Aking naririnig magmula sa Poon ang sinasalita; sinasabi niyang ang mga lingkod n’ya’y magiging payapa, kung mangagsisisi at di na babalik sa gawang masama. Ang nagpaparangal sa pangalan niya’y kanyang ililigtas, Sa ating lupain ay mananatili ang kanyang paglingap. … Gagawing maunlad ng Panginoong Diyos itong ating buhay.
- Salmong Tugunan, 84:9-10, 13
NANINIWALA ka ba sa pagsasabanal o consecration? Ito ang dalanging isinusulong ng mga deboto ng Birheng Maria para sa katiwasayan at laban sa dahas at kalamidad matapos ang nakapag-aalmang mga pangyayari nitong linggong nagdaan.
Dalawang malakas na lindol sa dagat ng Batangas at Surigao, pasabog sa Misang Katoliko sa Marawi sa Disyembre 3, pagkasawi ng 25 o higit pa sa paghulog ng bus sa bangin sa Antique, at ang pangatlong pagkakasakit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng coronavirus disease 2019 (Covid-19) — iyon ang mga pangyayaring dagdag sa pagkabahala ng sambayanan bukod sa girian sa China sa karagatan at digmaan sa Ukraine at Israel.
Isa sa mga debotong nananawagan para sa pagsasabanal o konsagrasyon ng bansa sa ating padrong Maria ang batiking manunulat at director ng pelikula at telebisyon, si Baby Nebrida.
Mga pangitaing kagimbal-gimbal
Di-miminsan, nagkaroon siya ng mga pangitain ng mga kagimbal-gimbal na pangyayari, kabilang ang pag-atake ng mga eroplano sa New York noong 2001 at ang tsunami sa Karagatan ng India noong 2004.
Dahil dito at sa atas din ng Mahal na Birhen, naglunsad si Nebrida ng mga malaking panalangin sa New York noong Setyembre 11, 1999 at sa iba’t-ibang lalawigan ng Pilipinas kasama ang pamunuan ng bansa bago ang tsunami noong Disyembre 2004.
Noong 1999 nagtaka siyang Set. 11 ang petsang pinili ng Mahal na Birhen para sa parade ng mga bangka sa East River ng New York at panalangin sa Battery Park, sa halip ng Set. 8, ang kaarawan niya. Naunawaan niya kung bakit nang maganap ang atake sa New York noong Set. 11, 2001.
Pinakahuling dalangin ang isinagawa niya sa Palawan noong Nobyembre 27 ng taong nagdaan, kapistahan ng Mahal ng Birhen ng Medalyang Naghihimala, bilang pagsamba sa Eukaristiya at pagdarasal kay Maria para sa kapayapaan at kaligtasan ng Pilipinas sa tumitinding tagisan ng China at Amerika, damay ang Pilipinas.
Mula noong huling panalangin sa Palawan, nagsunud-sunod ang mga sakit sa pamilya ni Nebrida at maging sa kanya. Subalit nalampasan nila ng pamilya ang lahat ng karamdaman, at kamakailan, sinabi sa kanya ng paring kilala sa pagpapagaling ng maysakit na iniadya siya ng Diyos sa iba’t-ibang nakamamatay na sakit dahil may misyon pa siya matapos ang panalangin sa Palawan.
Kaya naman nananawagan muli si Nebrida sa mga kapanalig niyang nananalangin, sampo ng iba pang deboto ni Maria, na ipagdasal ang bansa upang maiwasan ang kalamidad at dahas. At may natatanging panawagan siya sa Pangulong Marcos na isagawa ang konsagrasyon o pagsasabanal ng Pilipinas, kabilang ang mga obispo.
Iyon ang ginawa dalawang ulit ng dalawang pinuno ng Portugal matapos magpakita roon ang Mahal na Birhen ng Fatima. Matapos ang konsagrasyon ng Portugal, hindi nadamay ang munting bansa sa Pangalawang Digmaang Pandaigdig at maging sa giyera sibil ng karatig bansang Espanya.
Manalangin at magtika
Bukod sa mga salaysay ng mga biyaya ng pagsasabanal, nakatakda rin ito sa Banal ng Kasulatan bilang paghihiwalay at pag-aalay sa Diyos ng mga tao, mga hayop at mga bagay. Ang lipi ni Abraham at ang tribo ni Levi kapwa konsagrado sa Panginoon (Aklat ng Exodo, 13:2, 12, 15; Mga Bilang 3:12). At sa ilalim ng batas ni Moises, alay rin sa Diyos ang mga panganay sa pamilya at alagang hayop.
Sa Bagong Tipan, sinabi sa Unang Sulat ni San Pedro (2:4, 9): “Lumapit kayo sa kaniya na siyang batong buhay na itinakwil ng mga tao. Ngunit sa Diyos siya ay hirang at mahalaga. … Ngunit kayo ay isang lahing hinirang, makaharing pagkasaserdote, isang bansang banal at taong pag-aari ng Diyos.”
At sa pagbasang Misa ng Disyembre 10, Ikalawang Linggo ng Adbiyento, makikita ang mga biyaya ng pagsasabanal. Wika ng unang pagbasa mula kay Propeta Isaias (40:1-5, 9-11): “Dumarating ang Panginoong Makapangyarihan taglay ang gantimpala sa mga hinirang; at tulad ng pastol, yaong kawan niya ay kakalingain.”
Sa Salmong Tugunan, bahagyang sinipi sa simula (Salmo 85:9-14), pangako ng Diyos: “Ang nagpaparangal sa pangalan niya’y kanyang ililigtas … Gagawing maunlad ng Panginoong Diyos itong ating buhay.”
Ngayon, para maialay ang anuman o sinuman sa Diyos, kailangang talikdan ang sala at magtika. Wika sa ikalawang pagbasa mula sa Ikalawang Sulat ni San Pedro (3:8-14): “Binibigyan niya ng pagkakataon ang lahat na makapagsisi at magbalik-loob sa Diyos, sapagkat hindi niya nais na kayo’y mapahamak.”
Gagawin ba ng Pangulo ang pagsasabanal ng bansa? Sa katunayan, noong Setyembre, tumanggap siya ng basbas para sa sarili at sa bansa mula kay Padre Chris Alar, batiking tapagapangaral sa Internet. Harinawa, buuin na niya ang biyaya sa pamamagitan ng konsagrasyon sa Diyos sa pamamagitan ni Maria. Idalangin natin ito.