GINAWARAN ng Department of Labor and Employment (DoLE) Isabela Field Office, katuwang ang Pamahalaang Lungsod ng Ilagan at Armed Forces of the Philippines (AFP), ng P.7 milyong halaga ng kagamitan ang mga dating rebelde at mga small-scale planter para sa kanilang Sugar Cane Processing Project.
Nilalayon ng programa na mapabuti ang kalagayang-pinansiyal ng mga miyembro, pagandahin ang mga kasalukuyang proyektong-pangkabuhayan, at itaas ang kanilang kapasidad para sa pagproseso ng tubo. Sinusuportahan din nito ang mga pagsisikap sa pagbuo ng kapayapaan ng gobyerno at ang pagbabalik ng mga dating rebelde sa lipunan.
Ang Sitio Lagis Farmers and Fisherfolks Association ay isang lokal na organisasyong pangkomunidad na nakikibahagi sa iba’t ibang gawaing pang-agrikultura sa mga lugar na may mga dating rebelde at nataguriang New People’s Army (NPA) infested zone. Nagpakita ang asosasyon ng katatagan at kakayahang umangkop sa pamamagitan ng pakikibahagi sa iba’t ibang aktibidad pangkabuhayan para sa kanilang mga miyembro at makatulong sa pag-unlad ng lokal na ekonomiya.
Ipinahayag ni Evelyn Yango, chief ng DoLE Isabela, na layunin ng proyekto na mapabuti ang antas ng kanilang pamumuhay sa pamamagitan ng pagbibigay ng tulong sa kanilang asosasyon. Makikita ang tagumpay ng proyekto, sa pagdaan ng panahon, sa pag-unlad ng bawat miyembro ng asosasyon ng kanilang ekonomiyang kondisyon sa kanilang pagsususmikap para sa kanilang proyekto na pagproseso ng tubo, aniya.
“Mahigpit na babantayan ang Sugar Cane Processing Project at magsasagawa ng regular na pagsusuri sa epekto nito sa buhay ng mga benepisyaryo at sa komunidad. Ang pagsisikap na ito ay magiging halimbawa at modelo para sa mga katulad na inisyatiba na ang layunin ay magkaroon ng sama-samang pag-unlad at panlipunang pagsulong,” dagdag ni Yango.
Samantala, nagsagawa ang DoLE ng dalawang araw na entrepreneurship development program para sa Sugar Cane Processing Livelihood Project, sa pakikipagtulungan ng asosasyon, 502nd Infantry Battalion, at ng Pamahalaan ng Lungsod ng Ilagan.
Lumahok ang 35 miyembro sa entrepreneurship development workshop na pinamunuan ni Pedro Lugo, city cooperative officer mula sa Pamahalaang Lungsod ng Ilagan, kung saan naibahagi sa kanila ang pangunahing kaalaman at kakayahan na kinakailangan para sa matagumpay na pamamahala ng kanilang sugar cane processing operation.
Kabilang sa mga paksang tinalakay ay Introduction to Entrepreneurship; Business Planning; Marketing and Sales; Financial Management; Understanding Basic Accounting Principles, budgeting, and Cash Flow Management for sustainable business operations; Legal and Regulatory Compliance; at Product Quality and Process Improvement Ensuring Product Quality, Safety Standards, at Continuous Improvement in Sugar Cane Processing Techniques.
Pagkatapos ng pagsasanay, nagsagawa ng seremonya para sa pamamahagi ng mga kagamitan para sa kanilang proyektong sugar cane processing. Tumanggap ang mga miyembro ng asosasyon ng sugar cane crusher, filtering equipment, packing materials, vat, at stainless tables. Nakapag-proseso ang mga sumailalim sa pagsasanay ng 100 bote ng cane vinegar, dalawang galon ng sugar cane juice, at 5 kilogram ng brown sugar. Umaasa ang grupo na makapag-proseso pa ng mas marami para matugunan ang pangangailangan ng komunidad.