KAPAG ang inyong opisina ay naglabas ng bagong salary scale may pagkakataong makaririnig ka sa mga katrabaho mo “ang yaman mo na” sa halip na “ang taas na ng sweldo o kita mo”. May pagkakaiba ba ng yaman sa kita?
Magkaiba ang yaman sa kita. Kadalasan, ang yaman ay anumang biyaya ng kalikasan, katangian ng mga tao, kagamitan, kasangkapan, imprastruktura, teknolohiya na may kakayahang magbigay ng tuwirang at di tuwirang kasiyahan sa mga mamamayan. Kapag ang mga ito ay agarang kinokonsumo ng mga mamamayan nagdudulot ito ng tuwirang kasiyahan tulad ng pagkonsumo ng mga pagkaing butil, yamang dagat, yamang kagubatan, iba’t ibang produkto at marami pang iba. Maaari ding gamitin ang mga yaman upang pagkakitaan sa paggamit ng mga ito bilang sangkap sa produksiyon na nagdudulot ng di tuwirang kasiyahan sa mga mamamayan mula sa kitang natatanggap sa pakikisangkot ng mga nagmamay-ari ng yaman sa pagbuo ng mga produkto at serbisyo.
Samakatuwid, ang kita ay bunga o resulta ng paggamit ng mga yaman bilang produktibong sangkap. Ang sweldo ay kitang mula sa pakikisangkot ng mga manggagawa sa proseso ng produksiyon. Samantala, ang renta ay kita ng mga nagmamay-ari ng lupa sa paggamit ng kanilang yamang lupa sa proseso ng produksiyon. Ang interes ay kita sa pagbubungkal ng yamang capital na pag-aari ng mga kompanya samantalang ang tubo ay mula sa pamamahala ng mga negosyante sa iba’t ibang sangkap sa produksiyon upang makabuo ng mga produkto at serbisyo. Samakatuwid, ang kita ay dagdag na yaman. Mula sa kita ay magagamit ito upang bumili ng mga yamang makapagbibigay ng tuwirang kasiyahan sa kasalukuyan sa pamamagitan ng pagkonsumo o bumili ng iba pang yaman sa pamamagitan ng pangangapital o impukin ito upang bumili ng mga yaman na makapagbibigay ng tuwirang kasiyahan sa hinaharap na pagkonsumo.
Kahit magkaiba ang dalawang konseptong ito, mahigpit na magkakaugnay ang mga ito. Kaya, ang Kabuoang Produktong Panloob o GDP ng isang bansa ay ang dagdag na yaman ng isang ekonomiya na nilikha at ginamit ng iba’t ibang sector sa loob ng isang taon. Ang kabuoang yaman ng isang ekonomiya ay mahirap sukatin dahil sa dami, pagkakaiba ng produktibidad at kalidad ng mga ito. Madaling sukatin ang lawak ng lupang ginagamit bilang sakahan ng iba’t ibang pagkaing butil at iba pang pananim. Ngunit mahirap sukatin ang lawak ng yamang dagat, yamang gubat pati na rin ang depresasyon o pagkabawas ng halaga ng mga likas na yaman. Nasusukat din ang lawak o istak ng capital ng isang ekonomiya sa pamamagitan ng pinagsama samang pangangapital sa kagamitan, kasangkapan. gusali, pabrika sa mga nagdaang mga taon matapos ibawas ang depresasyon taon taon. Kadalasan, ang sukatan ng yamang tao ay ang hukbong paggawa ngunit mahirap sukatin ang kalidad at produktibidad ng mga bumubuo ng hukbong paggawa at ang pagbabawas ng kakayahang makapag-ambag nito sa produksiyon bunga ng depresasyon. Dahil sa mga problemang nabanggit, hindi yaman ang ginagamit sa sukatan ng lakas ekonomiko ng isang bansa bagkus ay ang kita na nagmumula sa sari saring yaman na may iba’t ibang kalidad at produktibidad na sinusukat ng Gross Domestic Product. Ipinahihiwatig ng malaking GDP na malawak din ang yaman ng ekonomiya dahil sa yaman nagmumula ang pambansang kita.
Hindi ibig sabihin na kahit mayaman ka, awtomatikong malaki rin ang iyong kita. May pagkakataon kahit kaunti lamang ang iyong yaman ay malaki pa rin ang iyong kita. Paano ito nangyayari? Ang sagot ay nakapaloob sa kalidad, produktibidad ng yaman at demand sa mga yaman. Ang isang taong may isang maliit na lote sa Bonifacio Global City ngunit nakatayo ang isang gusaling may 20 palapag ay may malaking kita mula sa renta sa mga pinauupahang condominium sa gusaling nito. Samantala, ang isang tao ay may malalawak na lupain sa liblib na lugar sa probinsya, masasabing mayaman siya sa yamang lupa ngunit dahil hindi ito ginagamit sa mga produktibong gawain maaaring mababa lamang ang kanyang kita.
Sa larangan ng demand, ang boksingerong tulad ni Manny Pacquiao ay malaki ang kita mula sa kanyang kakaibang talento sa boksing kung ihahambing sa mga ordinaryong boksingero na nauuwi sa malaking demand ng mga tao sa mga labanan ni Pacquiao kaysa mga ordinaryong boksingero.
Samakatuwid, ang pambansang kita o GDP ng isang ekonomiya bansa ay mapatataas sa pamamagitan ng pagpaparami ng yaman, pagpapataas ng produktibidad ng iba’t ibang yaman ng bansa at pagpapataas sa demand sa mga produkto at serbisyong gawa sa Pilipinas. Dahil dito kailangan ng isang ekonomiya ang mabilis na pangangapital upang maragdagan ang yamang pisikal, magsagawa ng gugulin sa pagsasanay, edukasyon at teknolohiya upang mapataas ang produktibidad ng mga yaman at magsagawa ng mga imbensiyon at inobasyon upang ang mga produkto at serbisyong pinoprodyus ng isang ekonomiya ay magkaroon ng mataas na demand sa loob at labas ng bansa.