27.5 C
Manila
Sabado, Oktubre 5, 2024

Paglalayag sa karagatan ng utak ni Bongbong

ULTIMONG BIGWAS

- Advertisement -
- Advertisement -

NAGWAKAS ang nakaraang kolum na hindi malinaw kung sino ang talagang nagpasabog sa al-Ahli Arab Hospital sa Gaza noong Oktubre 17, 2023. Ang malinaw lamang, na sa anumang hidwaan, ang mga sangkot na partido ay nagsasalita nang ayon sa kung ano ang magsusulong sa kanilang interes.

Matapang na idineklara ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.: “Hindi ko ipamimigay ang isa mang pulgada ng teritoryo ng Pilipinas” noong bago palang siyang Pangulo. TMT FILE

Sa imbestigasyon na ginawa ng Al Jazeera, isang tila pagkakasundo ng dalawang nagbabanggaang bersyon ng pambobomba sa al-Ahli Arab Hospital ang lumabas. Ayon sa imbestigasyon, totoong missile ng Hamas ang sumabog sa ospital, pero hindi dahil sa nag-misfire ito kundi dahil sa naintercept ito ng Iron Dome Air Defense System ng Israel at naipihit papuntang al-Ahli Arab Hospital at doon nga sumabog.

Bilang pagpapatuloy ng talakayan sa nakaraang kolum, sumasagi sa ating isipan ang animo’y unos na umaalimpuyo na maaaring paghalintularan ng mga pananalita ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. sa unang araw pa lamang ng kanyang panunungkulan. May malinaw na patutsada sa papainit na agawan ng teritoryo ng Pilipinas at China sa South China Sea, matapang na idineklara ni Bongbong: “Hindi ko ipamimigay ang isa mang pulgada ng teritoryo ng Pilipinas.”

Iyun ang pahayag ng pangulo sa kanyang inagurasyon noong Hunyo 30, 2022. Sa libu-libong dumalo sa okasyon sa National Museum of Fine Arts, napakasarap sa pandinig ng mga katagang binitiwan ni Bongbong, angkop na angkop sa isang batang-batang presidenteng nagsisimula pa lamang na lumuklok sa puwesto. Ano pa nga ba ang mas matayog pang maaaring adhikain ng isang lider ng nasyon kundi ang pangimbabawin ang dangal ng lahing Pilipino. Palakpakang umaatikabo ang isinalubong ng balana sa pahayag ng pangulo. Ganun lagi ang nangyayari sa tuwing may isang magandang talumpati. Hindi na sinusukat ng mga tagapakinig ang pangmatagalang implikasyon ng retorika kundi ninanamnam lamang ang matamis na tilamsik ng dila.

Makaraan lamang ang isang taon, dinanas na ni Bongbong ang malupit na realidad ng hamon na kanyang ibinato noong kanyang inagurasyon. Paano niya sasanggahin ang pagpipilit ngayon ng China na igiit ang kanyang soberaniya sa kalakhan ng South China Sea, na sa paggigiit na ito ay hindi maaring hindi sakupin ang Scarborough Shoal, na kilala rin bilang Bajo de Masinloc sa bandang Zambales, at  ang Ayungin Shoal sa dako naman ng Palawan.


Sa nakaraang magandang palagayan ng China at Pilipinas sa ilalim ng administrasyong Duterte, kahit kailan ay hindi tumampok ang agawan sa teritoryo. Buhay na prinsipyo sa pagitan ng dalawang bansa ang ipinanukala ni Presidente Xi Jinping na pagsasaisantabi sa mga bagay na di-pinagkakasunduan at pagsasagawa ng mga joint venture para sa parehas na kapakinabangan ng dalawang bansa. Kaya nga nabuhay sa pagitan ng Pilipinas at China ang joint oil exploration sa Recto Reed. Ayon sa mga unang intindihan, sagot lahat ng China ang gastusin sa proyekto subalit hati sa kita. Dito sa usapin ng hatian sa kita nabalaho ang proyekto. Hiningi ng China ang 50-50 hatian. Sa tingin, parehas lang ito, lalo na’t sagot naman ng China ang lahat ng gastusin. Subalit giit ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr., 60-40 pabor sa Pilipinas, sapagkat iyun ang itinatadhana ng konstitusyon ng Pilipinas sa mga joint venture sa mga banyaga.

At nagwakas ang administrasyong Duterte na ganap na naudlot ang explorasyon ng langis sa Recto Reed.

Ang mas nakalulungkot, ganap nang nawalan ng magandang pinagsasamahan ang China at Pilipinas. Kung sa nakaraang ilang dekada ay wala namang namuong tensyon sa pagitan ng dalawang bansa kaugnay ng agawan sa teritoryo, sa pagsisimula pa lamang ng termino ni Bongbong, ang naging diin niya ay ang pag-angkin sa karagatang ayon sa United Nations Convention on the Law of the Sea (Unclos) ay nakapaloob sa Exclusive Economic Zone ng Pilipinas.

Iiwasan ko muna ngayon na dalirutin ang isyung ito. Napakahaba ng paliwanagan tungkol dito. Ang mahalaga lang na puntohin ngayon ay ito: ang napakalaking ganansyang tinamo ni Pangulong Duterte sa ugnayang Chino-Pilipino ay sa isang umaatikabong ratsada  nilustay ng humaliling pamahalaang Bongbong Marcos.  Sa pag-apruba ni Bongbong sa apat pang karagdagang kampo militar sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) na kaloob sa Amerika upang pagdeployan ng mga tropang Amerikano at mga kagamitang pandigma, naging malinaw sa China na ang pamahalaang Marcos ay ganap nang nagpapagamit sa Amerika sa estratehiya nitong digmain ang China. DI na dapat pagtakhan na ang laging gawi ngayon ng China na harangin ang mga resupply mission ng Philippine Coast Guard (PCG) para sa BRP Sierra Madre na nakasadsad sa Ayungin Shoal ay patindi nang patindi.

- Advertisement -

Kumbaga, trip nyo giyera, e, di, away-away na muna.

Noong una, para lang nakikipagpatentiruhan ang malalaking barko ng China Coast Guard (CCG) sa mga barkong de kahoy ng PCG. Sumunod, girian na nang malapitan, yun bang muntik-muntikanan lang na patama ng CCG sa PCG. At nitong huli, totoong bangga na ang ginawa ng malaking barko ng China Coast Guard sa bapor na ineeskortan ng PCG upang maghatid ng mga supply na pagkain at iba pang mga kagamitan sa Sierra Madre. Bagama’t walang nasaktan sa banggaan, malaki-laki rin ang pinsala sa bapor, kung kaya napilitang ilipat ang mga karga nito sa isa pang barko ng PCG.

Kagaya ng nakagawian, kuntodo ingay ng mga kontra-China sa iba’t-ibang sektor ng gobyerno’t lipunan. Pero kapuna-puna na wala yatang agad napabalitang reaksyon ng Estados Unidos. Sa halip biglang nangibabaw ang mga pagkondena sa China dahil sa insidente ng mga pwersang kanluraning United Kingdom, Francia at Germany. Ano ang ipinahihiwatig nito? Ang sitwasyon sa South China Sea ay tunay na pumaimbulog na upang maging bahagi ng sandaigdigang giyera. Sa ganitong kalagayan, ang away Chino-Pilipino ay hindi maaaring hindi sangkot sa away ng Palestine at Israel. Saan mang panig ng daigdig, ang sangkatauhan ay pinagbubukod nang ayon sa kung saan nakatindig ang isang bansa, kung sa panig ng Israel o sa panig ng mundo ng mga Arabo.

Sa panahon ng banggaan ng mga barko ng China at Pilipinas, nasaan si Bongbong? Nasa Saudi Arabia upang dumalo sa First Association of Southeast Asian Nations-Gulf Cooperation Council (Asean-GCC) Summit. Isang miyembro ng entourage ni Bongbong ang sumusumpa na ang presidente ay nasa magandang pabor ng mga Arabo.

Ilagay natin ngayon ang usapan sa giyerang Palestino-Israeli. Kung totoong pabor ang Arabo kay Bongbong, saan dapat pumapatak ang  tindig ni Bongbong? Di ba sa Arabo, anupa’t sa Palestine?

Subalit walang pasubali na ang Estados Unidos ay siyang primerang Ninong ng Israel. Papaanong magiging pabor kay Bongbong ang mundo ng Arabo ganung ang primerang Ninong ng Israel ay siyang pumipihit ng susi sa kanyang likod dito sa sigalot laban sa China?

- Advertisement -

O ganyan ang utak ni Bongbong. Tulad ng mga alon ng karagatan, pinag-aalimpuyo ng kung saan ang daluyong ng bagyong dumating.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -