MULING iginiit ni Senador Win Gatchalian ang kanyang panawagan para sa pagbabawal sa pagbebenta, pamamahagi, at paggamit ng mga paputok at iba pang pyrotechnic device sa nalalapit na pagdiriwang ng Bagong Taon.
“Bagama’t nabawasan na ang bilang ng mga pinsalang may kaugnayan sa paputok sa pagsalubong sa Bagong Taon dahil sa mas malawak na regulasyon ng pamahalaan, mainam na bawasan pa, kung hindi man maalis, ang mga pinsala ng paputok sa pamamagitan ng pagbabawal sa sinuman o ano mang negosyo na gumagawa, nagbebenta, o nagpapalabas ng iba’t-ibang uri ng paputok o pyrotechnic devices maliban sa mga awtorisadong fireworks display,” ani Gatchalian.
“Dahil likas na sa atin na ipagdiwang nang maingay at buhay na buhay ang Pasko at Bagong Taon, ang higit na mahalaga ay matiyak na ang ating mga pagdiriwang ay ligtas,” giit ng senador.
Kung magiging batas, tatawagin ang Senate Bill 1144 ni Gatchalian na Firecrackers Prohibition Act. Layon ng panukalang batas na amyendahan ang Republic Act 7183, na kilala rin bilang Act Regulating the Sale, Manufacture, Distribution, and Use of Firecrackers and other Pyrotechnic Devices.
Nilinaw ni Gatchalian na mayroong exemption ang kanyang panukalang batas. Aniya, sinuman o ano mang negosyo na nangangailangang gumamit ng paputok at iba pang pyrotechnic device ay dapat kumuha ng special permit mula sa PNP Fire and Explosives Office. Bukod dito, dapat mga propesyonal o eksperto lamang ang dapat na humawak ng fireworks display dahil sila ay may kasanayang teknikal at kaalaman sa paggamit ng mga paputok.
“Huwag nating kalimutan na may psychological trauma at anxiety disorder na maaaring idulot ang mga paputok o anumang pagsabog,” paalala ni Gatchalian sa publiko. Malaki rin aniya ang epekto ng paputok sa mga alagang hayop.
“Taon-taon na lang, hindi nawawala ang mga nabibiktima ng mga paputok. Taon-taon na lang, nananawagan tayo na maraming ibang paraan ang pwedeng gawin para ipagdiwang ang Bagong taon nang masaya at maingay, hindi lang sa pamamagitan ng mga paputok,” dagdag niya.
Sinabi pa ng mambabatas na kahit na mayroon nang Executive Order No. 28, na nagtatakda para sa regulasyon at kontrol sa paggamit ng mga paputok at iba pang pyrotechnic device, nananatili pa rin ang mga pinsalang nauugnay sa paggamit ng mga paputok.
“Bukod sa pinsala na maaaring idulot ng mga paputok sa katawan, maaari rin itong maging sanhi ng sunog at magdulot ng polusyon sa hangin. Ang pinakamasama pa ay kung magiging sanhi ito ng pagkamatay,” pagtatapos niya.