TUMAAS ang inflation rate ng probinsya ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA) sa isinagawang press conference nitong Oktubre 10 sa Nuciti Central Calapan Mall.
“Ang headline inflation o pagtaas ng antas ng presyo sa mga produkto at serbisyo sa Oriental Mindoro para sa buwan ng Setyembre 2023 ay humina sa antas na 7.5 porsiyento, samantala ang inflation noong Agosto 2023 ay nasa antas na 7.3 porsiyento at 7.8 naman noong Setyembre 2022,” pahayag ni PSA Chief Statistics Specialist, Efren Armonia sa isinagawang presscon hinggil sa ulat ng inflation rate para sa buwan ng Setyembre 2023.
Ayon pa kay Armonia, ang karaniwang antas na pamantayan mula Enero hanggang Setyembre ngayong taon ay nasa 8.9 porsiyento at ang pangunahing dahilan ng pagbilis ng inflation noong nakaraang buwan kaysa Agosto 2023 ay ang mas matagal at mabagal na pagbaba ng inflation sa larangan ng transportasyon na nakapagtala ng -0.6 inflation at 41.2 percent share sa pagtaas ng pangkalahatang inflation sa buong lalawigan.
Ang nag ambag sa mabagal na inflation ay ang sektor ng transportasyon na mas bumagal ang pagbaba ng halaga ng gasolina na may antas na -5.1 percent inflation mula sa -9.6 percent noong Agosto 2023.
Dagdag pa ni Armonia, mayroon din naiambag ang tatlong kalakal at serbisyo. Ito ang pagkain at mga hindi nakalalasing na inumin na nasa 49.4 percentage share, pati ang pabahay, tubig, elektrisidad, gasolina at iba pang produktong petrolyo na may 22.4 percentage share at pang huli ang mga kainan at accommodation services na pumalo sa 7.6 percentage share. (DN/PIA Mimaropa – Oriental Mindoro)