HIGIT sa giriang China-Pilipinas at digmaang Hamas-Israel o kahit mga bagong pinuno ng mga barangay at Sangguniang Kabataan, pinakaabala pa rin ang tao sa presyo ng pagkain, pasahe, tubig, kuryente at iba pang batayang bilihin. At mukhang patuloy pa rin itong bibigat sa mga darating na buwan.
Lalo pa itong matimbang para sa mahigit 50 milyong Pilipinong mahirap ang tingin sa sarili, ayon sa survey o pagtatanong-publiko ng Social Weather Stations (SWS) sa Sept. 28 hanggang Okt. 1.
Mga 48 porsiyento ng mga tumugon sa SWS ang nagsabing mahirap sila, tumaas mula 45, at may 27 porsiyento pang nagsabing “borderline” o nasa pagitan ng mahirap at di-mahirap. Buti na lang tumaas din ang nagsabing hindi sila mahirap: 25 porsiyento mula 22.
Sa patuloy na pagmahal ng batayang bilihin, pihadong lulubog sa antas ng mahirap ang maraming nasa borderline. At mukhang walang gaanong magagawa ang pamahalaan upang mabawasan ang inflation o pagtaas ng presyo.
Mahal na Pasko sa lahat
Bagaman nagtalaga na rin sa wakas si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng Kalihim ng Pagsasaka (DA Secretary) kapalit niya — ang malaon niyang kaibigang si Francisco Tiu Laurel, malaking negosyante sa pangingisda — wala itong gaanong kagyat na magagawa para sa produksiyon, importasyon at presyo ng pagkain.
Oo nga’t malaking kagalingan ang pagkakaroon ng Kalihim na palagiang nakatutok sa produksiyon, bentahan at presyo ng pagkain, at agad aaksiyon sa biglang pagkukulang o pagmahal ng pagkain. Ito ang malaking kakulangan habang hawak ng Pangulong Marcos ang DA.
Subalit dahil sa mahigit isang taon at apat na buwang kawalan ng palagiang tutok at pamumuno sa departamento, sadyang kulang ang pamumuno at patakaran para sa agrikultura.
Kaya naman, Hulyo hanggang Setyembre tinatayang bumaba nang isa hanggang dalawang porsiyento ang produksiyon sa bansa kompara noong kaparehong buwan sa. Kasunod ito ng 1.3 porsiyentong pagbaba Abril hanggang Hunyo.
Siyempre, sa paghina ng ani sa lupa at huli sa dagat, lalakas ang tulak pataas ng presyo ng pagkain, at iyon nga ang nangyari sa bigas, pumalo ng mahigit P50 kada kilo. Samantala, malamang kapusin ang produksiyon sa target ng DA na 2.3 hanggang 2.5 porsiyentong paglago sa buong 2023.
Dagdag-susog sa inflation ang pagsipa ng pamimili at pagdiriwang sa Kapaskuhan, sampo ng mas malaking konsumo at mas mataas na gastos sa langis, gas at uling sa mga hilagang bansa ng Amerika, Europa at Asya, bilang painit sa panahon ng taglamig.
Kaya naman nagbabala na ang mga eksperto na hindi lubhang mapipigil ang inflation ng pagtaas ng interes sa pautang at deposito, ang karaniwang paraang ginagamit ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) upang pigilan ang pagmahal ng bilihin. Mangyari, kahit taasan ang interes, hindi mababawasan ang pagbili ng pagkain, kuryente, tubig at iba pang batayang pangangailangan.
Sa katunayan, kahit matagal nang mataas ang interes na takda ng BSP, mataas pa rin ang inflation: 5.1 hanggang 5.9 porsiyento sa Oktubre, katulad ng estima ng mga ekonomista, ngunit labis-labis sa 2 hanggang 4 na porsiyentong target ng Bangko Sentral. At sa pagtataya nito, aabot ng 5.8 porsiyento ang inflation sa buong 2023 bago bumaba sa 3.5 sa 2024 at 3.4 sa 2025.
Subalit nakahihina ang mataas na interes sa paglago ng ekonomiya at paglikha ng trabaho. Ayon sa Malayan Banking, bababa sa 5.2 porsiyento ang paglago ng ekonomiya sa taong ito, malaking bagal mula 7.6 noong isang taon. Umaasa ang bangko na aakyat ng 6.5 porsiyento ang paglago ng ekonomiya sa 2024.
Sa kabutihang palad, tinatayang pinakamabilis pa rin ang paglago ng Pilipinas sa taong ito sa buong Timog-Silangang Asya, bagaman bumagal ang ekonomiya natin. Subalit mararamdaman pa rin natin ang pagbagal ng kalakal at industriya.
Ingat sa 2024
Harinawa, mas lumago nga ang ekonomiya at hanapbuhay sa 2024. Pero dapat pa ring maghanda sa di-inaasahang problema sa negosyo at trabaho.
Hindi natin masabi ang magaganap lalo na sa Gitnang Silangan. Kung kumalat ang digma sa Israel at madamay ang Iran at ilang bansang Arabo, dahil sa pagkagalit nila sa kamatayan at pinsala sa mga Palestino, maaaring maapektuhan ang produksiyon at pagluluwas ng langis. Sa gayon, sisipa naman ng presyo ng krudo.
Bukod sa langis, baka rin maapektuhan ang trabaho ng libu-libong Pilipino sa rehiyon. Mahigit sandaan na ang lumikas sa Israel dala ng digma laban sa Palestinong Hamas. Paano kung magkagiyera sa mga karatig bansa at mapilitang umuwi rin ang marami pang kababayan natin?
Samantala, sinusubaybayan natin kung ano ang gagawin ng China dahil sa patuloy na girian natin sa karagatan at ang pagpayag ni Pangulong Marcos gamitin ng Estados Unidos (US) sa mga base militar natin.
Inihinto na ng China ang pagpondo sa mga malaking proyektong riles at tren sa Luzon at Mindanao. Mukhang hindi rin tayo makikinabang sa pagsiglang muli ng paglalakbay ng turista mula sa China. At maaari ring maapektuhan ang kabuhayan ng 200,000 Pilipino sa Hong Kong.
Ingat lang tayo sa mga taong darating.