BILANG preparasyon sa paparating na Regional at Philippine National Skills Competition, pinangunahan ng Technical Education and Skills Development Authority (Tesda) Oriental Mindoro ang pagsasagawa ng 2023 Provincial Skills Competition (PSC) sa Simeon Suan Vocational and Technical College (SSVTC) sa bayan ng Bansud na nagsimula noong Nobyembre 13 at nagtapos noong Nobyembre 16.
Nagtagisan ng galing sa 14 na kategorya ang mga mag-aaral mula sa anim na paaralan sa iba’t-ibang bayan ng lalawigan.
Dinaluhan ang patimpalak ng mga paaralan mula sa John Paul College Roxas, Southwestern College of Maritime, Business and Technology; Paradigm College of Science and Technology, Guruz Skills Training and Development Institute; Oriental Mindoro Provincial Training Center, at Simeon Suan Vocational and Technical College.
Kabilang sa mga pinaglabanan ay welding, wall and floor tiling; restaurant service, plumbing; hotel reception, health and social care; fashion technology, electronics; electrical installation, cooking; carpentry, bricklaying; bakery, at automobile technology.
Pinangunahan naman ang gawain ni Tesda Oriental Mindoro Provincial Director Ben-Hur Baniqued, katuwang si Tesda Oriental Mindoro Supervising TESD Specialist, Joey Aclan; Senior TESD Specialist Reynaldo Hernandez, at iba pang mga bumubuo ng komite na tagapagpatupad ng aktibidad.
Ayon kay PD Baniqued, umaasa ito na patuloy na susuportahan ng mga Mindoreño ang mga dekalidad na programa ng tesda sa anumang larangan ng hanapbuhay.
Tumanggap naman ng halagang P3,000 ang nakapagkamit ng gold; P2,000 naman para sa silver, at P1,000 para sa bronze. Ang mga nanalo ng gold sa bawat kategorya ay siya namang ipapadala sa isasagawang 2023 Regional Skills Competition (RSC) ng Tesda Mimaropa.
Nakatakdang isagawa ang kompetisyon sa Nobyembre 20 hanggang 24 sa Lungsod ng Calapan at bayan ng Bansud.
May tema ang gawain na “Makisig, Malingap at Mahusay: Ipagmalaki ang Galing at Kasanayan sa Mundo.” Naglalayon ang gawain na hindi lamang maipakita ang angking galing at talento ng mga mag-aaral ng Tesda kundi makapamili ng mga kinatawan mula sa limang probinsya ng rehiyon na ipapadala naman sa Philippine National Skills Competition (PNSC) sa susunod na taon. (JJGS/PIA Mimaropa – Oriental Mindoro)
Larawan sa pinakataas na bahagi mula sa TESDA Oriental Mindoro