MAGPAPATUPAD ng dry run ng Katipunan Avenue – Southbound Morning Rush Hour Zipper Lane ang Quezon City Government at Metro Manila Development Authority (MMDA) simula ngayong Lunes, Oktubre 2, 2023 mula ala-6:30 ang umaga hanggang alas-8:00 ng umaga mula Lunes hanggang Biyernes, maliban kung pista opisyal o holiday.
Layon ng bagong Zipper Lane na mabawasan ang volume ng sasakyan tuwing umaga sa Katipunan Southbound sa may tapat ng Miriam College, sa pamamagitan ng nasabing Zipper Lane na maaring gamitin ng mga sasakyang patungong Miriam College.
Ang entrance ng Zipper Lane ay sa U-Turn slot sa harap ng UP Town Center-Mercury Drug. Dalawa naman ang exit nito, ang una ay sa harap ng La Vista Subdivision Gate sa Mangyan Street para sa mga patungong Miriam College Gate 5 at 6 sa kahabaan ng Mangyan Street. Ang pangalawa naman ay sa harap ng Miriam College Gate 3 sa Katipunan Avenue.
Magtatalaga ang Quezon City at MMDA ng mga traffic enforcer, at maglalagay ng traffic directional signages upang magabayan at umalalay sa mga dumadaang motorista sa Katipunan Avenue.