TUMANGGAP ng livelihood kits mula sa Department of Labor and Employment (DoLE) ang 15 benepisyaryo kabilang ang 11 parents of child laborer (PCL) sa lalawigan ng Marinduque, kamakailan.
Ayon kay DoLE-Marinduque Provincial Director Philip Alano, bawat isang benepisyaryo ay nabiyayaan ng livelihood package na nagkakahalaga ng P30,000 na magagamit bilang panimula o pandagdag sa kani-kanilang mga negosyo.
“Damang-dama na agad ang Pasko ngayong unang araw ng Disyembre nang ipagkaloob ng ating ahensya sa ilalim ng DoLE Integrated Livelihood Program (DILP) ang livelihood kits sa mga benepisyaryo mula sa bayan ng Boac, Mogpog, Gasan, at Sta. Cruz,” wika ni Alano.
Dagdag pa ng panlalawigang direktor, pumili ng livelihood package ang mga PCL o magulang ng mga batang manggagawa na akma sa kanilang interes kabilang ang rice and feeds retailing, food vending, frozen food products retailing at bread and pastry business.
Ang DILP o mas kilala sa Kabuhayan Program ay isang proyekto ng DoLE na naglalayong tulungan ang mga mamamayang nawalan ng trabaho, mga nagnanais na madagdagan ang kanilang munting kabuhayan gayundin ang mga walang sapat na kita para magkaroon ng oportunidad na makalikha ng negosyo at maiangat ang antas ng kanilang pamumuhay. (RAMJR/PIA Mimaropa – Marinduque)