KOMUN ang tawag sa sistema ng kabuhayan na ipinanunukala ng pitak na ito upang tugunan ang seguridad sa pagkain ng bansa. Daglat ito ng salitang komunidad, na anu pa ba kundi kalipunan ng mga tao sa isang tiyak na teritoryo. Upang madaling maalaala, pinaikli na lamang sa “Komun” ang taguri. Magkaganun man, ang Komun ay hindi simpleng usapin ng paghabi ng mga letra upang makabuo ng isang magandang pangalan.
Komun ang sumasalamin sa walang pagsidlang pangarap ng mga maralita para sa isang lipunang pantay sa hustisya’t kabuhayan ang bawat isa sa mga mamamayan.
Una sa lahat, tinitiyak ng Komun na ang pangangailangan sa pagkain ng bawat miyembro ng komunidad ay pantay-pantay na natutugunan. Sapagkat ang pagkain ay pantay-pantay na natatamo ng lahat, awtomatikong napapantay din ang pag-iral sa hanay ng sambayanan ng mga usaping sosyal at pulitikal. Sa anumang kalagayan, wasto ang Marxistang mandato: “Ang kapangyarihang ekonomiko ay nagbubunga ng kapangyarihang pulitikal.” Bakit mayayaman lang ang nahahalal sa mga pwestong pulitikal? Dahil sila lang ang may perang nagagasta sa napakamahal na costa ng eleksyon. At bakit sila lang ang may pera, dahil sila lang ang may kontrol sa produksyon at distrbusyon ng batayang pangangailan ng tao, pagkain. Maaaring maikatwiran, meron pang ibang pangangailangan ang tao bukod sa pagkain, tama. Subalit kahit ano pa ang mga pangangailangan na iyon — damit , tahanan, eskwela, gamot, atbp.— lahat ay pumapailalim sa batayang pangangailan ng pagkain.
Makikita sa ultimong pamumukadkad ng Komun sa kabuuan ng arkipelago, ang pinaka-aadhika ng mga maralita na maunlad, makatarungan, mapayapa at masayang lipunan ay hindi isang pangarap lamang.
Ang Komun ay isang moog ng realidad ng paglaya ng sambayanan mula sa kahirapan.
Batayang yunit ng Komun
Para sa maayos, magaan at epektibong pangangasiwa ng Komun, bubuuin ang mga batayang yunit ng Komun ng 100 sa pinakadahop na pamilya ng isang barangay. Sa bilang na lamang na 2000 barangay ng Pilipinas, lumalabas na 200,000 pamilya ang masasakop ng kilusan sa pagtatayo ng Komun sa Pilipinas. Ilagay mo sa lima ang bilang kada pamilya, lalabas na sasaklawin ng Komun ang 1 milyon sa pinakamahihirap na Pilipino.
Ngayon, ang isang milyon ay banil lamang sa kuko kung ihahambing sa 110 milyon na populasyon ng bansa. Totoo, subalit sa pananagumpay ng kilusang Komun, ipinasisilip ang kaayusang sosyal na roon ay ganap nang lutas ang problema sa gutom. Mula sa isang pasilip lamang sa simula, papailanlang ang Komun bilang nangingibabaw na pamamaraan ng buhay at ang pinakapanga-pangarap nating maunlad, sagana, makatarungan, mapayapa at masayang buhay ay isang matigas nang realidad.
Komun Store
Komun Store ang tawag sa imbakan ng pagkain para sa mga kasapi ng Komun. Di tulad ng mga kapitalistikong sari-sari store na ang mga paninda ay binibili, sa Komun Store ang mga ito ay nakatuka na sa pami-pamilya kada araw, nakaimpake na upang sa unang oras pa lang ng umaga ay kokolektahin na lamang ng natukahang pamilya.
Ang ideya ng Komun Store ay binuo ng pagkilala na ang karapatang kumain ay hindi nakasingkaw sa kakayahang bumili ng pagkain. Sa ilalim ng kapitalistikong sistema, hindi lahat ng tao ay may trabaho. At hindi darating ang panahon na ang kawalang trabaho ng marami ay magwawakas. Sadyang minimintina ng kapitalismo ang malawak na reserba ng mga walang hanapbuhay sa dalawang napakahalagang kadahilanan. Una, upang agad pagkunan ng pamalit
sa mga trabahador na mapanlaban. Pangalawa, upang panatilihing mababa ang sahod sa mga manggagawa.
Samakatwid, walang katapusan ang kaayusan ng lipunan na araw-araw ay marami ang walang kita upang ipambili ng pagkain. Kung ipaparehas mo ang karapatan mong kumain upang mabuhay sa pagkakaroon mo ng pambili ng pagkain, marami ang mamamatay.
“Each according to his need, each according to his capacity (Bawat isa ayon sa kanyang pangangailangan, bawat isa ayon sa kanyang kakayahan).”
Iyan ang klasikong mandato ng Communist Manifesto. Karapatan mong kumain, pakainin ka. Kung wala kang pambili ng pagkain, hindi mo kasalanan iyan. Problema iyan ng nangangasiwa sa lipunan — kasama na tayong mga nakaiintindi sa suliranin ng pagkain.
Istrukturang pang-organisasyon
Para sa magaan, maayos at epektibong administrasyon ng Komun, itatatag ang Konseho ng mga Nakakatanda (KN). Binubuo ito ng mga may matandang gulang, pinakaresponsableng kasapi ng Komun.
KN ang bumubuo ng taunang Programa ng Pagkilos ng Komun at nagtatakda ng mga patakaran at alitunin nito.
Ang bilang ng mga miyembro ng KN ay dapat na umayon sa kailangang dami upang mabuo ang pamumuan ng KN at Kalihiman ng Komun.
Ang KN ay pinamumunuan ng Tagapangulo, Pangalawang Tagapangulo at Kalihim Heneral.
Ang Tagapangulo ang nagpapatawag ng mga regular na pulong, namumuno rito. Siya rin ang tumatawag at namumuno sa Pambansang Kongreso.
Ang Pangalawang Tagapangulo ang gumaganap sa Tungkulin ng Tagapangulo sa anumang pagkakataon na ang Tagapangulo ay hindi makaganap sa tungkulin.
Ang Kalihim Heneral ang may pasan sa tungkuling ipatupad sa araw-araw ang mga kapasyahan ng KN at ng Pambansang Kongreso.
Kaagapay niya sa gawain ang mga Katulong na Kalihim sa Organisasyon, Katulong na Kalihim sa Edukasyon at Katulong na Kalihim sa Pinansya.
Naging detalyado ang ating paglalahad sa layunin at simulain ng Komun upang iparating sa balana na seryoso tayo sa ating adhika na lutasin na sa wakas ang problema sa gutom ng sambayanan. Sabi nga sa English, “We’re not getting any younger.” Hindi na tayo pabata pa. Baka kamala-mala mo, ubos na ang ating lakas upang sa isang sa isang iglap ay ni hindi na kayanin pa ang huling pagpapasag.
Panahon na upang ipasilip ang magandang larawan ng Komun, tularan ng marami at ang inaadhikang paraisong buhay ay ganap nang magkatotoo.
(Tatapusin sa susunod na labas.)