng kuwento. Ano ang naalala niya sa tauhan at mga pangyayari sa kuwento. Sinusubok nito ang memory retention ng bata. Gaano karami ang detalyeng natandaan ng bata matapos mabasa ang kuwento? Sino ang tauhan o mga tauhan ng kuwento? Saan naganap ang kuwento? Ano ang problemang kinaharap ng tauhan? Ano ang mga mahahalagang nangyari sa kuwento dahil sa naturang problema? Paano nasolusyunan ang problemang kinaharap ng tauhan?  Paano nagwakas ang kuwento?

Pangalawa, inaalam nito ang kakayahan ng batang bumasa (reading comprehension). Alam nating maraming bata’t kabataan ngayon ang may problema sa reading comprehension. Isa itong problemang kinakaharap ng mga estudyante sa bawat rehiyon ng bansa. May problema tayo sa aspektong ito ng literacy. Kung nababasa man ng bata ang teksto, nauunawaan kaya niya ang nilalaman ng kanyang binasa? Walang silbi ang nakababasa nga ito kung hindi naman nito nauunawaan ang kaniyang binasa.

Pangatlo, sinusukat nito ang kakayahan ng bata na alalahanin ang pagkakasunod-sunod ng pangyayari sa kuwento (sequence of events). Paano ba niya maisasalaysay ang kuwento ayon sa maayos na pagkakasunod-sunod ng mga pangyayari? Naging palundag-lundag ba siya sa itinampok na mga pangyayari? May mga mahahalagang eksena ba sa kuwento na nakaligtaan ng batang muling nagsalaysay? Masyado bang minadali (na-shortcut) ang daloy ng kuwento kung kaya’t hindi na nasabi pa ang dapat sana’y nailahad? Tandaang hindi pagbubuod (o pagsa-summarize) ang muling pagkukuwento. Ibang kasanayan ang pagbubuod kumpara sa muling pagsasalaysay.

Tandaan din natin na sa muling pagsasalaysay, hindi natin sinusukat kung naisaulo (o na-memorize) ng bata ang kuwento. Ang higit na mahalaga ay ang kakayahan ng batang unawain ang kabuuan ng kuwento at maisalaysay ito nang maayos gamit ang sariling salita. Hindi kailangang maging verbatim o word for word ang paglalahad ng kuwento kasi nga’y hindi naman ito ang nais sukatin ng muling pagsasalaysay. Pero kung may natandaan mang ilang pangungusap o linya o dialogue ang kalahok mula sa binasang kuwento, puwede rin naman niya itong banggitin. Hindi ito ipinagbabawal. Kahit nga ako na manunulat ay hindi rin memoryado ang mga linya sa kuwentong naisulat ko.

Mahuhusay ang mga batang nagpamalas ng kakayahan nilang ‘muling magsalaysay.’ Na-impress ako sa kanilang abilidad na alalahanin ang kuwento. May mga kalahok na madetalye ang muling pagsasalaysay. Kahit ang ilang minor scenes sa kuwento ay kanilang naaalala. Ang ibang kalahok naman ay halos buod na lamang ang naalala. Kung ang iba ay umubos ng humigit-kumulang sa takdang limang (5) minuto, may ilang kalahok naman na natapos ang kanilang ‘muling pagkukuwento’ sa loob ng 2-3 minuto lamang.

Bawat kalahok na natapos magsalaysay ay nauupo na bilang audience kung kaya’t napapakinggan o napapanuod din nila ang kanilang kapwa-kalahok. Nakikita rin nila (at ng kanilang mga tagapagsanay) ang performance ng bawat batang kalahok. Pero labis ang naging pagkagulat namin nang ang huling kalahok ay nagsalaysay ng isang kuwentong sadyang kaiba sa binasa nitong kuwento. Dinaan ng naturang kalahok sa madramang pagtatanghal ang kaniyang muling pagsasalaysay. Nandoong umiyak ito, humiga sa entablado na  waring nawalan ng malay, at humiyaw na akala mo’y nasa rally, upang ipakita ang husay niya sa akting.

Hindi lamang kami ang nagulat kundi ang naunang 15 na kalahok na bumasa rin ng naturang kuwento. Sila-sila ay nakita kong nagtinginan. Para bang nagtatanong ang kanilang mga mata kung iba ba ang binasang kuwento ng huling kalahok. Ang mga nakatalagang opisyal ng DepEd, sa pangunguna ng Senior Education Specialist na si Jocelyn Tuguinayo, ay labis ding nagtaka sa kinahinatnan ng muling pagkukuwento nito.

Bakit nag-imbento ang bata ng panibagong kuwento? Nabasa nga kaya ng kalahok ang kuwento? Bakit naiba ang nilalaman ng kanyiang salaysay? Kinabahan kaya ang kalahok? Na-mental block kaya siya kung kaya’t umisip na lamang siya ng ibang kuwento? Tanging ang pangalan lamang ng pangunahing tauhan ang natandaan niya sa kuwento. Sa 16 na kahalok, ito lamang ang nagsalaysay ng inimbentong kuwento.

Sa dakong huli, ang nais kong ipaabot sa lahat ay ito: ang ‘sining ng muling pagsasalaysay’ ay hindi ang pag-iimbento ng panibagong kuwento. Ito ay ang mahusay na pagpapaabot sa mga nakikinig ng kuwentong binasa ayon sa malinaw na pagkaalala sa teksto.

Dito lulutang ang husay ng batang bihasa sa sining ng ‘muling pagsasalaysay.’

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -