MATAGUMPAY na isinagawa ang saliksik ng Komisyon ng Wikang Filipino (KWF) para sa Korpus at Glosaryo ng mga Katutubong Kaalaman ng wikang Kolibugan sa Bayan ng Sirawai, Zamboanga del Norte noong Hunyo 9–13, 2025.
Layon ng dalawang proyekto na mapangalagaan ang wikang Kolibugan na isa sa mga nanganganib na wika ng bansa na may antas na di-ligtas.
Lumahok ang mga nakatatandang Kolibugan sa pangunguna ng kanilang bagong hirang na IPMR Atiya Abang. Kasama sa mga naibahagi sa korpus at glosaryo ang iba’t ibang kaalaman ng mga Kolibugan na may kinalaman sa pangingisda, pagkain, sining, agrikultura, at marami pang iba.
Sumailalim rin sa balidasyon ang glosaryo ng mga Kolibugan na may 551 lahok na mga salita.
Isinagawa ito ng mga mananaliksik ng Sangay ng Leksikograpiya at Korpusa na sina Johnly Diolata at Roy Rene Cagalingan, sa pamumuno ni Dr. Sheilee Vega ng Sangay ng Leksikograpiya at Korpus ng Pilipinas, sa pangangasiwa ni Dr. Arthur Casanova.
Naging katuwang ng KWF ang Pambansang Komisyon para sa mga Katutubo (NCIP) sa proyekto.