26.8 C
Manila
Miyerkules, Enero 15, 2025

Pasok ang Pilipinas sa giyera ng China

ULTIMONG BIGWAS

- Advertisement -
- Advertisement -

HINDI porke’t sinabi ko sa isang kagyat na nakaraang kolum na di didigma ang China sa Pilipinas, ay nangangahulugan iyun na hindi na magkakagiyera sa Pilipinas. Malamang sa hindi, darating ang giyera sa Pilipinas, sa kung papaanong dumating iyun sa Ukraine na kasingbigla ng isang kisap-mata o sa Israel na animo’y  nakagugulantang na sambulat ng kidlat. Alam na ng buong mundo kung papaanong walang kaabug-abog ay winindang ng Hamas ang moog na tanggulan ng Israel noong Oktubre 7 at sa loob ng mahabang pitong oras ay nakapamaslang ng di bababa sa 600 sibilyan, sumugat sa mahigit 1,000 at nakabihag ng daan-daang hostage na tinangay sa pagtakas ng Hamas pabalik sa Gaza.

Sa mga nakakaalam sa mga kalakaran ng giyera, ang sorpresang atake ng Hamas ay di na dapat pagtakhan. Sabi nga ni Sun Tzu sa kanyang Art of War, “Gawin mong sindilim ng gabi ang iyong mga plano. At kapag kumilos ka, bumigwas na parang kulog.”

Tutukuyin kong muli ngayon ang pahayag ng kumander ng 3 Marine Expeditionary Forces ng Estados Unidos (US) sa isang media interbyu na tagumpay ang US sa giyerang  Ukraine  dahil matagal nila itong pinaghandaan. Ayon sa heneral, noon pang 2014, nang muling angkinin ng Russia ang Crimea, nagsimulang paghandaan ng US ang pagsabog ng digmaang Ukraine-Russia. At noon ngang Pebrero 4, 2022, nagulantang ang buong mundo sa “special military operation (SMO)” na inilunsad ng Russia laban sa Ukraine. At ito ang tinutukoy ng heneral na tagumpay ng US, ang pagsabog ng giyerang Russo-Ukraine. At saka ikinonekta ng heneral ang paghahanda naman ng Estados Unidos sa inaasahang giyera ng China laban sa Taiwan. Tulad, aniya, ng paghahanda sa giyera sa Ukraine, pinaghandaan naman ng US ang pakikihamok sa China sa pamamagitan ng paghingi sa Pilipinas ng lima pang karagdagang base militar sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA). Inaprubahan ni Presidente Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang apat sa hinihinging lima, dalawa sa Cagayan at isa sa Isabela, ang isa pa ay nasa Palawan. Sa anu’t-ano man, ang apat ay maliwanag na lantaran nang nakaumang sa China. Biglang taas ng tensyon sa South China Sea. Ang dating mapagkaibigang palagayan ng China sa Pilipinas ay nauwi sa iringan, partikular ang pagtindi ng agawan sa teritoryo sa Bajo de Masinloc at Ayungin Shoal.

Sa malas, sumama na nang husto ang ugnayang Chino-Pilipino,  na ang pinakahuling insidente ay kulang na lang na magpalitan na ng putok ang China Coast Guard (CCG) at Philippine Coast Guard (PCG).Talaga namang kahanga-hanga ang pagpipigil ng magkabilang panig nang sa kanilang girian sa Ayungin Shoal, ang kanilang mga barko ay magkabanggaan na. Isipin ninyo kung ang pisikal na salpukan na ng mga barko ay nauwi sa initan na ng ulo ng mga tropa ng CCG at PCG at bunutan na ng baril. Sabi nga ni Mao Zedong, “Ang isang titis ay maaaring magpaapoy sa kaparangan.”

Sa panig naman ng mga pinuno ng pamahalaan, nakitaan din sila ng pagtitimpi. Sa isang panayam, nagpahayag si Defense Secretary Gilbert “Gibo” Teodoro na hindi siya naniniwala na didigma sa Pilipinas ang China. May ganun ding paniniwala si Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief Romeo Brawner Jr. Magandang palatandaan ang mga paninindigang ito. Kung ang matataas na opisyales ng sektor pangseguridad ng bansa ay hindi naniniwala na gigiyerahin ng China ang Pilipinas, senyales iyun na maaari ngang malayo ang bansa sa gulo.

Subalit ito ang nakaaalarma. Kasunod ng insidente ng banggaan ng mga barko ng CCG at PCG ay ang deklarasyon hindi lang ni US State Secretary Antony Blinken na ang insidente ay humihingi ng pagpapatupad ng Mutual Defense Treaty (MDT) sa pagitan ng Estados Unidos at Pilipinas. Pinagtibay noon pang 1951, probisyon ng MDT na ang pag-atake sa alinman sa Estados Unidos at Pilipinas sa rehiyon ng Indo-Pacific ay humihingi ng pagdepensa ng bawat isa.

Ang dapat na higit na makabahala sa mga Pilipino ay ang pangyayari na sa ganung maliit na insidente ng banggaan ng mga barko ng CCG at PCG, mismong ang Presidente ng Estados Unidos na si Joe Biden ang nag-react na para bang ang nangyari ay kahalintulad na rin ng Giyera sa Ukraine at sa Israel.

Wika ni Biden, “Our commitment to defend the Philippines is iron clad. (Ang panata namin na ipagtanggol ang Pilipinas ay sintibay ng bakal.”

Dito biglang sasagi sa ating isipan ang pagsusuring ginawa ng isang beteranong kasapi ng Israel Defense Forces (IDF) na ayon sa kanya ay may first-hand na kaalaman siya sa nangyari dahil naka-assign siya sa Gaza border nang mangyari ang sorpresang atake ng Hamas noong Oktubre 7, 2023.

Naririto ang pagsisiwalat ng sundalong Israelita sa malaganap na paniniwala na nagawang windangin ng Hamas ang depensa ng Israel noong Oktubre 7, 2023:

“I’m sorry, that’s not a fu****g breach. That’s an inside job (Dinaramdam ko, hindi iyun “p*******a pagwindang. Iyun ay inside job).”

Ayon sa sundalo, noong Setyembre 1, kinumpiska ng gobiyerno ng Israel ang mga sandata ng mga security teams sa mga hangganan ng Gaza. Kung bakit, sabi ng sundalo walang nakakaalam. Noong Setyembre 10, patuloy ng sundalo, ang mga munisipalidad na kung tawagin ay Machoz na kanugnog ng Gaza ay nakatanggap ng mga ulat ng tumataas na tensyon sa paglapit ng kapistahan ng Hudyo, ang Shemini Atzeret, na gaganapin sa Oktubre 6-8. Itinanong ng mga pinuno ng mga munisipalidad na ito sa Israeli army kung dapat nilang kanselahin ang mga pagdiriwang.

“No,” paglalahad ng sundalo sa sagot ng army. “Don’t cancel anything. It appears as though we’re heading into a state of calm (Huwag kayong magkakansela ng anuman. Lumilitaw na papunta tayo sa isang tahimik na kalagayan).

Paliwanag ng sundalo, maaaring ipagpalagay na dahil sa Shabbat, ang araw ng pamamahinga ng Hudyo, ang atakeng naganap ay nakaligtaang mapaghandaan.

“But that’s highly improbable (Subalit iyan ay totoong mahirap mangyar),” pagtutol ng sundalo. “I mean Israel is probably the most advance surveillance state in the world. And the Gaza border is probably  the most heavily surveilled. The Gaza fence was breached in 15 different locations. And you wanna tell me that the most highly advance surveillance equipment on arguably any border in the world didn’t pick that up? Didn’t report it? Well, they did. And it’s documented. So don’t believe that lie (Ibig kong sabihin, Israel ang maaaring pinakaabanteng maniniktik na estado sa mundo. At ang border ng Gaza ay siyang pinakanatitiktikan. Winasak ang bakod ng Gaza sa 15 bahagi. At ibig mong sabihin sa akin na hindi ito nakita ng di matatanggihan na pinakaabanteng kagamitang paniktik sa mundo? At hindi ito naiulat? Bueno, nakita nila. At iyun ay dokumentado. Kaya huwag kayong maniwala sa kasinungalingang iyan.

(Itutuloy sa Miyerkules)

30

 

 

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -