UNANG araw ng School Year 2023-2024 ngayon, Agosto 29, 2023 sa mga pampubliko at ilan pang pribadong eskwelahan at nahaharap ang mga guro at estudyante sa maraming hamon kagaya ng kakulangan sa mga silid-aralan, mga binahang gusali ng paaralan, kakulangan ng mga guro at iba pa. Pero mayroong paraan sa lahat ng mga pagsubok na ito tulad ng home-based learning scheme o ang tinatawag na homeschooling.
May kasabihan na ang mga ina ang unong guro ng mga anak. Ang ina ang unang nagtuturo kung paano bigkasin ang A-B-C, ano ang iba’t ibang hugis at kulay, paano magbilang ng one to ten at maging ang mga nursery rhymes, sa kanya rin unang natutunan ng bata.
Kung tutuusin, hindi lang ang mga ina ang nagsisilbing unang guro. Maging sina tatay, kuya, ate, lolo, lola at iba pang kasama sa loob ng tahahan, sila ay katulong sa paghubog sa kamalayan ng isang bata.
Ang tahanan din ang nagsisilbing unang paaralan ng mga bata. Dito nahuhubog ang kanilang kaisipan na maging magalang at sumunod sa nakatatanda na dala-dala nila pagpasok sa paaralan.
Ngunit paano kung biglang magkaroon ng pangyayari na magiging sanhi upang manatili sa bahay at doon mag-aral. Gaya nang magkaroon ng pandemic dahil sa Covid-19 noong 2020, malaking pagbabago ang naganap sa mga paaralan. Dahil na rin sa prayoridad ng pamahalaan ang kaligtasan ng mga mag-aaral kaya’t pingbawalan ang mga estudyante na pumasok sa paaralan.
Kinailangan ng mga paaralan na mag-adapt ng kanilang curriculum upang magpatuloy ang pag-aaral ng mga bata kahit sila ay nananatili sa bahay. Kaya’t nagkaroon ng online class kung saan ang mga guro ay nagtuturo gamit ang zoom application o kaya naman ay pag-aaral gamit ang modules na binigay ng paaralan.
Ang modules ay mga learning at instructional materials na nagbibigay ng direksyon sa dapat gawin ng mga mag-aaral sa isang paksa o kurso. Kasama rin dito ang mga talakayan, takdang-aralin, pagsusulit at iba pang materyal sa pag-aaral.
Kaya’t kailangang mag-adjust ng mga mag-aaral sa bagong set-up na ipinatutupad ng Department of Education (DepEd). Maging ang mga magulang at guardian ay nag-adjust din. May madaling nakapag-adjust para maging guro ng kanilang mga anak. Marami rin ang nahirapan dahil sila mismo ay hindi nakapag-aral. Kaya’t paano nila tuturuan ang kanilang mga anak lalo na’t ibang-iba ang turo noong kapanahunan nila kumpara sa kasalukuyan.
Meron namang hindi na kailangang mag-adjust sa online o module-based learning dahil hindi pa man pandemic ay naka-enrol na sa home-based learning scheme o ang tinatawag na homeschooling.
Pinalakas na Homeschooling Program
Noong Pebrero 2022, nagpalabas ang Department of Education (DepEd) ng DepEd Order No. 001, series of 2022 para palakasin ang Homeschooling Program nito bilang Alternative Delivery Mode (ADM).
Ipinakilala noong 1997, ang Homeschooling Program ay idinisenyo bilang isa sa mga ADM na inaalok ng alinmang pampubliko o pribadong paaralan bilang tugon sa mga pangangailangan ng mga mag-aaral na hindi makakapasok sa pormal na paaralan dahil sa mga kondisyong medikal o mga kalagayan ng pamilya.
“Bukod sa aming kasalukuyang mga interbensyon, pinalakas namin ang aming Homeschooling Program upang matiyak na ang aming mga mag-aaral ay may mga pagpipilian sa pagkamit ng de-kalidad na edukasyon,” sabi ng noon ay Education Secretary Leonor Magtolis Briones.
“Makakatulong ito sa ating mga mag-aaral na nangangailangan ng mas regular na suporta at pangangasiwa ng magulang, lalo na sa ating kasalukuyang kalagayan sa pampublikong kalusugan,” dagdag niya.
Sa DepEd Order No. 001, s. 2022, in-update ng kagawaran ang mga alituntunin, pamantayan, at mga pamamaraan ng pagpapatupad nito para sa nasabing programa, na nag-aalok ng mga opsyon sa pamilya sa pagpapasya at pagtugon sa mga isyu sa pag-access ng kanilang mga anak.
Ang binagong patakaran ay nagsasaad na kung ang bansa ay mananatili sa isang state of emergency, ang pagtuturo ay dapat nakatuon sa Most Essential Learning Competencies (MELCs).
Binigyang-diin din ng kautusan na ang mga magulang o guardian ay may pananagutan sa pagsubaybay sa progress ng kanilang mga anak.
Samantala, ang mga pinuno ng paaralan ay inaatasan na magtalaga ng isang Homeschool Coordinator na siyang mamamahala sa pagpapatala ng mga mag-aaral, pagsubaybay sa kanilang pag-unlad, at pagbibigay ng suporta sa mga magulang o tagapag-alaga sa panahon ng pagpapatupad.
Ang mga mag-aaral sa homeschool ay dapat ding bigyan ng mga textbook at module sa print o digital na format, gayundin ng isang kaaya-ayang espasyo sa pag-aaral sa bahay at isang plano sa pag-aaral.
Upang matukoy ang kanilang antas ng akademiko, kalakasan at kahinaan, at kaalamang natutunan sa buong taon, lahat ng mag-aaral na nakatala sa programa ay dapat kumuha ng National Career Assessment Examination (NCAE) at ng National Achievement Test (NAT).
Ang Homeschool Program ay maaaring ialok ng parehong pampubliko at pribadong paaralan bilang Alternative Delivery Mode (ADM). Ang mga pribadong paaralan ay kinakailangang kumuha ng Permit to Offer ng programa habang ang mga pampublikong paaralan ay dapat kumuha ng awtorisasyon ng Regional Officer.
‘Homeschooling, home-based learning’
Sa homeschooling, ang magulang ang gumaganap bilang guro. Sila ang nagdidisenyo ng kurikulum at nagtuturo sa bata sa kanyang sariling oras. Maaaring idisenyo ng magulang ang kurikulum batay sa kakayahan ng bata, gayundin ang kaalaman na gustong ibigay ng magulang, at ang iskedyul ng parehong magulang at anak.
At upang makapag-reintegrate sa isang regular na paaralan, kailangan ng bata na kumuha ng assessment test na pinangangasiwaan ng DepEd. Meron din namang mga homeschool provider na kinikilala ng Deped.
Sa pamamagitan ng pag-enrol sa mga provider na ito, nabibigyan sila ng kurikulum at mga materyales, at opisyal na make-credit ang transcript at mga nagawa ng bata. Kaya’t magiging mas madali kapag ang bata ay nag-enrol sa isang regular na paaralan o pumasok sa kolehiyo.
Ang home-based learning ay teacher-based naman. Nangangahulugan ito na ang isang pormal na tagapagturo ay may pananagutan para sa edukasyon ng mag-aaral. Ang guro ang naghahanda ng kurikulum, nagtuturo sa bata, nagpapatupad ng mga deadline, at nagtuturo at nagmo-motivate sa mag-aaral.
Ang home-based learning ay karaniwang nangangailangan ng magandang koneksyon sa internet. Bagama’t ang ilang mga paaralan ay nag-adapt ng isang asynchronous na paraan ng pagtuturo, kailangan pa rin nito ng koneksyon upang mag-download ng mga materyales at maisumite ang mga ito.
Pareho mang nagagawa sa loob ng tahanan ang dalawang learning scheme, ang pangunahing pagkakaiba ay ang punong tagapagturo, ang responsable sa pagtuturo sa mga estudyante.
Epekto sa mga mag-aaral
Dahil sa hindi na umaalis ng bahay para mag-aral, ang mga bata ay nagkakaroon ng kalituhan sa pagkakaiba ng tahanan at paaralan. Maaari ring mahirapan ang mga bata na iangkop ang sarili sa regular na paaralan.
Sa isang artikulo na nakalathala sa https://ejournals.ph/, lumabas sa pag-aaral sa home-based learning ng mga estudyante sa senior high school, na ang pinaka-karaniwang problema ng mga mag-aaral ay ang pag-aaral ng mag-isa kaya’t nahihirapan ang mga ito sa nasabing learning method. Ang ikalawa ay ang mga distractions sa loob at labas ng kanilang tahanan tulad ng mga gawaing bahay.
At upang makapag-focus sa pag-aaral ang mga mag-aaral, kailangang bawasan o hindi bigyan ng anumang gawaing bahay habang nasa online class. Kailangan ding bigyan ng personal study space ang mga estudyante para mas epektibong pag-aaral.
Sa isa pang artikulo na sinulat ni Becton Loveless na nalathala sa https://www.educationcorner.com/, ilan sa mga advantages ng homeschooling ay ang kakayahan ng mga magulang na tukuyin ang kurikulum at ang schedule ng pag-aaral ng kanilang mga anak, maipakikita sa mga anak na ang edukasyon ay masaya, lumikha ng matibay na ugnayan sa pagitan ng anak at magulang, maglaan ng dagdag na oras kasama ang kanilang mga anak sa mahihirap na konsepto at magpatuloy pagkatapos makabisado ng mga bata ang isang paksa o konsepto.
Maaari rin gumawa ng flexible schedule na hindi posible para sa mga batang naka-enrol sa mga pampublikong paaralan. Dahil nasa bahay lamang, hindi makararanas ng karahasan sa paaralan, droga at iba pang negatibong pag-uugali na madalas makaharap ng mga batang nasa eskwelahan.
Personal ding maaaruga ng mga magulang ang mga bata na hindi kayang ibigay ng mga guro sa malalaking silid-aralan na may maraming bilang ng estudyante. Matutulungan din ng mga ito ang kanilang mga anak na i-develop ang anumang espesyal na talento na mayroon sila, kabilang ang musical, athletics at iba pa.
Magagawa rin nilang magkaroon ng pag-uusap tungkol sa mga kontrobersyal na paksa ayon sa kanilang pagpapasya lalo na ang tungkol sa usaping sekswal.
Maging ang pagta-travel sa kahit anong oras ay magagawa rin kapag naka-homeschool ang mga bata na hindi naman puwede sa ibang regular na naka-enrol sa paaralan.
Sa kabilang aspeto, kailangan nilang makasama ang kanilang mga anak ng buong maghapon at posibleng maging mahirap kapag ang mga ito ay hindi mapakali at nagpapakita ng masamang gawi. Kailangan ding ipaliwanag sa kanilang mga kapamilya at kaibigan na tila hindi sang-ayon o nalilito sa kanilang desisyong e-enrol sa homeschooling ang kanilang mga anak.
Kailangan din nilang pigilan ang galit at manatiling matiyaga kapag nahihirapan ang mga bata sa pag-aaral at makaagapay sa bagal o bilis ng pagtuturo sa mga pampublikong paaralan.
Gagastos din sila ng malaki sa mga aklat at iba pang materyales sa pag-aaral habang patuloy na pinauunlad ang sarili para maging mabisang guro.
Kailangan din makipag-usap sa ibang mga magulang na nagho-homeschool sa kanilang mga anak upang makakuha ng mga ideya tungkol sa paglutas ng mahihirap na problema kung hindi sila sigurado tungkol sa paraang naiisip.
Maghahanap din sila ng mga kalaro at kaibigan para sa kanilang mga anak na tulad din nilang nagho-homeschool.
Anumang paraan ng pag-aaral ang gamitin, mayroon at mayroong lalabas na positibo at negatibong epekto. Ang importante ay maging matiyaga sa lahat ng proseso dahil ito ay para sa kanilang kinabukasan.