30.4 C
Manila
Miyerkules, Disyembre 4, 2024

Bakit kailangan mo ng life insurance?

MGA KUWENTO NI PERANG (ESTE PARENG) JUAN

- Advertisement -
- Advertisement -

O, sino yang iniiwasan mo, Juan? Kanina pa tumatawag yan sa yo.

Uncle,  si Tita Jo yan, yung mommy ng officemate ko. Binebentahan ako ng insurance. Ang kulit, sabi ko hindi pa ko handa. Dagdag gastos lo pa yan. Ang dami ko pang binabayaran.

Ganun ba? Bakit, hindi ka ba naniniwala sa life insurance? Habang bata ka pa, maganda yan para sa yo. Para pagtanda mo, may aasahan ka at hindi kakaba-kaba ang pamilya mo kung may mangyari sa yo.

Sa totoo lang, takot ako dyan, Uncle. Obligasyon na naman yan at baka di ko matuloy ang pagbabayad nyan.

Sa panahon ngayon, medyo nagbago na rin ang pananaw ng maraming Pilipino tungkol sa halaga ng pagkakaroon ng life insurance. Dahil na rin siguro sa kalawakan ng kaalaman tungkol dito mula sa internet, sa mga financial literacy forums, sa digitalization at sa mga professional na financial advisors ng mga kilalang matatag na mga kumpanya ng life insurance.


Sa tala ng Bangko Sentral ng Pilipinas, ang porsiyento ng mga adults na may insurance sa ating bansa ay tumaas ng 23 porsiyento nung 2019 kumpara sa 18 porsiyento  nung 2017 o 2 porsiyento ng kabuuang ekonomiya o Gross Domestic Product (GDP).

Mula sa Insurance Commission, umakyat  na rin ang bilang ng mga taong may life insurance sa 22 milyon nung 2021 mula 10 milyon nung 2016. At sa pangalawang quarter ng taong 2023, umaangat din ng 31 porsiyento ang taunang koleksyon ng premiums ng traditional life insurance mula nung 2022.

Pero malaki pa rin ang opportunidad na palakasin ang tinatawag na financial inclusion para sa bawa’t PIlipino o ang karapatan nito na magkaroon ng access sa mga solusyong pinansyal na makakatulong sa buhay at isyu tungkol sa pananalapi, katulad ng life insurance.

Isa sa mga hamon kung bakit may mga alang-alang o walang buong kumpyansa pa rin ang mga tao sa life insurance ay ang mga tinatawag kong haka-haka na nabuo sa isipan ng marami. Mga maling haka-haka na karaniwang dulot ng mga hindi maiintindihang paliwanag ng mga nagdudunong-dunungan, pressure ng mga barkadang ang tingin sa insurance ay gastos at hindi investment para sa kinabukasan, at ang “superman” na pag-iisip na parang hindi tayo dadapuan ng sakit, aksidente, o kamatayan at bahala na lang ang maiiwang pamilya na umaasa pa rin sa ating kalakasang kumita para suportahan ang kanilang pangangailangan.

- Advertisement -

Isa-iasahin natin ang ilan sa mga haka-hakang ito na nagsisilbing balakid o kontrabida sa ating hangaring magkaroon ng peace of mind at financial freedom:

  1. Ang life insurance ay mapapakinabangan lamang pag ikaw ay namatay.

Mali. Depende kung nasaan ka sa financial life cycle at ano ang mga prayoridad mo, ang life insurance ay puedeng magamit bilang retirement plan at tustusan ang gastusin mo habang buhay ka.  May critical illness din na feature na makakatulong sa medical na gastusin. May mga investment-linked din na mga produkto na puwede kang kumita na walang tax at mag-withdraw kung kailangan katulad ng ordinaryong deposito sa bangko. Meron ding mga endowment plans kung saan makakatanggap ka ng pera na parang kita o dibidendo sa takdang panahon at puede mong gamitin na budget para sa mga gusto mong gawin — travel, edukasyon o ipon.

2. Bata pa ko at wala naman akong sakit, kaya hindi ko kailangan ng life insurance.

Mali. Walang kasiguraduhan ang buhay. Ngayon, malakas ka. Bukas, may sakit ka. O bigla kang naaksidente at hindi ka na makakapagtrabaho. O sa kasamaang-palad, namatay ka. Gusto mo bang magulat na miserable at kawawa ang pamilya mo at malumpo sa kawalan ng pondo para mabuhay ka dahil ikaw ang inaasahan o mailibing ka ng maayos at may dignidad.

At tandaan mo na ang pinakamagandang panahon para bumili ka ng life insurance ay yung habang bata ka pa at walang karamdaman kasi mas mababa ang premium na babayaran mo’t mas mataas ang iyong life coverage.

3. Mahal ang insurance

- Advertisement -

Mali. Ang presyo at premium na babayaran mo ay naaayon sa pangangailangan mo, kung anong kaya ng budget mo at financial goals. Iba’t iba ang klase ng life insurance at puwede itong icustomize na tama sa gusto mong mangyari at makuhang benepisyo. At saka, hindi dapat tinitingnan  na cost o gastos ang insurance. Ito ay isang investment sa kinabukasan mo at pagplaplano para ikaw at ang pamilya mo ay hindi mapilay ng mga di inaasahang pangyayari at mapag-handaan mo rin ang iyong pagtanda na hindi ka aasa sa tulong ng iba.

4. Wala akong anak kaya hindi ko kailangan ang life insurance

Mali. Oo, totoo naman na pag may anak ka, mas critical na merong sasalo sa financial na problema na dulot ng pagkakasakit, aksidente, pagkamatay o pagkakaroon ng mahabang buhay sa iyong pamilya. Pero kahit wala kang anak, single man, may asawa o partner, kailangan mo pa ring protektahan ang iyong sarili sa panganib at kawalan ng katiyakan sa buhay. Ayaw mo pa ring maging pabigat kahit kanino.

4. Meron naman akong insurance sa employer ko kaya bakit pa ko bibili ng iba pang policy?

Mali. Ok lang sana yan pero paano kung ikaw ay nagresign, nagretire, tinanggalan ng insurance dahil hindi na kayang bayaran ng kumpanya o tinerminate ang serbisyo mo dahil nagsarado ang negosyo?  Paano kung nagbago ang suwerte mo at nawala ang benepisyong ito sa panahong hindi mo inaasahan? Paano ka o ang pamilya mo?

Kung ikaw ay bata pa, single at walang pamilya, maaaring sapat ang life coverage na ibibigay sa yo ng kumpanya. Pero dahil sigurado ako na ito ay life insurance na may death benefit lang, kulang ito para supportahan ang edukasyon ng anak mo, medical emergencies , o retirement mo. Dapat mong dagdagan ang life insurance coverage mo na may ibang mga features na tugma sa prayoridad mo.

Ang life insurance ay hindi isang desisyon na emosyonal na magre-react ka lang pag nandyan na ang peligro at hindi mo mabigyan ng maganda’t tamang katuwiran kung bakit gagawin mo ang isang bagay o hindi.

Ang life insurance ay isang financial tool na makakatulong sa isang totoo’t makatuwirang pamamahala ng limang K na panganib:

Kamatayan. Kahinaaan dulot ng sakit. Kawalan ng Kita kasama ng retirement o buhay na mas mahaba sa kapasidad nating kumita. Kawalan ng disiplina sa pananalapi. Komplikasyon ng iba’t ibang uri ng pakikipagsapalaran sa negosyo o sa pamilihan sa pananalapi.

Walang K ang mga panganib na ito para tayo ay matakot at tumigil ang daloy ng buhay. Pagplanuhing mabuti at baguhin ang ating mindset tungkol sa life insurance.

O, Juan, si Tita Jo mo yata na naman yang tumatawag. Sagutin mo na at makinig ka sa paliwang nya. Sa tingin ko, may K si Tita Jo mo para mabago ang mga ikinakatakot mo.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -