SINIGURO ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board, Department of Transportation-Cordillera (LTFRB DOTr-CAR) na hindi makikiisa sa transport strike ang mga transport groups sa rehiyon.
Una nang inanunsyo ng grupong Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide o Piston na magsasagawa sila ng transport strike mula Lunes hanggang Miyerkules bilang pagprotesta sa itinakdang deadline ng consolidation ng mga traditional public utility jeepneys sa December 31, 2023.
Sinabi ni Engr. Lalaine Sobremonte ng LTFRB DOTr-CAR na tumawag sila sa mga transport groups sa rehiyon kung saan, tiniyak ng mga ito na hindi sila sasali sa tigil-pasada.
“Amin ket ibaga da, they will not be joining the transport strike. They are considering the plight of the commuters tapos siyempre, maapektuan metlaeng kanu diyay income da. Ken actually, ti CAR ngamin manipud idi ket haan da pulos nga agsalsali met iti strike. (Sinabi nila na hindi sila sasama sa transport strike. Ikinokonsidera nila ang mga commuters tapos siyempre, maaapektuhan ang kanilang kita. Sa katunayan, ang CAR, mula pa noon ay hindi sumasali sa strike),” pahayag ni Sobremonte.
Sinabi naman ni Engr. Elmer Mendoza, acting chief ng Regional Law Enforcement Section ng DOTr-CAR na bagama’t walang mga nagtra-transport stike sa rehiyon ay magmo-monitor pa rin sila.
Aniya, kapag may na-monitor sila na ruta na tumigil ang operasyon sa nasabing mga araw ay maglalabas sila ng show cause order upang pagpaliwanagin ang mga kinauukulan.
“Nu adda ruta, nu kaspangarigan insardeng da ti operasyon da, awan agserbi iti barangay, ikkan mi iti show cause order to explain. Nu saan da a naipalawag husto, mabalin a maikkan da iti sanction (Kung may ruta, halimbawa tumigil ang kanilang operasyon, walang magsisilbi sa barangay, bibigyan namin sila ng show cause order. Kapag hindi nila naipaliwanag nang husto, maaari silang patawan ng parusa),” ani Mendoza.
Dagdag pa nito, may mga ilan mang nagpapahayag ng kanilang pagtutol sa program sa pamamagitan ng sticker o pagdidikit ng papel sa kanilang sasakyan pero hindi naparalisa ang operasyon ng pampublikong transportasyon.
Matatandaang sinabi ng DOTr LTFRB na kailangang mag-consolidate ang mga PUV operators hanggang Disyembre 31 dahil magiging requirement na ito para sa vehicle registration sa susunod na taon. (DEG-PIA CAR)