32.2 C
Manila
Sabado, Oktubre 12, 2024

Bakit tayo pasasalamat kay Kristo para sa lahat?

ANG LIWANAG

- Advertisement -
- Advertisement -

Magalak kayong lagi; maging matiyaga sa pananalangin. Ipagpasalamat ninyo sa pangalan ni Kristo Hesus ang lahat ng pangyayari, sapagkat yaon ang ibig ng Diyos. Huwag ninyong hadlangan ang Espiritu Santo. Huwag ninyong hamakin ang anumang pahayag mula sa Diyos. Suriin ninyo ang lahat ng bagay at pulutin ang mabuti. … At nawa’y panatilihin niyang walang kapintasan ang buo ninyong katauhan – ang espiritu, kaluluwa, at katawan – hanggang sa pagparito ng ating Panginoong Hesukristo.

  • Unang Sulat ni San Pablo sa mga taga-Tesalonica, 5:16-21, 23

TAPATAN tayo: sadyang mahirap, kundi imposible, ang sumunod sa pangaral ni San Pablo sa ikalawang pagbasang Misa ng Disyembre 17, sinipi sa simula, para sa Ikatlong Linggo ng Adbiyento, ang tinaguriang “Linggo ng Galak” o Gaudete Sunday.

Talaga bang dapat magalak pati ang mga Kristiyanong taga-Ukrainang binobomba ng Rusya, mga Palestinong Muslim sa Gaza Strip na inaatake ng Israel, at mga Hudyong bihag ng hukbong Hamas mula Oktubre 7?

Sa totoo lang, sa halip ng “Magalak,” mas malamang na hinaing o hiyaw nila at ng iba pang taong nagdurusa ang nagdadalamhating tanong: “Bakit, Panginoon?”

Bakit nagdurusa at nangamamatay ang nananampalataya at nagdarasal, samantalang walang hirap at takot ang walang dinidiyos sa paglapastangan, pang-aapi at pagpaslang ng kapwa? Bakit pinapayagan ng Maykapal ang ganitong kabuktutan?

Sa bayan natin mismo, titindi sa taong darating ang atungal sa ibinabalang paglaganap at pagbagsik ng El Niño na inaasahang magdadala ng matinding tagtuyot, kapos na tubig, at pagkalanta ng pananim at pagkakasakit ng alagang hayop.

Hiyaw sa disyerto

Ngayon, hinding-hindi sinasabi ng Kasulatang Banal na walang ligalig at dusa sa mundo. Sa katunayan, tahasang tinutukoy ng mga pagbasang Misa sa Linggo ng Galak ang mga pasakit at panganib ng daigdig.

Sa unang pagbasa mula kay Propeta Isaias (61:1-2, 10-11), sinugo ng Diyos ang Mesiyas “upang ang magandang balita’y dalhin sa mahihirap, pagalingin ang sugat ng puso, palayain ang mga bihag at bilanggo.”

Hango ang Salmong Tugunan at ang Aleluyang Berso bago ang Ebanghelyo sa awit ni Maria pagdalaw niya kay Isabel sa salaysay ni San Lucas (1:46-55), kung saan pinapurihan ang pagsaklolo ng Diyos sa hamak, sa mahina at sa nagugutom.

At sa Ebanghelyong Misa mula kay San Juan (1:6-8, 19-28), malinaw na ang pinsan at tagapanguna ng Kristo na “magpapatotoo sa liwanag” ng Mesiyas “sumisigaw mula sa ilang,”  hindi sa palasyong kumikinang o sa lupaing mayabong.

Sa madaling salita, ayon sa Bibliya, hindi langit ang lupa. Kaya nga dapat tubusin.

Pero ang tanong: Tinutubos ba ng Diyos ang daigdig at sa gayon, dapat tayong magsaya at magpasalamat, sa kabila ng sala, dusa, kalapastanganan at kamatayang walang katapusan sa balat ng lupa? Kuruin natin.

Sa mahigit dalawanlibong taon ng Kristiyanismong itinatag ni Hesukristo, nagbunga ba ng kabutihang dapat ikaligaya ang pangaral, pasakit at muling pagkabuhay niya, sampo ng paglaganap ng mga institusyon at aktibidades ng Simbahan?

Isipin natin kung walang Kristiyanismo: walang daan-daanlibong simbahan at seminaryo, paaralan at pamantasan, pagamutan, bahay-ampunan at iba pang institusyon ng kawanggawa.

At walang Bibliya, pangaral, wastong asal at iba pang doktrina, tradisyon at panulat Kristiyano, gayon din ang mga prinsipyo ng katarungang panlipunan base sa pangaral ni Kristo, at ang mga kaalaman at likhang sining at siyensiya ng mga Kristiiyano.

Kung wala ang lahat ng iyon, mas bubuti ba ang antas at buhay sa daigdig? At mas gaganda ba ang kalagayan natin at ng ating mga pamilya at pamayanan?

Aywan ko lang, pero tingin ko, di-hamak may dahilang magsaya at magpasalamat tayo sa Diyos para sa ating pananampalataya at pagtalima sa Kanya, pagtulad kay Hesus, at mga biyaya ng sibilisasyong ibinunsod ng Kristiyanismo.

Panalangin, pangaral, paglilingkod

Ngayon, tunay naming lubha pa ring laganap at lumalago ang kasamaan at pagdurusa sa mundo. Gaya ng babala sa ikaanim na kabanata ng Aklat ng Pagsisiwalat o Revelation, ang huling libro ng Bibliya, naglalakbay sa ating panahon ang Apat na Mangangabayo ng Apokalipso: Pananakop, Pandirigma, Pangangalakal at Kamatayan.

Sa tagisan ng mga dambuhalang bansang Amerika, Rusya at China, sa paglaki ng mga hukbong armado nang higit kailanman, sa pagdami ng mga bilyonaryo sa gitna ng halos isang bilyong nagugutom sa mundo, at sa panganib at kamatayang dala ng sakit, paghihikahos at kalamidad, lalo nating kailangan ang gabay at grasya ng Diyos at ang wastong asal at kalingang iniatas ni Hesus.

Sa harap ng nakapanlulumong ligalig at sala, mabilis pa sa alas kuwatro ang hinaing ng madla upang sumaklolo ang Diyos, nakakalimutang tayo — ikaw at ako — ang isip, puso, dila, galamay at paang dapat kumilos upang itaguyod dito ang Kaharian ng Diyos.

Kung walang alagad gaya ni San Juan Bautistang maglalatag ng daan para sa Panginoon, paano darating ang paghahari niya?

Bilang mga alagad ng Diyos at laban sa mga alagad ng demonyo, tungkulin nating kumilos, magsalita at manalangin para sa mga panuntunan, institusyon at patakaran ng Diyos. Kung magtitiwala at tatalima tayo, lalong magagalak at magpapasalamat ang sangkatauhan sa Poong Maykapal.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -