32.2 C
Manila
Sabado, Oktubre 12, 2024

2 dekada ng CDD KALAHI-CIDSS, ipinagdiwang ng mga community volunteers

- Advertisement -
- Advertisement -

DUMALO ang nasa humigit-kumulang 150 kinatawan mula sa iba’t-ibang sektor ng lipunan sa buong bansa para sa selebrasyon ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), ang Community-Driven Development (CDD) Congress na kinabibilangan ng mga Community Volunteers (CV) ng Kapit-bisig Laban sa Kahirapan, Comprehensive and Integrated Delivery of Social Services (KALAHI-CIDSS) sa bansa kasabay ng pagbabahagi ng kanilang mga karanasan sa paglilingkod sa pamayanan na ginanap sa Sequoia Hotel Manila sa lungsod ng Parañaque noong Nobyembre 27-30.

Sa temang; Dalawang Dekadang Serbisyo, Pagsibol hanggang sa Pagpapatuloy, ibinahagi ng mga volunteers, kasama ang Community Empowerment Facilitators (CEF), Area Coordinators (AC) at Regional Program Management Team (RPMT) ang kanilang mga karanasan sa paglilingkod sa lugar na nasasakupan at iprinisinta sa iba pang delegado upang maging inspirasyon at baunin sa pagbalik nila sa kanilang mga lugar.

Ibinahagi ni Jordan Fajardo ang kanyang mga naging karanasan bilang isang community volunteer sa kanilang barangay sa ginanap na Community-Driven Development Congress 2023 ng DSWD Kalahi-CIDSS sa isang hotel sa lungsod ng Parañque kamakailan. (Kuhang larawan ni Dennis Nebrejo/PIA Mimaropa-Oriental Mindoro)

Isa si Jordan Fajardo mula sa Barangay Water bayan ng Baco, Oriental Mindoro ang nagbahagi ng kanyang karanasan at sinabi nito na; “Walong taon na akong volunteer ng Kalahi-CIDSS at napagkalooban ako ng dalawang parangal, noong 2017 at 2019 ng Bayani Ka Awards. Malaking bagay ang pagiging bahagi ng Kalahi-CIDSS sa aking buhay. Una, ito yung nagturo sa akin para maging isang ganap na volunteer at pangalawa, nagkaroon ako ng limang proyekto sa aming barangay na naipatupad, dalawang water system, dalawang road concreting at isang evacuation center.”

Dagdag pa ni Fajardo, nagustuhan niya sa programa ay ang CDD Empowerment, dahil isa siya sa mga produkto ng programa at malaki ang naitulong nito sa kanya upang mas lalo pang maunawaan ang layunin ng gobyerno at mahikayat pa ang komunidad kung paano pinapadaloy ng pamahalaan ang kanilang mga proyekto upang marinig ang boses ng mga nasa laylayan ng lipunan ang mga programa na manggagaling sa pamahalaan.

Nagkaroon ang mga delegado ng workshop na kung saan ay kanilang tinukoy ang mga hamon at napagtagumpayan na proyekto sa loob ng dalawang dekada at ilang taon na paglilingkod sa pamayanan ng walang anumang kapalit dahil kusang loob nila itong ibinigay sa kanilang komunidad.

Layunin ng programa na mabawasan ang kahirapan at isulong ang pagpapalakas ng komunidad sa pamamagitan ng boluntaryong paglilingkod.

Nakiisa rin sa naturang aktibidad si Mayor Arturo Piollo 3rd ng bayan ng Lila Bohol, Glaiza Jane Polizon-Lanete ng Tagbina, Surigao Del Sur at si Occidental Mindoro Governor Eduardo Gadiano na nagbahagi rin ng kanyang mga karanasan tungkol sa programa ng Kalahi-CIDSS.

Samantala, patuloy pa ring hinihikayat ng mga kasapi ng samahan ang pagsulong sa kongreso na i-institutionalized ang Kalahi-CIDSS para mas lalo pang tumibay ang programa at makatulong sa paghubog sa mga susunod na henerasyon bilang lider ng isang pamayanan. (DN/PIA Mimaropa – Oriental Mindoro)

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -