KUMPYANSA si Senador Win Gatchalian na matatamasa ng mga konsyumer ang mas mababang power transmission fee sa pagtatapos ng review na ginagawa ng Energy Regulatory Commission (ERC) sa performance at operasyon ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) mula 2016 hanggang 2020.
Mula sa partial review nito, ang ERC ay nagpatibay ng weighted average cost of capital (WACC) na 10.71%, na mas mababa kaysa sa kasalukuyang WACC na 15.04%. Ang WACC ay isang input sa pagtukoy ng mga transmission rate ng NGCP.
“Ang pagpapatibay ng ERC ng isang mas mababang WACC ay isang malugod na kaganapan. Umaasa ako na ito ay mauuwi sa mas mababang transmission rate na ipinapasa sa mga mamimili, “sabi ni Gatchalian.
Nilimitahan din ng ERC ang potensyal na kita ng NGCP sa P36.7 bilyon bawat taon, na tumutukoy sa ilang disallowance sa ilang operational expenses. Halimbawa, hindi pinahintulutan ng ERC ang mga claims na hindi suportado ng audited financial statement (AFS) ng kumpanya.
Kabilang dito ang ilang benepisyo ng mga empleyado na hinahangad na mabawi ng NGCP pero hindi ‘itemized’ at hindi suportado ng AFS nito, gayundin ang mga non-mandatory na benepisyo ng mga empleyado na dapat kinukuha mula sa savings o kita ng kumpanya sa halip na bawiin ito sa mga sinisingil nila sa mga konsyumer. Hindi rin pinahintulutan ng ERC ang mga gastos sa network at non-network related operations at maintenance gaya ng mga gastos sa advertising o donasyon para labanan ang Covid-19 na hindi napatunayang may pakinabang sa mga konsyumer.
Sinasaklaw ng revenue cap ang mga taong 2016-2020 o Phase 1 ng Fourth Regulatory Period covering 2016-2022. Saklaw ng Phase 2 ang 2021 hanggang 2022 batay sa mga karagdagang dokumentong nakuha ng ERC mula sa NGCP.
Binigyang-diin ni Gatchalian na ang pinakaaasam na pagkumpleto ng pagsusuri ng transmission rates at ang kasunod na rate reset pagkatapos ng mahigit 10 taon ng pagkaantala ay makapagbigay ng kaluwagan sa mga mamimili sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng fossil fuel sa pandaigdigang merkado.
“Matagal na nating hinihintay matapos ang pagrereview ng ERC sa performance ng NGCP. Inaasahan nating magkakaroon ng refund at makikinabang ang mga consumer sa pagtatapos ng regulatory rate review,” pagtatapos niya.