MATAGUMPAY na naisagawa ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) katuwang ang Cebu Normal University (CNU) ang Salinayan 2023: Seminar-Training sa Batayang Pagsasalin.
Naisagawa ito noong Oktubre 2023 sa paraang HyFlex. Pinamahalaan ng Sentro ng Wika at Kultura-CNU sa pangunguna ng direktor nitong si Dr. Lita Bacalla ang aktuwal na pagdalo ng mga kalahok sa Tandang Sora Hall ng CNU.
Kabilang sa naging opisyal na kalahok ang mga kinatawan mula sa ilang piling yunit ng barangay, kinatawan mula sa Kagawaran ng Interyor at Pamahalaang Lokal ng Rehiyon 7, ilang piling mag-aaral, tauhan, at opisyales ng unibersidad.
Pinamahalaan naman ng KWF sa pangunguna ng Sangay ng Salin ang mga naging kalahok sa online na gawain. Nilahukan ito ng kinatawan ng iba’t ibang kolehiyo, unibersidad, at paaralan mula sa Iloilo, Negros Oriental, Negros Occidental, Samar, at Cebu.
Layunin ng Salinayan na linangin ang mga batayang kaalaman at kasanayan ng mga empleado ng mga publikong entidad hinggil sa pagsasalin gamit ang wikang Filipino sa mga pubikong transaksiyon, paggamit nito sa mga pormularyo at iba pang mga opisyal na dokumento, at maging mabisang kasangkapan sa mas episyenteng komunikasyong tuon sa pangkalahatang publiko.