ISA pang layunin ng development plans ng lahat ng administrasyon simula noong 1960s ay ang magkapantay na pamamahagi ng kita ng mga tahanan sa ekonomiya. Nasaan na ang bansa sa layuning ito? Anu-ano ang mga repormang pang-ekonomiya na tumugon sa layuning ito?
Ang datos sa ating pagsusuri ay galing sa Family Income and Expenditures Survey (FIES) na isinasagawa ng Philippine Statistics Authority (PSA) bawat tatlong taon simula noong 1957.
Lumalabas sa mga datos ng FIES na lumalaki ang bahagi ng mga mabababang income groups sa total na kita ng lahat ng tahanan.
Ang kita ng pinakamababang decile (lowest 10 porsiyento na tahanan sa kita) ay dumoble mula 1.9 porsiyento noong 2006 hanggang 3.8 porsiyento noong 2021. Ang kita ng ikalawang pinakamababang decile ay lumaki mula 2.9 porsiyento hanggang 5.0 porsiyento. Ganito rin sa ikatlo na lumaki mula 3.8 porsiyento sa 5.7 porsiyento; ikaapat na lumago mula 4.7 porsiyento sa 6.6 porsiyento; ikalima na lumago mula 5.8 porsiyento sa 7.4 porsiyento; ikaanim mula 5.8 porsiyento sa 7.4 porsiyento; at ikapito mula 9.1 porsiyento sa 9.9 porsiyento. (Table 1)
Ngunit simula sa ikawalong decile, bumaba ang bahagdan sa total na kita mula 11.9 porsiyento sa 11.8 porsiyento. Sa ikasiyam, bumaba mula 16.9 porsiyento sa 14.9 porsiyento. Pinakamaking pagbagsak ang naranasan ng pinakamataas na income group na dumausdos mula 36.0 porsiyento sa 26.5 porsiyento. (Table 1)
Ang Gini ratio ang ginagamit na sukatan ng pagkakapantay-pantay. Kapag perfect equality o parepareho ang kita ng bawat tao, ito ay zero. Kapag perfect inequality o isa lang ang may kita at lahat na ay wala, ito ay 1. Noong 2006, ang Gini ratio ng bansa ay 0.458. Pumangit ang income distribution noong 2009 nang tumaas ang Gini ratio sa 0.464 ngunit simula noon, bumaba na ang Gini ratio sa 0.461 noong 2012, 0.444 noong 2015, 0.427 noong 2018 at 0.412 noong 2021.
Kumpara sa ibang bansa, nasa gitna ang Gini ratio ng Pilipinas. Mas matindi ang income inequality sa Brazil, Colombia at Mexico na may Gini ratios na 0.534, 0.513 at 0.454, respectively. Ngunit mas maganda naman ang kalagayan ng Indonesia, Singapore, at Thailand na may Gini ratios na 0.388, 0.360 at 0.350. (Table 2)
Anu-ano ang mga repormang pang-ekonomiya na naging mitsa ng pagkakapantay-pantay? Isang pag-aaral noong 2015 na gamit ang mga estadistikang sukatan ay lumabas na significant ang mga repormang sumusunod.
Una ay ang mas mataas na real GDP growth. Mula 2010 hanggang 2019, umakyat ang taunang GDP growth nang 6.4% mula sa 3.9% lamang noong 1960-2009. Bawat bahagdang pagtaas ng GDP growth ang nagpapababa ng Gini ratio ng -0.007. Walang epekto ang GDP growth sa bahagdang kita ng pinakamababang decile ngunit mataas ang epekto sa ikalawa at ikatlong decile—0.26% bawat 1% na pag-akyat ng GDP growth. Pataas ang positibong epekto ng GDP growth habang tumataas ang income. Ang dahilan nito ay ang mga bagong trabaho na nalilikha ng ekonomiya ay mas akma sa mga tahanang may livelihood skills at edukasyon kaysa ang mga wala nito.
Ikalawa ay ang mas mataas na ratio ng government expenditures sa GDP. Ang paglago ng gastusin lalo na sa kallusugan, edukasyon, social services gaya ng Pantawid Pamilyang Pilipino (PPP), at inprastruktura ay malaki ang naiambag sa pagkakapantay-pantay. Isang halimbawa, sa bawat isang milyong tahanan na kasama sa PPP, bumababa ang Gini ratio ng -0.053. Kapag may edukasyon ang mga miembro ng tahanan, nagkakaroon ng pagkakataon ang mga mahihirap na umakyat sa antas ng kabuhayan. Ngunit kailangang magtugma ang pagtaas ng expenditure-GDP ratio sa revenue-GDP ratio para hindi masyadong lumaki ang utang at maiwasan ang krisis.
Ikatlo, ang pag-akyat ng mga benipesiaryo ng microfinance services ay malakas din ang epekto sa pagkakapantay-pantay. Sa bawat isang milyong tahanang nabigyan ng maliit na pautang, nababawasan ang Gini ratio ng -0.035. Lumaki ang bilang ng mga tahanang may natanggap na maliliit na utang sa mga bangko at kooperatiba mula 500,000 noong 1997 sa 3.9 milyon noong 2019. Tumaas din ang kabuuan ng mga maliliit na utang mula P6.0 milyon noong 1997 sa P11.3 bilyon noong 2019.
Ang magandang pamamahala ng ekonomiya ay isa sa mga sanhi ng pag-angat ng mga mahihirap sa antas ng kabuhayan. Ang mataas na GDP growth na kasama ang mababang inflation rate ay tumulong sa paglikha ng bagong trabaho para sa mga mahihirap. Malakas na epekto sa GDP ang pagtaas ng badyet ng inprastruktura at ang pagtanggal sa mga restrictions sa pagpasok ng puhunan at kalakal. Kailangan din ng m,as malakas na ahensya para sa pag-promote ng investment at ang mabilis na pagbigay ng permiso para mangalakal. Kailangang ipagpatuloy ang mga repormamg ito para patuloy ang paglago ng ekonomiya.
Kailangang pang mabigyan ng mas maluwag na access ang mga mahihirap sa kalusugan, edukasyon at iba pang social services ng pamahalaan para mas mapalakas pa ang epekto sa pagkakapantay-pantay. Ang iskolarship na ipapamahagi sa mga matatalinong mahihirap ay malaki ang epekto rito.
Kailangan ding ilapit ang mga mahihirap sa mga nagpapautang para sa maliliit na negosyo. Ngunit dahil sa lumalalang climate change, kailangang magtayo ng insurance para sa mga maliliit na negosyo at mga magbubukid. Ang pagbibigay ng karampatang pagsasanay para sa kabuhayan ay kailangan ding palawakin sa bawat sulok ng bansa.
Table 1. BAHAGDAN SA KITA NG MGA TAHANAN SA PILIPINAS BAWA’T DECILE, 2006-2021
2006 | 2009 | 2012 | 2015 | 2018 | 2021 | |
First Decile | 1.9 | 2.0 | 2.9 | 3.2 | 3.6 | 3.8 |
Second Decile | 2.9 | 3.1 | 3.9 | 4.3 | 4.6 | 5.0 |
Third Decile | 3.8 | 3.9 | 4.6 | 5.0 | 5.4 | 5.7 |
Fourth Decile | 4.7 | 4.8 | 5.5 | 5.9 | 6.3 | 6.6 |
Fifth Decile | 5.8 | 5.9 | 6.5 | 6.8 | 7.2 | 7.4 |
Sixth Decile | 7.2 | 7.3 | 7.8 | 8.2 | 8.4 | 8.5 |
Seventh Decile | 9.1 | 9.2 | 9.7 | 9.7 | 9.8 | 9.9 |
Eighth Decile | 11.9 | 11.9 | 12.2 | 12.0 | 11.8 | 11.8 |
Ninth Decile | 16.9 | 16.6 | 16.3 | 15.6 | 15.2 | 14.9 |
Tenth Decile | 36.0 | 35.3 | 30.5 | 29.5 | 27.7 | 26.5 |
GINI RATIO | 0.458 | 0.464 | 0.461 | 0.444 | 0.427 | 0.412 |
Source: NEDA Statistical Yearbook |
Table 2. GINI RATIO NG MGA BANSA | ||
Bansa | Gini Ratio | Taon |
Philippines | 0.412 | 2021 |
Brazil | 0.534 | 2019 |
Colombia | 0.513 | 2019 |
Mexico | 0.454 | 2018 |
Indonesia | 0.388 | 2022 |
Singapore | 0.360 | 2023 |
Thailand | 0.350 | 2023 |
Source: World Bank |