Kongklusyon mula noong Lunes
ANONG kahangalan itong sinasabi ni Defense Secretary Gilbert “Gibo” Teodoro na hindi gigyera ang China sa Pilipinas kundi sa halip ay pinag-aaway-away lamang ng China ang mga Pilipino kaugnay ng sigalot sa South China Sea: sino ang kampi sa China, sino ang kontra.
Magugunita ang binitiwang pahayag ni Chinese Premier Wen Jiabao sa Asian Summit noong 2012 na maaaring hindi palahanap ng gulo ang China, subalit hindi ito aatras kapag isiniksik na sa pader.
Sa unahan ng unang 100 araw ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. hanggang sa bago ang pagtatapos ng yugtong ito, lumitaw na maganda ang ugnayan sa China ng kanyang administrasyon. Ang ginawang pagbabalik ni Bongbong sa pwesto ng ilang heneral na nanungkulan sa mahahalagang tungkulin sa ilalim ng mapagkaibigan sa China na administrasyong Duterte ay nagsilbing indikasyon sa akin na ang gobyernong Bongbong ay tumatahak din sa mapagkaibigang daan ng China.
Subalit kaalinsabay nito, masigasig ang ginawang maniobra ng Estados Unidos upang baguhin ang lumilitaw na pabor sa China na direksyon ng administrasyong Bongbong. Sa bagay na ito, tatlong mahalagang pangyayari ang naganap na nagsilbing palatandaan na si Bongbong ay nagpapatangay na sa agos ng disenyong Amerikano sa South China Sea.
Una, ang pagpayag ni Bongbong na dumaan sa Clark Airport si US House Speaker Nancy Pilosi papuntang Taiwan. Katutultutul ng China sa pagdalaw na ito ni Pelosi sa Taiwan na tinawag na malaking probokasyon, paglabag sa One China Policy.
Pangalawa, ang pagdalaw naman ni US Vice President Kamala Harris sa Palawan, hindi upang, biro ni Bongbong, mag-enjoy sa mga beaches. Binisita ni Harris ang isa sa apat na karagdagang base militar na inapubrahan ni Bongbong upang ipagkaloob sa Amerika sa ilalim ng Enhanched Defense Cooperation Agreement (EDCA).
At pangatlo, ang pagdalaw na ni US Defense Secretary Lloyd Austin na nagbunga na nga sa pagkaloob sa Amerika ng apat pang baseng EDCA.
Dito na pumalag ang China. Kitang-kita ang apat na base ay mga direktang nakaumang, sa kaso ng mga nasa Cagayan at Isabela, sa Mainland China, at sa kaso ng nasa Palawan, sa mga base militar ng China sa South China Sea.
Hindi kailangan ang malalim na pag analisa upang intindihin na sa ginawa ni Bongbong na aprubahan ang apat pang base militar na EDCA, “nasiksik na sa pader” ang China, na sa kalagayang ito hindi na siya makaiiwas pa kundi ang magtanggol.
Ano ngayon ang sinasabi ni Gibo na hindi gigiyera ang China sa Pilipinas?
Bilang puno ng tanggulang pambansa, dapat mulat si Gibo na hindi maaaring hindi umalma na ang China. Wala akong eksklusibong pagkaalam sa mga datos na inilahad ko sa sulating ito. Alam ng balana na pagkaupong- pagkaupo ni Bongbong sa panguluhan, una niyang inasikaso ang pakikipagmabutihan sa kanluran. Sinimulan ng dalaw sa Australia, sumunod ang pakikipagpulong sa mga pangunahing lider pinansyal ng Europa at ng World Bank na roon ay lantaran niyang ipinahayag na kinilala niya ang kahalagahan ng ekonomiko’t pangseguridad na ugnayan ng Pilipinas sa kanluran, na ano pa ba kundi isang pagtaliwas sa paninindigan ng China na lutasin ang mga sigalot sa South China Sea na walang pakialam ang mga kanluraning poder. Sa ginagawa ngayon ng Amerika at mga kaalyadong Australia at Canada, kasama na rin ang mga kaaway ng China na Hapon at South Korea, na nagpapakitang gilas pandigma sa rehiyon ng South China Sea, tatagal ba ang China na tila naghahalukipkip na lamang? Matagal nang gising ang natutulog na Dragon at naghihintay na lamang ng tamang panahon upang ibuga ang apoy ng kanyang di masawatang bangis.
Sa mga pang-uuyam ng Tagapagsalita ng National Task Force-West Philippine Sea na si Jay Tarriela, tudya pa lamang ang tila iginaganti ng China. Sa mga paglabag sa patakarang huwag magdala ng mga materyales na pangkonstruksyon sa BRP Sierra Madre, ano ang parusa ng China kundi ang katumbas lamang na kanyong tubig? Sa napabalitang binaklas ng PCG ang nakalutang na pangharang na inilagay ng China sa Bajo de Masinloc, ano ang ganti ng China kundi isang payak na panunudyo na winika ng Tagapagsalita ng Foreign Ministry ng China na si Wang Wenbin: ang napabalitang pagtanggal ng Pilipinas sa harang ay isang pang-aliw sa sarili – o sa palasak na salita ay consuelo de bobo. Lumabas na sa di pa malamang kadahilanan, China na rin ang bumaklas sa harang. Inilagay ng China, China rin ang nag-alis. Kababalaghan ba? Hindi kung bihasa sa sining ng pakikipagdigma ang gagawa. Sabi ni Sun Tzu: “Panatilihin mong kasingdilim ng gabi ang iyong mga balak, at sa sandaling kumilos ka, bumigwas na parang kulog.”
Ang China ay malinaw na nakakintal sa kamalayan ng buong sandaigdigan bilang isang solido, buo’t nagkakaisang bansa. Kung noong 1949 ay lumitaw na pinabayaan na lamang ng People’s Republic of China na humiwalay ang Formosa (Taiwan na ngayon) sa pang-uudyok ng Estados Unidos, iyon ay napatunayan ng kasaysayan na isang pinakaepektibong taktika. Iyun ang madalas na ipangaral ni Mao Zedong na Marxistang “paggamit sa mga kagamitan ng kaaway laban sa kanyang sarili.” Sa patuloy na pagkandili ng Amerika, umunlad ang Taiwan, at sa partikular na halimbawa ng produksyon ng computer chips na pinakapangunahing pangangailangan ng makabagong teknolohiya, Taiwan ang numero uno. Maaari na ring ipaubaya na sa Taiwan ang kaunlarang tinatamasa na pinakikinabangan din naman ng Mainland China, pwera lamang sa isang bagay: ang kilos pakikipaghiwalay sa mainland na, sa sulsol pa rin ng Amerika, ay pinatindi ng Taiwan nitong mga kagyat na nagdaang panahon. Ang bagay na ito ang kahit kailan ay hindi mapahihintulutan ng China. Sa lahat ng sandali mula sa pagwawakas ng Digmaang Sibil ng China noong 1949, ipinakipaglaban ng China ang One China Policy hanggang sa ultimong ang United Nations na rin ang kumilala sa prinsipyong ito.
Para sa isang kalihim ng depensang pambansa, dapat na pangunahing pansin ang usapin ng Taiwan: una, ito ay may istratehikong kahalagahan na kailangang ipaglaban ng patayan ng Amerika. Historiko’t heyograpikong aksidente nga lang na sa pagsulong ng Amerika sa kanyang istratehiya sa Taiwan, kailangan niyang humingi ng apat pang base militar sa ilalim ng EDCA, at pikit mata namang ibinigay ni Pangulong Bonbong Marcos ang kahilingan.
Hindi ka bobo, Secretary Teodoro, para sabihin mong hindi gigiyera ang China sa Pilipinas. Sinungaling ka. De primerang sinungaling. Pakinggan mo itong patunay ni Presidente Xi Jinping sa kasinungalingan mo.
Sa isang video ito ang matapang niyang pabala:
“This is a message to President Biden of the United States. The South China Sea belongs to us. For several years you have been entering our waters as if they were yours. We no longer tolerate your incursions without permission. You continually provoke us. I warn you. Don’t be surprised if our military targets one of your vessels. Because you are in our territory and we are within our rights.”
O, ano ngayon, Gibo. Hihirit ka pa?
Gigiyera ang China sa Pilipinas kapag di ninyo tinigilan ni Bongbong ang EDCA.