UNCLE, may kaibahan ba talaga ang needs sa wants?
Bakit mo naitanong, Juan?
Eh kasi, Uncle, iyong kaibigan ko sinasabihan ko na unahin muna n’ya kung ano talaga ang kailangan n’ya. Kaysa gastosan n’ya yung mga bagay na gusto lang n’ya kahit wala pa syang budget. Tama naman yun, Uncle, di ba?
Korek ka dyan. Isa yan sa mga karaniwang pinagmumulan ng problema sa pananalapi kung hindi natin alam kung paano babalansehin ang ating needs at wants.
Kadalasan pag ang binigyan mo ng priyoridad ang gusto mo, dahil nabubudol ka ng nakikita mo sa social media, at wala kang paghahanda para makuha mo ang mga ito, maiipit ka sa pangungutang na gagawin mo katulad ng paggamit ng credit card na wala talaga sa plano mo.
Para mas maintindihan natin ang kaibahan ng needs at wants, magandang tingnan natin ang Maslow’s Hierarchy of Needs, na sinasabing lima ang lebel ng needs ng tao mula sa basic hanggang sa mas mataas na kategorya ng needs. Ito ay ang:
- Physiological: Kailangan para mabuhay tulad ng hangin, tubig, pagkain, bahay at tulog;
- Safety: Pisikal na kaligtasan, seguridad sa pananalapi at proteksiyon sa panganib;
- Love and belonging: Mga social connections, relasyon at komunidad;
- Esteem: Respeto, recognition at pagtingin at pagpapahalaga sa sarili; at
- Self-actualization: Pagasenso, fulfillment at pagangat ng potensyal na kapabilidad.
Hindi mabibili ng pera ang love, esteem at self-actualization. Kung sisimplehan natin, para makita natin ang kaibahan ng needs at wants, partikular sa pangangailangan sa pananalapi, puede mong tanungin ang sumusunod:
- Ang binibili ko ba ay makakasagot sa aking basic survival o physiological needs?
- Ang gastos ba na ito ay tugma o naayon sa aking mga financial priorities?
- Kailangan ba ang gastos na ito sa aking kaligtasan at seguridad?
Sa ating personal na pinansyal na aspeto ng ating buhay, ang needs ay mas mahalaga sa ating wants. Ang mga halimbawa ng financial needs ay:
- Utang: Education loans, car loans credit card, at iba pa;
- Health care: Regular health check-ups, gamot at emergency medical care;
- Housing: Rent o amortization, insurance, property taxes, maintenance at repairs;
- Groceries: Basic na pagkain para sa kalusugan;
- Transportation: Pamasahe sa pampublikong transportasyon, gas, tolls, parking, vehicle maintenance at repairs; at
- Utilities: Electricity, gas, water, basic phone services at internet
Sa kabilang banda, ang mga halimbawa ng financial wants ay yung mga gastos na hindi naman kailangan pero nakakadagdag saya sa buhay tulad ng:
- Pagkain sa labas
- Entertainment (sine, konsert o plays)
- Sports o leisure activities
- Pagbili ng gadgets o mamahaling damit
- Pagbiyahe sa probinsiya o sa ibang bansa
Totoo naman na ang mga wants ay nakakaangat ng kalidad ng pamumuhay. Pero napaka-importante ng pagkakaroon ng budget para dito.
Katulad ng sinasabi natin, magandang gamitin ang 50-30-20 rule kung saan 50 porsiyento ng ating kinita ay para sa mga needs, 30 porsiyento para sa wants at 20 porsiyento para sa ipon o pambayad ng utang.
Dapat meron kang listahan ng iyong monthly na gastos at ilagay mo kung needs ba ito o wants. Kung ang kinikita mo ay P50,000 kada buwan at kung gagawin natin ang 50-30-20 rule, dapat ang P25,000 ay para sa basic needs, P15,000 ay para sa wants at P10,000 ay para sa savings.
Kung nalilito kung ang gagastusin ay para sa needs o wants, puwede mong itanong ito:
- Nakakatulong ba ito sa aking pangaraw-araw na buhay?
- Kaya ko ba na hindi ko isasakripisyo ang aking basic needs?
- May iba bang alternatibo na makukuha ko pa rin ang wants na ito na hindi naman mapipilay ang aking budget?
- Ito ba ay hindi nakakasira ng aking long-term goals?
Mahalagang bigyan ng prayoridad ng needs para sa long-term na stability at security at mas makabuluhang financial future. Mas maganda rin na meron kang Emergency Fund para sa mga di inaasahang pangyayari tulad ng pagkakasakit o kamatayan sa pamilya. Kung may kakayahang bayaran ang utang, unahin ito kaagad at magsimulang mag-invest sa mga financial instruments na makakapagbigay ng mas mataas na interest rate o sa real estate.
O, Juan, sana unahin mo talaga ang needs mo kaysa sa wants mo. Magtrabaho ka ng mabuti at mag-ipon at di kalauna’y maabot mo din lahat ng financial goals mo.