26.4 C
Manila
Huwebes, Disyembre 5, 2024

Pag-assemble sa 56 bagon para sa 7 NSCR Express train sets sisimulan na

- Advertisement -
- Advertisement -

PORMAL nang iginawad ng Department of Transportation (DoTr) ang kontrata para sa pag-assemble ng pitong train sets para sa magiging Express Trains ng North-South Commuter Railway (NSCR) System.

May kabuuang 56 na mga bagon o rolling stocks ang sisimulang gawin ng joint venture ng Mitsubishi Corp. ng Japan at Construcciones y Auxiliar de Ferrocarriles ng Spain sa ilalim ng Contract Package NS-03.

Ayon kay DoTr Assistant Secretary for Railways Jorjette Aquino, walong bagon ang pagdudugtungin para sa isang train set.

Aabot ito sa halagang P8.7 bilyon na babayaran ng pamahalaan ng Pilipinas sa tulong ng Official Development Assistance ng Japan International Cooperation Agency (JICA).

Ipinaliwanag ni Aquino na tatakbo ang mga Express Trains tuwing off-peak hours sa magiging elevated railway tracks ng NSCR mula sa Clark International Airport, hihinto sa Buendia sa lungsod ng Makati at aabot hanggang sa bahagi ng Alabang sa lungsod ng Muntinlupa.

Hindi ito hihinto sa kada istasyon ng kabuuang ruta ng 147 kilometrong NSCR. Kaya nitong tumakbo sa bilis na hanggang 160 kilometro kada oras sa kada biyahe sa magkabilang dulo.

Samantala, makakasama ng mga Express Trains na ito sa salubungang riles ng NSCR ang nasa 304 na mga bagon na katumbas ng 38 na Commuter train sets na hihinto sa bawat istasyon mula Clark International Airport hanggang sa lungsod ng Calamba sa Laguna.

Kaugnay nito, ibinalita rin ni Aquino na aabot na sa P874 bilyon ang halaga na nagugugol sa NSCR system.

Ang NSCR Phase 2 o ang tinatawag ding Malolos-Clark Railways Project ay nagsisimula sa Clark International Airport hanggang sa lungsod ng Malolos sa Bulacan.  Nasa 40.26 porsyento na ang nagagawa rito.

Magkatuwang itong pinondohan ng Asian Development Bank (ADB) at ng JICA sa halagang P487 billion.

Paakyat naman sa 60 porsiyento ang progress rate ng NSCR Phase 1 na 38-kilometrong ruta mula sa Malolos hanggang sa Tutuban sa Maynila na pinondohan ng JICA sa halagang P93 bilyon.

At panghuli, nasa kasagsagan na ang mga pre-construction works para sa South Commuter Line ng NSCR mula sa Blumentritt hanggang sa Calamba sa Laguna. May halagang $4.3 bilyon ang pondong ipinahiram para rito ng ADB. (CLJD/SFV-PIA 3)

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -