MAHIGIT 100 na mga Persons-with-Disability (PWD) ang naabutan ng tulong ng Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) sa katatapos lamang na ika-45th National Disability Prevention and Rehabilitation (NDPR) Week celebration ng National Council on Disability Affairs (Government) (NCDA) na ginanap noong Biyernes, ika-21 ng Hulyo 2023 sa Pandi, Bulacan na may temang, “Persons with Disabilities Accessibility and Rights Towards a Sustainable Future where No One is Left Behind.”
Sa tulong ng Philippine Amusement and Gaming Corp. (Pagcor), Philippine Air Force Civil-Military Operations Group (PAFCMOG) – Office of the Chief Surgeon Air Force lalo’t higit sa 70IB Alpha Company ng Philippine Army; Department of Social Welfare and Development (DSWD) – National Resource and Logistics Management Bureau at Program Management Bureau-Crisis Intervention Division pati sa Department of Health (Philippines) – Central Luzon Center for Health Development, at Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO – Pandi Bulacan), nakapaghatid ng health packs, food packs, at assistive devices ang Komisyon.
“We understand that successfully eradicating poverty means supporting other sectors. Ang kahirapan ay tinuturing na cross-sectoral, maraming kababayan natin na nabibilang sa urban poor sector ay kabilang rin sa ibang maralitang sektor gaya ng may mga kapansanan at sektor ng kabataan. Kung kaya’t sinisikap namin na paabutan ng serbisyo ang lahat ng mga maralita na maaari naming mapuntahan.” ani PCUP Undersecretary Elpidio Jordan Jr., sa isang pahayag.
Dagdag pa niya, ang sektor ng may kapansanan ang mas naaapektuhan ng hinda maayos na sistemang pangkalusugan kung kaya’t importante na magpaabot ng karagdagang tulong upang matugunan ang kanilang mga pangangailangang medikal.
Sa pangunguna ni Project and Policy Development Unit (PPDU) Head at Focal Person for Senior Citizens and Persons with Disabilities’ (PWD) Program and Activities Yvelen Moraña, nagkaroon din ng pagkakataon ang mga dumalo dito na malaman ang kanilang mga karapatan sa mga oryentasyong hatid ng NCDA, Persons with Disability Affairs Office (PDAO) at PhilHealth Sta. Maria, Bulacan Branch. Isang afternoon medical consultation din ang ibinigay sa mga kalahok kung saan nakakuha sila ng mga serbisyo mula sa mga psychiatrist, pediatrician, orthopedist, ENT, at iba pa.
Samantala, naging posible rin ang aktibidad na ito dahil sa pagsisikap ni Pandi, Bulacan Mayor Enrico Roque, Vice Mayor Lui Sebastian, at ng Local Government Unit ng Pandi.