LUMAGDA ang Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) at Project H.O.P.E. o Honest Opportunities for Philippine Entrepreneurs sa isang Memorandum of Understanding (MoU) noong Nobyembre 6, 2023 sa Malacañang upang maisapormal ang kasunduan sa pagbibigay ng libreng business franchise sa mga urban poor beneficiaries na naghahangad na makapagsimula ng kabuhayan.
Ang pormal na aktibidad ay pinangunahan ni PCUP Chairman at CEO, Undersecretary Elpidio Jordan Jr., at PCUP Supervising Commissioner for Luzon, Atty. Andre Niccolo Tayag kasama sina Project H.O.P.E. National Director Dr. Philip Wen Bombita at Project H.O.P.E. Operations Director Jim Estimar.
Nagsimula ang mga pag-uusap ng dalawang organisasyon Pebrero ngayong taon upang talakayin ang mga paraan kung paano mapapaunlad ang buhay ng marginalized sector lalo na ang mga maralitang tagalungsod sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga pagkakataon sa kabuhayan lalo sa mga walang kakayahan na mag-umpisa ng sarili nilang negosyo.
Sa bisa ng Executive Order No. 69, ang PCUP ay inatasan na magsilbing direktang ugnay ng mga maralitang tagalungsod sa pamahalaan upang magsagawa ng social preparation activities na may kaugnayan sa mga pangunahing serbisyo ng lipunan, gayundin ang trabaho at kabuhayan. Samantala, ang Project H.O.P.E. naman ay isang social enterprise na naglalayong magbigay ng libreng livelihood program para sa mga ordinaryong Pilipino na may pag-asang makalikha ng mas maraming trabaho at negosyo sa pamamagitan ng business franchise at e-commerce.
Kasabay ng paglagda ng MoU, tinalakay din ni Dr. Bombita ang 5 bagong programa ng Project H.O.P.E – FNP (Free Negosyo Program; PULP; hiNel (HOPE Institute for Entrepreneurial Leadership); SSS Republika; at Pretty Pinas – na may isang layunin na bigyang-kapangyarihan ang mga benepisyaryo ng programa sa pamamagitan ng mga pormal na pagsasanay at mabigyan ng tamang kagamitan para sa kanilang tagumpay.
“Ang partnership po na ito ay talagang isang napakagandang balita para sa ating mga maralitang tagalungsod lalo na sa darating na Urban Poor Solidarity Week o UPSW sa susunod na buwan,” giit ni Undersecretary Jordan.
Ang roll-out ng proyekto ay inaasahang magsisimula sa unang bahagi ng susunod na taon.