29.9 C
Manila
Huwebes, Oktubre 10, 2024

Lungsod ng Parañaque, kinilala ng Save the Children Philippines

- Advertisement -
- Advertisement -

ISANG karangalan ang muling nakamit ng Lungsod ng Parañaque kamakailan matapos itong makatanggap ng Plaque of Recognition sa kontribusyon nito sa Project Scope. Ayon kay Mayor Eric  Olivarez, ang Project Scope (Strengthening the Capacity of Organizations of Persons with Disabilities and Other Civil Society Organizations towards Effective Civil Society-Local Government Engagement and Improved Government Accountability for Persons with Disabilities, Especially Children in the Cities of Parañaque and Taguig, and Municipality of Pateros) ay isang European Union Funded Action na naglalayong itaas ang kamalayan tungkol sa mga karapatan ng mga batang may kapansanan at sa kanilang mga magulang.

Sa pamamagitan ng proyektong ito ay 12 organisasyon ng persons with disabilities sa lungsod ang nasuportahan ng Save the Children kung saan sila ay dumalo sa iba’t ibang learning activities. Bukod dito, tinalakay din ng Save the Children Philippines sa pamahalaang lungsod ang mga hakbang na maaaring maisakatuparan nito sa pagkakaroon ng mas ingklusibong lungsod para sa bawat batang may kapansanan.

Ang naturang plaque ay tinanggap ni Persons with Disabilities Affair Office Head Dr. Sabas De Guzman 3rd at Center for Children with Special Needs Administrator Nessie Baculo. Inihayag naman ni Mayor Eric ang kanyang pasasalamat sa Save the Children Philippines para sa pagkilala sa lungsod ng Parañaque.

Tiniyak din niya na patuloy na pag-iigihan ng pamahalaang lungsod ang pagpapatupad ng mga programa, polisiya, at proyekto na nagsusulong ng kapakanan ng bawat tao at batang may kapansanan.

 

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -