MAGANDANG balita. Umabot sa P80,760.95 halaga ng grocery items ang naipamahagi sa mga nag-ipon at nagpapalit ng kanilang recyclables sa Mobile Materials Recovery Facility (MMRF) ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Ayon sa datos ng MMDA, mula Oktubre hanggang Nobyembre ng taong kasalukuyan, nasa kabuuang 18,640.15 kilo ang nakolektang recyclables ng ahensya.
Ang MMRF ay nag-iikot sa iba’t ibang barangay sa Metro Manila para mangolekta ng mga recyclables ng mga residente.
Ang mga naipong recyclables ng mga residente ay may katumbas na puntos depende sa materyales. Ang puntos na ito ay maaaring ipalit sa mga basic goods gaya ng asukal, mantika, at de lata.
Isa ang MMRF sa waste diversion initiatives sa ilalim ng Metro Manila Flood Management Project na nagsusulong ng segregation para mabawasan ang mga basurang napupunta sa daluyang tubig at para mabawasan din ang pagbaha sa Metro Manila. (MMDA/PIA-NCR)