UPANG tumaas ang tsansang makapasok sa trabaho ng mga senior high school na kumuha ng technical-vocational-livelihood (TVL) track, isinusulong ni Senador Win Gatchalian ang paglalaan ng pondo sa kanilang certification sa ilalim ng 2024 national budget.
Tinatayang P1.52 bilyon ang kinakailangan para sa certification ng humigit-kumulang 400,000 na mga mag-aaral ng TVL mula senior high school. Ayon sa chairman ng Senate Committee on Basic Education, matutulungan nito ang mga graduate ng TVL na agarang magkaroon ng trabaho. Matutugunan din nito ang tinatawag ng senador na dead end para sa mga graduates ng senior high school.
Matatandaang pinuna ng mambabatas ang mababang certification rate ng mga graduates ng senior high school na kumuha ng TVL track. Sa 486, 278 senior high school graduates na kumuha ng TVL track para sa School Year (SY) 2019-2020, ang kumuha lamang ng national certification ay nasa 127,796 at 124,970 ang pumasa. Bagama’t umabot sa 97.8% ang passing rate sa mga kumuha ng national certification, lumalabas na umabot lamang sa 25.7% ang certification rate sa mga TVL graduate sa nabanggit na school year.
Bumaba pa noong SY 2020-2021 ang certification rate sa 473,911 ng kabuuang TVL graduates. Para sa school year na ito, 32,965 ang kumuha ng national certification, at 31,993 o 97.1% ang nakapasa sa national certification. Ngunit lumalabas na 6.8% lamang ang certification rate para sa taong iyon.
Sa mga pagdinig na ginawa sa Senado, ipinaliwanag ng Department of Education (DepEd) na ang gastos para sa certification ang isang dahilan kung bakit hindi sila nakakakuha nito.
“Kung mapopondohan natin ang certification ng mga senior high school graduates sa ilalim ng TVL track, matutulungan natin silang magkaroon ng maayos na trabaho, kagaya ng ipinangako ng programang K to 12,” ayon sa senador.
Sa ilalim ng Batang Magaling Act (Senate Bill No. 2367), itinutulak ni Gatchalian ang ugnayan sa pagitan ng DepEd at ng Technical Education and Skills Development Authority (Tesda) upang gawing libre ang national competency assessments ng mga senior high school graduates ng DepEd. Gagawaran ng National Certificates (NCs) ang mga makakapasa ng mga assessment na ito bilang pagkilala sa kanilang mga skills and competencies batay sa mga pamantayang itinakda ng Tesda.
Layon ng Batang Magaling Act ang paglikha sa National at mga Local Batang Magaling Council upang paigtingin ang ugnayan sa pagitan ng DepEd, local government units, mga paaralan, at mga katuwang sa industriya upang tugunan ang mismatch sa mga skills ng K to 12 graduates at sa mga pangangailangan ng labor market.