ANG breast cancer o kanser sa suso ay isang sakit kung saan nagkakaroon ng abnormal o hindi pangkaraniwang pagdami ng breast cells na nabubuong tumor o bukol sa loob ng katawan. Kapag hindi ito natuklasan, ang tumor ay maaaring kumalat sa katawan at nakamamatay. Ang cancer cells ay nag-uumpisa sa daanan at gawaan ng gatas sa loob ng suso na kalaunan ay kumakalat sa iba pang parte na nagiging bukol. Ang paggamot dito ay maaaring surgery o operasyon, radiation therapy, at mga medikasyon.
Sa taong 2020, may 2.3 milyong kababaihan ang na-diagnose o nasuri na may breast cancer sa buong mundo ayon sa World Health Organization (WHO). Nasa 685,000 ang namatay dahil dito. Samantala, sa Pilipinas naman ay may 9,926 na namatay dahil sa sakit na ito dahilan kaya pangatlo ito sa pangunahing cancer na sanhi ng kamatayan sa Pilipinas ayon sa The Global Cancer Observatory (Globocan).
Ngayong buwan ng Oktubre ipinagdiriwang ang “Breast Cancer Awareness Month” o mas kilala bilang “Pink Month” o “Pink October.” Sa panahong ito ginagamit ang “pink” na kulay o pink na ribbon na simbolo upang maisulong ang kamalayan tungkol sa kahalagahan ng paghadlang (prevention) at nakagawiang screening (routine screening) para sa maagang pagsusuri o diagnosis ng breast cancer.
Ilang kadahilanang nagpapataas ng panganib ng kanser sa suso:
-pagtanda
– labis na katabaan (obesity)
– nakakapinsalang paggamit ng alkohol (harmful use of alcohol)
– kasaysayan ng pamilya ng kanser sa suso (family history of breast cancer)
– kasaysayan ng pagkakalantad sa radiation (history of radiation exposure)
– kasaysayan ng reproduktibo (tulad ng edad kung kailan nagsimula ang regla at edad sa unang pagbubuntis)
– paggamit ng tabako
– paggamit ng postmenopausal hormone therapy
Paano mababawasan ang panganib ng kanser sa suso?
– pagpapanatili ng tamang timbang (maintaining a healthy weight)
– pananatiling aktibo sa pisikal na gawain (staying physically active)
– pag-iwas sa nakakapinsalang paggamit ng alkohol (avoiding harmful use of alcohol)
– pagpapasuso
– pagtigil sa paggamit ng tabako at pag-iwas sa pagkakalantad sa usok ng tabako
– pag-iwas sa matagal na paggamit ng mga hormone
– pag-iwas sa labis na pagkakalantad sa radiation
Ang mga ito ay ayon sa World Health Organization (WHO).
Ang pagsasagawa ng “Breast Self-Exam” o regular na pagsusuri sa iyong mga suso ay malaking tulong upang maagang malaman kung may kanser sa suso at mas mataas ang tsansang magamot ito. Ayon naman sa breastcancer.org, maraming nag-uulat na sa pamamagitan ng breast self-exam kasabay ang iba pang screening methods ay nakapagbibigay ng mas mataas na tsansang matukoy agad ang kanser (early detection).
Mga paraan ng pagsusuri sa suso:
Gamit ang salamin, ituwid ang balikat at ilagay ang mga kamay sa baywang.
Mga dapat tingnan:
– karaniwang laki, hugis, at kulay
– parehong hugis na walang nakikitang deformasyon o pamamaga
Iparating sa doktor kung makakita ng mga sumusunod na pagbabago:
– pagkaumbok sa balat
– isang utong na nagbago ng posisyon o inverted na utong (paloob kaysa palabas)
– pamumula, pagkirot, pamamantal (rash), o pamamaga
– pagmasdan din kung may lumalabas na likido mula sa utong (maaaring mala-tubig, mala-gatas, madilaw o dugo)
Ulitin ang pagsusuri habang nakataas ang mga kamay.
Kapain ang suso kung may mga bukol habang nakahiga.
– gamitin ang iyong kanang kamay sa iyong kaliwang suso, at pagkatapos ay ang iyong kaliwang kamay sa iyong kanang suso.
– kapain gamit ang mga daliri sa paikot na galaw
Maaari din itong gawin habang naliligo o naka-upo.
Layunin ng WHO Global Breast Cancer Initiative (GBCI) na mapababa ang bilang ng mga namamatay sa buong mundo sanhi ng kanser sa suso ng 2.5 porsiyento kada taon upang maiwasan ang 2.5 milyong namamatay dahil sa breast cancer sa pagitan ng 2020 at 2040.
May tatlong haligi (pillars) na inulat upang makamit ang nasabing layunin. Ito ang promosyon ng kalusugan para sa maagang pagtuklas (health promotion for early detection), dapat mabawasan ang mga pagkaantala sa pagitan ng unang paglapit ng pasyente sa health system at pagsisimula ng gamutan, at nararapat na magkaroon ng access sa surgery, chemotherapy at radiotherapy kabilang ang rehabilitation support sa mga kababaihang may sinusunod na treatment at palliative services. Alaine Allanigue, PIA