MAG-UUMPISA sa Enero taong 2024 ang konstruksyon ng Super Health Center sa bayan ng Bani sa Pangasinan na nakatakdang mapakinabangan ng mga residente sa mga malalayong barangay sa nasabing bayan.
Ito ay matapos magsagawa ang Department of Health-Ilocos Center for Health Development (DOH-CHD-1) ng groundbreaking ceremony sa Barangay Arwas sa bayan ng Bani nitong Huwebes.
Ayon kay DoH Ilocos Region director Paula Paz Sydiongco, ang pasilidad na may badyet na P10 milyon ay magkakaroon ng kumpletong outpatient clinic at consultation, pharmacy at dispensary, primary clinical laboratory, clinical microscopy, microbiology/parasitology, radiology, birthing at lying-in, tuberculosis consultation na may direct sputum smear processing at microscopy capability.
Ayon kay Sydiongco ang itatayong pasilidad na may layong nasa tatlong kilometro mula sa town proper ng bayan ay popondohan sa ilalim ng Health Facilities Enhancement Program ng General Appropriations Act of 2023.
“The super health centers that are located in rural areas intend to primarily decongest our public hospitals by providing services on primary health care cases, or those that are low-risks, less serious or uncomplicated cases,” ani Sydiongco.
Samantala, ayon kay Dr. Ariel Estrada, municipal health officer ng Bani, mapakikinabangan ang pasilidad ng mga residente mula sa walong malalayong barangay sa bayan.
Aniya, kapag natapos ang pasilidad ito na ang magiging pangatlong health facility sa bayan ng Bani karagdagan sa dalawang nakatayo sa Barangay San Jose at sa Barangay Poblacion. (JCR/AMB/EMSA/PIA Pangasinan)