MAS pinaigting pa ng Social Security System (SSS) ang kanilang Run After Contribution Evaders campaign sa lalawigan ng Batangas na kamakailan ay kanilang dinala sa bayan ng San Luis.
Ayon kay Joseph Pedley Britannico, officer-in-charge ng South Luzon II Division at kasalukuyang Branch Head ng SSS – Lipa City, hangad nilang matulungan ang mga miyembro ng SSS na hindi naipagbabayad ng tama o hindi pa naiirehistro ng kanilang mga employers upang kanilang mapakinabangan ang mga benepisyong dapat na nagagamit nila.
May walong business establishments ang binigyan ng abiso upang makipag-ugnayan at asikasuhin ang kanilang mga obligasyon sa naturang ahensya.
Kabilang sa mga ito ang grocery store, punerarya, botika, hardware, kainan, feeds supply at isang malaking resort na lahat ay matatagpuan sa bayan ng San Luis.
Karamihan sa mga ito ay may kakulangan sa kanilang mga membership dues at mayroon ding hindi pa rehistrado sa SSS ang kanilang mga empleyado at negosyo.
Noong nakaraang linggo ay nagdaos din ng RACE campaign ang SSS sa bayan ng Lobo upang paalalahanan ang mga employers.
Kinakailangang makipag-ugnayan ang mga establisimyentong binisita sa loob ng 15 araw matapos nilang matanggap ang sulat paanyaya upang isaayos ang kanilang mga accounts at maiwasan na mauwi sa usaping legal.
Patuloy ang pagpapaalala ng SSS sa mga employers na ang pagbabayad ng membership dues ay nakasaad sa SSS Law kung kaya’t kinakailangan nila itong sundin. (BPDC, PIA BATANGAS)