30.4 C
Manila
Biyernes, Disyembre 6, 2024

Ika-9 Kasahatan Lang-Ay Festival ipinagdiwang sa Dilasag

- Advertisement -
- Advertisement -

IPINAGDIWANG sa bayan ng Dilasag sa Aurora ang ika-9 na Kasahatan Lang-ay Festival.

May temang “Pagpapayaman ng Pamanang Kultura at Katutubong Yaman Tungo sa mas maliwanag na kinabukasan para sa Bagong Pilipinas,” ito ay inorganisa ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) at pamahalaang bayan.

Pinangunahan ng National Commission on Indigenous Peoples at pamahalaang bayan ang ika-9 na Kasahatan Lang-ay Festival kung saan naging tampok ang makulay at mayaman na kultura ng mga katutubo sa bayan ng Dilasag. Larawan mula sa Dilasag LGU

Ayon kay NCIP Aurora Provincial Officer Marcial Lengao, ang taunang kapistahan ay itinakda bilang bahagi ng pagdiriwang ng Indigenous Peoples (IP) Month tuwing Oktubre.

Naging tampok sa selebrasyon ang presentasyon ng iba’t-ibang mga sayaw, kagamitan, at pagkain na sumasalamin sa tradisyon at kultura ng mga katutubo sa bayan ng Dilasag.

Giit ni Lengao, ang kapistahan ay hindi lamang pagpapakita ng iba’t-ibang makukulay na tradisyon at kultura kundi pati na din ang pagsulong ng pantay na karapatan ng mga katutubo sa komunidad.

Ipinabatid naman ni  Indigenous People Mandatory Representative Andrea Matias sa kanyang mga kapwa katutubo na huwag mahiya sa kanilang kultura bagkus ay ipagmalaki dahil kayamanan ito na bahagi ng kasaysayan.

Sa talaan ng Municipal IP Coordinator, nasa 2,775 katutubo mula sa 14 na sambahayan ang naninirahan sa iba’t ibang bahagi ng naturang bayan. (CLJD/MAT-PIA 3)

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -