HUWAG padaskul-daskol sa paghusga sa sigalot ng China at Pilipinas sa Ayungin Shoal. Mahalagang unawain na bagama’t ang alitan ay nagsimula noon pang administrasyon ni Presidente Joseph Estrada, nanatili ang mapagkaibigang turing ng China sa Pilipinas. Nilinaw ito ni Chinese Ambassador Huang Xilian sa 9th Manila Forum na ginanap sa New Era University noong Agosto 22, 2023. Sa porum, tinalakay ang samut-saring usapin sa ugnayang Chino-Pilipino, mga problemang dapat solusyunan at mga hakbang at panukalang dapat isulong upang ang mapagkaibigan at pang-kapitbahay na relasyon ng Pilipinas at China ay higit pang mapabuti. Ayon kay Ambassador Huang, dahil sa dalisay na makataong mga pagpalagayan sa isa’t-isa ng China at Pilipinas, hinayaan ng China ang Philippine Coast Guard na pumaroo’t pumarito sa Ayungin Shoal upang mag-suplay ng pagkain sa mga tropang Marines na nagbabantay sa nabalahurang BRP Sierra Madre.
Ang problema, ani Ambassador Huang, ay nasa pagdadala sa bahura ng mga materyales pang-konstruksyon na pinakatutultutulan ng China dahil ito ay paglabag na sa kanyang soberiniya. Pansinin na ang lugar ay dati nang kilala sa kasaysayan bilang bahagi ng Nansha Island. Nangyari nga lang na noong 1994 ay itinatag ang United Nations Convention on the Laws of the Sea (UNCLOS), na nagtakda ng pamantayang 200 nautical miles bilang Exclusive Economic Zone (EEZ) na katubigang dagat na saklaw ng isang bansa. Ang Ayungin Shoal ay tinatayang mga 175 milya lamang ang layo mula sa Palawan, kaya pasok na pasok sa teritoryo ng Pilipinas kung pagbabatayan ang UNCLOS. Sa bagay na ito, malaking tulong ang mga binitiwang salita ni dating presidential spokesperson Harry Roque na ang ibig sabihin ng EEZ ay karapatan lamang na ariin ang mga likas na yaman na nasa loob ng pinag-aawayang teritoryo, hindi ang mismong teritoryo. Ayon kay Roque, sa teritoryo walang titulo ng pagmamay-ari ang Pilipinas. Amerika lang talaga ang nagtutulak na ang teritoryo ay ipagpilitang angkinin ng Pilipinas dahil ito ang magsisilbing mitsa ng giyerang Chino-Pilipino – na kailangan namang pasabugin ng Amerika upang mapakialaman niya sa bisa ng Mutual Defense Treaty (MDT) at sa gayo’y isulong ang kanyang disenyong maghari sa Indo-Pasipiko. Sa kabilang banda, kung usapin ng titulo ang isasaalang-alang, matibay ang hawak ng China. Ang Ayungin Shoal ay pasok na pasok, may pangalang Nanshai Duxuxian, sa Nine Dash Line Map ng People’s Republic of China (PRC) na nalimbag noong 1946. Oo nga’t noong 2016 ay nagkaroon ng hatol ang tinawag na Permanent Court of Arbitration (PCA) na illegal ang Nine Dash Line, tatlong mahalagang bagay ang dapat unawain tungkol sa hatol na ito.
Una, taliwas sa ikinalat na propaganda, ang PCA ay hindi benditado ng United Nations. Nagkaroon lang ito ng serye ng pakikipag-ugnayan sa International Trbunal on the Law of the Sea (ITLOS), na siyang kinikilala ng UN bilang kanyang ahensiya. Bunga ng kanyang ugnayan sa ITLOS, nakintal na lamang sa isip ng publiko na ang PCA ay may bendisyon din ng UN. Uulitin ko, wala.
Pangalawa, sa isang arbitration o usapang pangkasunduan, sentido kumon na lamang ay magsasabi na dalawang partido ang pinagkakasundo. E, sa simula’t-simula pa ay nilinaw na ng China na hindi niya kinikilala ang arbitration at hindi niya kikilalanin ang kahatulan nito. At totoo, nga nungka ang dumalo ang China sa alinman sa nga pagdinig na ginawa ng PCA. Papaanong masasabing mabisa ang pagdinig sa kaso na isang panig lang ang napakinggan? Papaanong magkakaroon ng hustisya sa nasabing arbitration?
Pangatlo, walang sinasabi ang kahatulan ng PCA na na ang pinag-aawayang mga bahagi ng West Philippine Sea ay pag-aari ng Pilipinas. Ang hatol lamang ay iligal ang Nine Dash Line. Pero kung kanino talaga ito ay hindi napagpasyahan.
Unang-una muna, sino ang PCA para humusga sa away?
Ang dapat na isinusulong upang lutasin ang sigalot ay ang Code of Conduct on the South China Sea (COCSCS), na mga sampung taon na ang nakakaraan ay pinasimunuang likhain ng China sa pagitan niya at ng mga bansang Asean. Klinaro ni Presidente Xi Jinping na ang paglutas sa sigalot ay sa hanay lamang ng China at ng mga bansang may pag-angkin sa South China Sea – pwera ang pakikialam ng alinmang kanluranin. Papunta na sa maganda ang COCSCS. Tabggap na ng mga partido ang pormula ni Presidente Xi Jinping na: “isaisantabi ang mga di-pinagkakasunduan at magsamasama sa paglinang ng nga yaman ng kalikasan.”
Buhay na buhay ang prinsipsyong ito nang pagkasunduan ng nakaraang Duterte administrasyon ang magkasamang pagbungkal ng langis sa Recto Bank. Inabutan na nga lang ng pagtatapos ng termino ni Duterte ang di pa nalulutas na usapin ng hatian sa ganansya. Batay sa mga ulat sa media, ipinipilit ng China ang 50-50 na hatian. Kung isasaalang na lahat ng gastos ay sa China, ganansya nang malaki ang 59 porsiyentong bahagi ng Pilipinas. Subalit nanindigan di-umano si Kalihim Panlabas Teodoro Locsin Jr. sa itinatadhanang hatian ng Saligang Batas ng Pilipinas na 60-40 pabor sa Pilipinas. Doon naudlot ang napakaganda sanang paraan ng paglutas sa alitan sa West Philippine Sea.
Suspetsa ko, may papel doon ang Amerika. Adyenda nito na pasamain talaga ang ugnayang Chino-Pilipino upang tumungo sa giyera na desinyo nito bilang daan ng pagpapanitili ng kanyang hegemoniya sa Indo-Pasipiko. Kakontra ng COCSCS ang bagong dojtrina naman ng Amerika na “Freedom of navigation operation”. Ibig sabihin, kalayaan maglayag maging ng mga barkong kanluranin sa katubigan ng Asya.
Ang pagkaudlot ng Recto Bank project ay kapunapunang tumungo sa pagsahol ng alitan ng Pilipinas at China kaugnay na ngayon ay pag-resupply ng pagkain sa mga Pilipinong Marines na nagbabantay sa nabalahurang BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal. Ang away ay umugong nang husto sa media makaraang malathala ang pambobomba ng tubig ng China Coast Guard sa resupply boat ng Philippine Coast Guard para sa BRP Sierra Madre. Matataas na opisyal ng gobiyerno, mula sa Pangulong Marcos at kanyang gabinete, mga pinuno ng sandatahang lakas ng bansa, mga kongresista’t senador, at samut-saring mga Amboys sa media at mga eskwelahan, ay nangag-unahan sa pagkondena sa China na animo’y sumasalakay na nga ito sa bansang Pilipino.
Pupusta ako umeepal lang ang mga damontres na ito. Alam nila ang kakayahan ng China sa pakikipagdigma. Isang patama lang ng Dongfeng 21, burado na sa mapa ang Pilipinas. Papaano nila tatapatan ang bagsik na ito? Ang tatapang umasta ng mga Robinhood at Bato dahil alam nila na ang kanyong tubig ay malayo pa sa sandatang kayang pakawalan ng China. Pumapapel lang ang mga hindurupot upang makapagpabango sa Amerika na anupa kundi ang mamigay ng paldo-paldong dolyares sa mga magtutulak ng adyendang Amerikano sa Pilipinas. Dito makakatikim ng higanteng panggagago ang Amerika.
Nungka na ang China ay nagsagawa ng pag-atake sa Pilipinas!
Ito ang nag-iisang paniniyak ni Ambassador Huang sa 9th Manila Forum.
Para sa magkapitbahay na mga bansa na ang pagkakaibigan ay pinanday sa daan-daang libong taon, ano ba naman ang kapirasong bahura at kalawanging inayawang barko ng Kano ang hahayaang pagsimulan ng giyerang gugunaw sa buong mundo?
Hinding-hindi iyun gagawin ng China.
Editor: Basahin ang kaugnay na artikulo na Agawan sa teritoryo sa South China Sea, paano mareresolba?