SINABI ni Senador Win Gatchalian na ang pagsasabatas ng panukalang Ease of Paying Taxes Act ay inaasahang magtutulak ng foreign direct investments (FDIs) sa bansa at magpapahusay sa bentahe ng Pilipinas bilang isang investment destination. Aprubado na ng bicameral conference committee ang panukala at naghihintay na lang ng lagda ng Pangulo.
“Inaasahan natin na mas maraming mamumuhunan ang mahihikayat na magtatag ng negosyo sa bansa kung magiging mabilis at madali sa kanila ang paraan ng pagbabayad ng buwis,” ani Gatchalian.
“Ang digitalization ay ang pinakamahalagang aspeto ng panukalang batas na ito. Layon din nito na imandato ang Bureau of Internal Revenue na magtatag ng digitalization roadmap na isusumite sa Kongreso at regular na ia-update,” sabi ni Gatchalian sa ginanap na 2nd SGV Tax Symposium kamakailan.
Ayon sa senador, ang pag-institutionalize sa digitalization ng BIR ay nagtitiyak na ang pagpapatupad ng programa ay magpapatuloy sa mga susunod na taon.
“Isa sa mga hindi magandang gawi natin sa bansa ay ang pabago-bagong mga polisiya sa tuwing magbabago ng administrasyon. Nagbabago ng mga plano, roadmap, at mga proyekto. Mas madalas kaysa sa hindi, ito ay nakakadiskaril sa proseso ng implementasyon dahil ganap nilang binabago ang sistema, ang vendor, o ang supplier na nakakadiskaril sa proyekto,” pagdidiin ni Gatchalian.
Sinabi rin niya na ang naturang digitalization roadmap ay sumasailalim sa regular na pagsusuri ng Kongreso upang matiyak ang patuloy na pagpapatupad ng mga proyekto.
“Ang nakikita namin ngayon ay gawing mas madali para sa mga medium-sized na foreign companies na magtayo ng kanilang negosyo sa bansa. Kailangan nating gawing mas madali para sa kanila ang ating tax system at maging tax compliant sa pinakamadaling paraan,” ani Gatchalian.
Isa sa mga prayoridad na panukala na tinukoy ng Legislative-Executive Development Advisory Council (Ledac), ang panukalang Ease of Paying Tax Act ay naglalayong magbigay ng patas at pinasimpleng tax compliance requirements, itaguyod ang kapakanan ng taxpayers, at siguruhin ang patuloy na paglago ng kita. Papasimplehin ng panukala ang paghahain ng buwis ng mga maliliit na negosyo. Magbibigay-daan din ito para sa electronic na pamamaraan ng paghahain ng tax, at pagpapabilis ng mga refund ng value-added tax (VAT) sa pamamagitan ng paglipat sa paggamit ng invoice system.
Bumagsak ng 20.4 porsiyento ang FDI sa bansa sa $3.911 bilyon sa unang kalahating bahagi ng taon, ayon sa datos ng Bangko Sentral ng Pilipinas. Ayon sa BSP, ang pagbaba mula sa $4.9 bilyon na net inflows na naitala sa unang kalahating bahagi ng 2022 ay maaaring maiugnay sa iba’t ibang investor concerns na nagmumula sa global uncertainties.