ANG pagkamit ng labor and employment agenda ng pamahalaan ay hindi lamang responsibilidad ng Department of Labor and Employment, ito ay isang tungkulin na kabahagi ang mga social partners nito, kabilang ang Local Government Units (LGUs) sa pamamagitan ng kani-kanilang Public Employment Service Offices (PESOs).
Ito ang mensahe ni DoLE Secretary Bienvenido Laguesma sa ginanap na 23rd National PESO Congress noong Oktubre 25-27 sa Palo, Leyte.
“Ang responsibilidad upang isakatuparan ang mga layunin ng Philippine Labor and Employment Plan at ang Trabaho para sa Bayan Act ay hindi lamang responsibilidad ng DoLE. Ito ay sama-samang ibinabahagi sa ating mga social partner, lalo na sa ating mga PESO. Ang mga hamon na kinakaharap natin sa ating trabaho ay nangangailangan ng sama-samang pagkilos at mga makabagong solusyon,” pahayag ni Secretary Laguesma kung saan kanyang binigyang-diin ang mahalagang papel ng PESO bilang frontline partner ng DoLE sa pagtataguyod ng produktibong trabaho sa lokal na antas.
Ang mga PESO, na nakabatay sa komunidad at pinapangasiwaan ng mga LGU at ilang mga unibersidad at kolehiyo, ay naatasang tiyakin ang maagap, napapanahon, at mahusay na paghahatid ng mga serbisyong pang-trabaho. Naka-ugnay sila sa mga regional office ng DoLE para sa koordinasyon at teknikal na pangangasiwa, at sa DoLE Central Office sa paglikha ng national employment service network.
Pagpapahusay ng serbisyong pampubliko
para sa trabaho
Binigyang-diin din ng Kalihim ang pangangailangan para sa bukas at kapaki-pakinabang na pag-uusap sa mga tagapamahala ng PESO sa buong bansa kasabay ng kanyang paghahayag ng five-point agenda tungo sa transformative public employment services. Kabilang dito ang pagtatatag ng mga PESO sa mga lokal na pamahalaan bilang institusyon, komprehensibong pagpapaunlad ng kapasidad ng mga opisyal at kawani, pagpapalakas ng mga pangunahing tungkulin, pagpapatibay ng pakikipagtulungan sa mga employer at institusyong pang-edukasyon, at digitalization ng mga serbisyong pampublikong para sa pagtatrabaho.
Upang matiyak na patuloy ang kanilang operasyon, ang inamyendahang batas ng PESO ay nag-aatas sa mga lokal na pamahalaan na itatag bilang institusyon ang PESO at pagbuo ng mga computerized system para sa pinabuting labor market information at pangangasiwa ng mga serbisyong pangtrabaho
Sa ngayon, 643 na mga PESO na mula sa 1,592 LGU-based PESO na ang naitatag bilang institusyon sa buong bansa.
Pagkilala sa mga katangi-tanging PESOs
Pinarangalan din sa parehong okasyon ng Kagawaran ang mga PESO na may katangi-tanging gawain nang nakaraang taon, noong 2022 National Search for Best PESO Awards.
Nagwagi ang PESO Bataan para sa first-class province category, PESO Lanao del Norte para sa second-class province category, at PESO Aurora para sa third hanggang fifth-class province category.
Itinanghal din bilang champion ang PESO Iloilo City para sa highly urbanized city category at ang PESO Oroquieta City, Misamis Occidental para sa independent component city category.
Para sa municipal PESO, kabilang sa mga nagwagi ang PESO Villasis, Pangasinan (first-class municipality category); PESO Pila, Laguna (second to third-class municipality category); at PESO Llanera, Nueva Ecija (fourth to sixth-class municipality category).
Kinilala ang Lyceum of the Philippines–University of Batangas para sa job placement office category.
Ang bawat nagwagi ay tumanggap ng tropeo at P150,000 cash prize.
Samantala, itinanghal ang University of Batangas bilang Hall of Fame dahil nanalo ito sa Search for Best PESO noong 2018 at 2019 at Bayanihan Service Award noong 2020 at 2021. Nakatanggap ang job placement office ng University of Batangas ng tropeo at P250,000.
Sa temang, “Unified PESO: Foundation for Gainful Employment, Digitalization, and Economic Progress,” nagtipon ang mahigit isang libong tagapamahala at kawani ng PESO, career guidance advocates, at mga opisyal at kawani ng DoLE regional official upang magpalitan ng best practices sa paggawa at trabaho.