LUMIKHA ang ekonomiya ng 2.25 milyong trabaho noong Hunyo 2023 kumpara noong Hunyo 2022 habang dumami nang 1.59 milyon ang mga bagong pasok sa labor force na naghahanap ng trabaho. Mas mataas ito nang bahagya kumpara sa 2.18 milyong trabaho na nalikha noong Mayo 2022 hanggang Mayo 2023.
Tumaas ang may trabahong Pilipino sa 48.84 milyon, mula sa 46.59 milyon noong nakaraang taon. Ito ang pinakamataas na lebel ngayong taon at mas mababa lang kaysa noong Nobyembre (49.71 milyon) at Disyembre 2022 (49 milyon).
Pinakamalaking bahagi ng trabaho ay nasa services sector na lumikha ng 2.09 milyong trabaho. Karamihan ay nasa hotel at restaurants (612 libo); wholesale at retail trade (358 libo); other service activities (268 libo); public administration and defense and social security (219 libo); arts, entertainment and recreation (152 libo) at financial and insurance sectors (90 libo). Nawalan naman ng trabaho ang professional, scientific and technical activities (-165 libo) at information at communication activities (-45 libo).
Samantala, lumikha naman ng trabaho sa agrikultura nang 234 libo. Karamihan ay nasa agriculture and forestry (457 libo) na nag-empleyo ng mga nawalan ng trabaho sa aquaculture and fishing (-233 libo).
Nawalan ang industry sector ng umabot sa 67 libong trabaho. Karamihan sa mga nawalan ng trabaho ay nasa manufacturing (-99 libo), mining and quarrying (-62 libo), at water supply and sewerage (-38 libo). In-offset naman ito ng mga bagong trabaho sa public administration and security (219 libo), administrative and support activities (189 libo), construction (109 libo), health and social work activities (105 libo) at electricity, gas and steam (23 libo).
Kumpara sa Hunyo 2022, kasabay ang paglikha ng trabaho ang paglago ng GDP growth ng bansa nang 6.4 porsyento sa isang taon mula Hunyo 2022 hanggang Hunyo 2023. Kung saan mataas ang growth rate ay doon nakalikha ng mas maraming trabaho. Ang services sector na lumago nang 8.4 porsyento ang nakalikha ng pinakamaraming trabaho at kasunod ang agrikultura na lumago nang 0.95% at mas mababa kaysa 2.2 porsyento noong unang quarter. Lumago ang industry nang 4.0 porsyento pero ang malaking negatibong epekto ay sa manufacturing na kung saan mga malalaking employer sa exports ay tumiklop dahil sa pagbagsak ng demand sa pandaigdigang palengke.
Dahil sa mga trabahong nilikha ng ekonomiya, bumagsak ang unemployment rate sa 4.5 porsyento noong Hunyo 2023 mula 6.0 porsyento noong Hunyo 2022. Bumagsak din ang underemployment rate sa 12.0 porsyento mula 12.6 porsyento noong Hunyo ng 2022.
Inaasahan natin na bababa pa lalo ang unemployment at underemployment rate dahil sa mga sumusunod.
Una, patuloy na ang pagbaba ng inflation rate sa iba’t ibang bansa. Nagsimula nang umepekto ang mga monetary tightening measures at pagpapanumbalik sa mga supply chain na inaayos ng mga bansa. Sa Pilipinas, bumaba ang inflation rate sa 4.7 porsyento noong Hulyo mula 8.7 porsyento noong Enero 2023. Inaasahang sa katapusan ng 2023 at unang quarter ng 2024, bababa na ito sa 2-4 porsyento na siyang inflation rate target ng bansa bago sumiklab ang digmaan sa Ukraine at Russia. Pag nangyari ito, puede nang ibaba ng Bangko Sentral ang interest rate at luwagan ang money supply na siyang magpapataas ng paghihiram para sa bagong kapasidad ng mga paktorya.
Ikalawa, inaasahan din natin na mage-epekto na ang mga repormang pang-ekonomiya na inaprobahan ng nakaraang Kongreso gaya ng Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises (Create) Act na nagbababa income tax rate ng mga korporasyon, Foreign Investments Act (FIA), the Retail Trade Liberalization Act (RTLA), at Public Service Act (PSA) na nagpaluwag sa pagpasok ng mga dayuhang employer. Sa record ng Philippine Statistics Agency (PSA), tumaas ang investments na rehistrado para sa fiscal incentives mula P290.2 bilyon noong unang kalahati ng 2022 sa P797.6 bilyon noong unang kalahati ng 2023, 174.8 porsyento na paglago. Mas maraming employer na naghahanap ng trabahador ang maaaring magpataas ng demand ng mga skilled na empleado.
Ikatlo, inaasahang tataas ang economic growth sa mga susunod na taon dahil sa patuloy na mas mataas na gastusin sa inprastruktura at mga repormang pang-ekonomiya gaya ng productivity programs sa mga mahihinang sectors, lalo na ang pagkain na siyang nagpapataas ng inflation. Ayon sa Department of Budget and Management (DBM) tumaas ang NG capital outlays mula P470.5 bilyon noong unang kalahati ng 2022 sa P507.2 bilyon noong parehong buwan ng 2023. Inaasahan din ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) na aakyat sa 6.5 porsyento-8 porsyento ang GDP growth rate sa susunod na limang taon. Dahil dito, inaasahang tataas din ang malilikhang trabaho mula 2.6 milyon hanggang 3.2 milyon bawat taon.