BINIGYANG-DIIN ni Senador Win Gatchalian ang agarang pangangailangan para sa aksyon ng gobyerno upang matugunan ang mga hamon na dulot ng pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at upang mapabuti ang kalidad ng buhay ng mga Pilipino.
“Habang ang mas mataas na presyo ng mga bilihin ay nagdudulot ng pinsala sa lahat, ang mga lubhang apektado nito ay ang pinakamahihirap,” sabi ni Gatchalian kasunod ng inflation data ng Philippine Statistics Authority nitong nagdaang Setyembre, na nagpakita ng 6.9 porsiyento na inflation rate para sa pinakamababang 30 porsiyento income households. Mas mataas ito kung tutuusin kaysa sa 6.1 porsiyento inflation rate na naranasan ng lahat ng mga kabahayan noong Setyembre.
Mas mataas ang 6.9 porsiyento inflation rate para sa pinakamababang 30 porsiyento income households kung ikukumpara sa 5.6 porsiyento na naitala noong Agosto at nag-average ng 7.3 porsiyento sa siyam na buwan ng taon hanggang Setyembre.
Iminungkahi ni Gatchalian na ipatupad ng gobyerno ang isang targeted rice subsidy program sa susunod na 3 hanggang 6 na buwan upang maibsan ang problema sa kakulangan ng pagkain ng mga pinakamamabang 30 porsiyento income households.
“Ang mga pagbabago sa presyo ng pagkain at non-alcoholic beverages ay magkakaroon ng higit na pinsala sa pinakamababang 30% income households dahil ang kanilang prayoridad ay nakatuon sa mga pangunahing pangangailangan. Dito dapat pagtuunan ng pansin ng gobyerno ang mga pagsisikap nito — na tulungan ang mga nasa ilalim ng pinakamababang 30% income households sa kanilang mga agarang pangangailangan,” aniya.
“Umaasa ako na ang ganitong inisyatibo ay makakatulong sa pinakamahihirap nating mga kababayan lalo na ang pagkakaroon nila ng access sa abot-kayang bigas,” sabi ni Gatchalian, na sinabing ang presyo ng bigas ang may pinakamahalagang epekto sa pangkalahatang basket ng Consumer Price Index (CPI).
Samantala, para sa long-term na solusyon, dapat palakasin ng gobyerno ang supply chain at hikayatin ang pamumuhunan at kompetisyon sa pribadong sektor upang palakasin ang produksyon at supply para mabawasan ang epekto ng inflation,” dagdag niya.