UPANG palakasin ang pagsugpo ng pamahalaan sa iba’t ibang anyo ng human trafficking, kabilang ang online sexual abuse and exploitation of children (OSAEC), isinusulong ni Senador Win Gatchalian ang mas mataas na pondo para sa Anti-Trafficking in Persons (ATIP) enforcement.
Iminungkahi ni Gatchalian na dagdagan ng P70.74 milyon ang P76.28 milyong nakalaan sa ilalim ng National Expenditure Program (NEP) para sa ATIP enforcement. Panukala din ni Gatchalian, ilaan ang P39.42 milyon mula sa pondong ito para sa Inter-Agency Council Against Trafficking Secretariat (IACAT) at P31.32 milyon para sa National Coordination Center (NCC) Against OSAEC and Anti-Child Sexual Abuse or Exploitation Materials (CSAEM) Secretariat.
Matatandaang iniulat ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) na pumapangalawa ang Pilipinas pagdating sa OSAEC. Ibinahagi din ng senador ang datos ng Scale of Harm Survey ng International Justice Mission (IJM) at University of Nottingham Rights Lab, kung saan may 471,416 batang Pilipino ang naging biktima ng human trafficking para sa paglikha ng bagong child sexual exploitation materials noong 2022.
Nasaksikhan din ng bansa ang pag-akyat ng bilang ng human trafficking incidents dahil sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs), ayon kay Gatchalian. Nitong Oktubre 27 lamang, nailigtas ng mga otoridad ang 731 na mga Pilipino at dayuhang manggagawa sa isang ni-raid na POGO hub sa Pasay. Karamihan sa mga ito ay biktima ng human trafficking.
“Itong mga krimeng ito—ang human trafficking at sexual exploitation of children ay nangyayari sa ating bansa. Patuloy ang operasyon ng mga sindikatong kriminal sa Pilipinas,” ani Gatchalian.
“Iminumungkahi ko na itaas natin ang pondo ng anti-trafficking in persons enforcement sa P147 milyon mula P76 milyon. Makatutulong ito para maipagpatuloy ng mga otoridad ang kanilang tungkulin na mahuli ang mga kriminal, mailigtas ang mga biktima ng human trafficking, at imbestigahan at sugpuin ang online sexual abuse sa ating mga kabataan,” dagdag na pahayag ng senador.
Sa ilalim ng 2024 NEP, may P76.28 milyong nakalaan para sa ATIP enforcement. Nabawasan ito sa GAB ng P10 milyon, katumbas ng 13.11% na pagbaba.
Binigyang diin din ni Gatchalian na sa ilalim ng Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2022 (Republic Act No. 11862) at ng Anti-Online Sexual Abuse or Exploitation of Children (OSAEC) and Anti-Child Sexual Abuse or Exploitation Materials (CSAEM) Act (Republic Act No. 11930), pinalawak ang istruktura, komposisyon, at papel ng IACAT para sa pagpapatakbo ng parehong IACAT at NCC-OSAEC-CSAEM Secretariats.
Caption
Isinusulong ni Senador Win Gatchalian ang mas mataas na pondo para sa Anti-Trafficking in Persons (ATIP) enforcement upang palakasin ang pagsugpo ng pamahalaan sa iba’t ibang anyo ng human trafficking. Kuha ni Mark Cayabyab/OS WIN GATCHALIAN