31.3 C
Manila
Sabado, Oktubre 5, 2024

P850 M livestock dispersal program para sa mga magniniyog, tuloy na

- Advertisement -
- Advertisement -

SA pakikipagtulungan ng Philippine Coconut Authority (PCA) isasakatuparan na ng Department of Agriculture (DA) ang P850 milyong livestock dispersal program para sa mga magniniyog.

Sa ilalim ng programa ng Department of Agriculture, ang mga magsasaka ay tumanggap ng mga kalabaw na makatutulong sa produksyon ng gatas.

Alinsunod sa Coconut Farmers Industry and Trust Fund Act (CFI-TFA) sa ilalim ng Republic Act 11524, sisimulan ng DA ang pamamahagi ng manok, lokal na baboy, at kambing sa pagtatapos ng taon.

Ito ay bilang suporta sa mga magsasaka ng niyog, sa industriya ng niyog sa pangkalahatan, na naglalayong makikinabang sa coconut levy fund na ngayon ay nasa ilalim ng pamamahala ng Coconut Farmers Industry and Trust Fund.

Sa ginanap na Animal Health Congress ibinahagi ni Dr. Rene Santiago ng DA-Bureau of Animal Industry na sa loob ng limang taon  ang budget para sa livestock program ay tinatayang nasa P166 milyon bawat taon. Umaabot ito sa humigit-kumulang P850 milyon sa loob ng limang taon.

“Ito ay under process na sa procurement. May supplier na ng manok, lokal na baboy at kambing,” ani Santiago.

Ang limang taong programa ay magdudulot ng malaking pagbabago sa buhay ng mga magniniyog na nagmamay-ari o nag-aalaga ng hindi hihigit sa limang ektaryang pananim ng niyog ayon sa CFI-TFA.

“Kaming lahat sa Livestock Group ng DA at sa pamumuno ni Secretary (Francisco) Tiu Laurel ay sumusunod sa iisang misyon na makatulong na madagdagan ang kita ng mga magsasaka katulad ng mga magniniyog na siyang may pinakamababang kita. Ang pagtuturo sa kanila kung paano mag-alaga ng mga hayop ay may malaking maitutulong sa kanilang kakayahang kumita para sa kanilang mga pamilya,” ani DA Undersecretary Deogracias Victor Savellano.

Kasama rin sa mga benepisyaryo na kinikilala na ngayon ng PCA ang mga leaseholder o nangungupahan na nagsasaka ng niyog sa hindi hihigit sa limang ektarya.

Makikinabang din ang mga manggagawang bukid, paminsan-minsan man o itinerant, na nag-aani ng niyog o nagtatrabaho sa pagproseso ng kopra bilang pangunahing kabuhayan.

Samantala, dahil ang programa ay ipapatupad ng DA-BAI, ipinahayag ni Santiago na mataas ang potensyal na magiging matagumpay ang paggamit ng teknolohiya sa pagpapalaki ng hayop kahit sa mga magniniyog.

“Isinasama na natin ang pagsasanay ng mga magniniyog kung paano mangalaga ng mga hayop. Kailangang pumirma ng form ang mga magsasaka, at kailangan din nilang ideklara na sumailalim sila sa mga pagsasanay at seminar para makapagsimula ng negosyong may kaugnayan dito,” saad pa ni Santiago.

Naobserbahan ng mga beterinaryo ng lokal na pamahalaan na bumubuo ng Provincial, City, Municipal Veterinarians League of the Philippines (PCM-VLP) na maraming mga livestock dispersal program ng gobyerno ang nabigo.

Ito ay dahil sa kawalan ng suporta sa mga sistema upang matulungan ang mga magsasaka na magpatakbo ng mga negosyong may kinalaman sa mga hayop at manukan.

“Dapat isama nila tayong mga provincial veterinarian sa simula pa lang para makapagsagawa tayo ng mga pagsasanay at seminar bago pa man magsimulang mag-alaga ng hayop ang mga magsasaka. Ang nangyayari kasi ay tinatawag lang tayo kapag may problema na (kapag nagkakasakit ang mga hayop). Ito ay para hindi natin sayangin ang ating resources kapag namatay ang mga hayop bago tayo pumasok sa sitwasyon,” ani Dr. Mary Grace Bustamante sa Animal Health Congress.

Sa ngayon, ang livestock program ay nakatakda na isakatuparan sa loob lamang ng limang taon alinsunod sa mandato ng DA na pataasin ang produksyon ng pangangalaga ng mga hayop sa panahon ng termino ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. Gayunpaman, ang trust fund mismo ay pinalawig hanggang 50 taon.

Dahil dito, ang trust fund ay maaaring makatulong na mapanatili ang isang pangmatagalang programa sa pagpapahusay ng kabuhayan para sa mga magsasaka na maaaring ipagpatuloy ang kanilang pagsasaka ng niyog kasabay ng pangangalaga ng mga hayop.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -