MALAKI ang pagkakaiba ng asosasyon at ang kooperatiba, kaya hinihikayat ng Cooperative Development Authority (CDA) ang mga asosasyon sa lalawigan ng Romblon na mag-convert sa pagiging kooperatiba para magkaroon ng kita ang kanilang mga samahan.
Sa ginanap na selebrasyon ng National Cooperative Month sa Odiongan noong Martes, Oktubre 2, nagkaroon ng oryentasyon tungkol sa kooperatiba bilang isang “social enterprises” para mahikayat ang mga aktibong asosasyon ng Odiongan na ma-convert bilang mga kooperatiba.
Ayon sa CDA Specialist na nakabase sa Romblon na si Helen Servañez, malaki ang pagkakaiba ng asosasyon at koooperatiba kung titingnan ang Republic Act 9520 o ang Cooperative Act of the Philippines.
“Sa cooperative kasi may batas tayong sinusundan at ito ay isang pagnenegosyo habang sa asosasyon naman ay sa facilitation lang ‘yan sila ng project [ng gobyerno],” pahayag ni Servañez.
Sinabi rin ni Servañez na ang pag-convert sa kooperatiba ay makakatulong sa asosasyon para hindi sila magkaproblema pagdating sa mga aspetong pinansyal.
“Hindi naman mahirap pumasok sa pagiging cooparative. Kaya kami nagkakaroon ng monitoring [sa mga coop] kasi tinitingnan namin yan sila… Tinitingnan sila kung ‘yung mga gastusin ba nila ay tama ang paglagay [o] ang recording ba nila ay tama. Pabor nga yan sa kanila kasi may monitoring kumbaga,” dagdag ni Servañez.
Sa ginanap na programa ay nabigyan rin ng pagkakataon ang mga malalaking kooperatiba sa Romblon na magbahagi ng kanilang ginawa para maging matagumpay na kooperatiba para maging inspirasyon sa mga maliit at mga magsisimula pa lamang. (PJF/PIA Mimaropa – Romblon)